ECBATANA
Ang kabiserang lunsod ng sinaunang Media mula noong mga 700 B.C.E. Kinuha ito ng Persianong si Haring Ciro II mula sa Medianong si Haring Astyages, at pagkatapos ay nagsanib ang mga hukbo ng mga Medo at mga Persiano sa ilalim ni Ciro. Ang Ecbatana ay ipinakilala sa Kasulatan bilang isang lugar na nasa nasasakupang distrito ng Media noong mga araw ng Persianong si Haring Dario I (Hystaspis).—Ezr 6:1, 2.
Sa Ezra 6:2, “Ecbatana” ang salin sa Tagalog ng pangalan ng lunsod na ito. Ang ganitong anyo ng pangalan ay katulad ng mababasa sa Latin na Vulgate at masusumpungan din sa tekstong Griego ng mga akdang Apokripal na napalakip sa Septuagint. Gayunman, ang pangalang makikita sa tekstong Masoretiko at Syriac na Peshitta ay “Achmetha.” Waring ginamit ng sinaunang mga manunulat na Griego ang pangalang Ecbatana para sa maraming lugar. Gayunman, pare-pareho ang opinyon ng mga iskolar sa ngayon na ang Ecbatana na binihag ni Ciro (samakatuwid ay yaong binanggit sa Ezr 6:2) ay ang makabagong lunsod ng Hamadan, isang mahalagang sentro ng komersiyo sa Iran na nasa paanan ng Bundok Alwand at mga 290 km (180 mi) sa KTK ng Tehran. Gaya ng sinaunang Ecbatana na isang mahalagang lunsod na nasa pangunahing ruta mula sa Mesopotamia hanggang sa mga lugar na mas dako pang S, ang makabagong Hamadan ay binabagtas ng iba’t ibang daan, gaya ng lansangan mula sa Baghdad hanggang sa Tehran.
Nang kuwestiyunin ng ilang opisyal na hinirang ng Persia ang legalidad ng muling pagtatayo ng templo na isinasagawa ng mga Judio noong mga araw ni Zerubabel, ang mga mananalansang na ito ay nagpadala ng liham kay Haring Dario I ng Persia upang hilingin sa hari na tiyakin kung talagang pinahintulutan ng batas ni Ciro ang muling pagtatayong iyon. (Ezr 5:1-17) Ipinag-utos ni Dario na isagawa ang pagsisiyasat, at natagpuan ang batas ni Ciro sa Ecbatana, sa gayon ay napagtibay ang legalidad ng isinasagawang muling pagtatayo ng templo. Naglabas pa nga si Dario ng isang utos upang ang gawain ng mga Judio ay maipagpatuloy nang walang hadlang, at inutusan niya ang mga sumasalansang na paglaanan ang mga Judio ng kinakailangang mga materyales, na ‘ginawa naman nila kaagad.’ Natapos ang templo “nang ikatlong araw ng buwang lunar ng Adar, samakatuwid ay noong ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari,” o malapit sa tagsibol ng 515 B.C.E.—Ezr 6:6-15.