BABEL
[Kaguluhan].
Isa sa mga unang lunsod na itinayo pagkatapos ng Baha. Sa lugar na ito “ginulo [ng Diyos] ang wika ng buong lupa.” (Gen 11:9) Ang pangalan ay hinalaw sa pandiwang ba·lalʹ, nangangahulugang “guluhin.” Palibhasa’y inaakala ng lokal na mga mamamayan na ang kanilang lunsod ang sentro ng pamahalaan ng Diyos, sinasabi nila na ang pangalan ay pinagsamang Bab (Pintuang-daan) at ilu (Diyos), nangangahulugang “Pintuang-daan ng Diyos.”
Ang kaharian ng balakyot na si Nimrod, ang “makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova,” ay nagsimula sa Babel, “sa lupain ng Sinar,” sa mabanlik na kapatagan na nagmula sa naipong lupa ng bumabahang mga ilog ng Eufrates at ng Tigris. (Gen 10:9, 10) Walang mga bato na magagamit sa konstruksiyon, kaya ginamit ng mga tagapagtayo ang maraming deposito ng luwad. “Gumawa tayo ng mga laryo at lutuin ang mga iyon sa pamamagitan ng apoy,” ang sabi nila. Dahil walang apog, ang argamasa ay gawa sa bitumen.—Gen 11:3.
Ang proyekto sa Babel na salungat sa kalooban ng Diyos ay nakasentro sa pagtatayo ng isang relihiyosong tore “na ang taluktok nito ay nasa langit.” Hindi ito itinayo para sa pagsamba at pagpuri kay Jehova, kundi inialay ito sa huwad at gawang-taong relihiyon, anupat ang motibo ng mga tagapagtayo ay ang makagawa ng “bantog na pangalan.”—Gen 11:4.
Maaaring matantiya ang panahon kung kailan isinagawa ang gayong pagtatayo batay sa sumusunod na impormasyon: Si Peleg ay nabuhay mula 2269 hanggang 2030 B.C.E. Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Pagkakabaha-bahagi,” sapagkat “nang kaniyang mga araw ay nabahagi ang lupa [samakatuwid nga, “ang populasyon ng lupa”]”; “pinangalat sila ni Jehova mula roon sa ibabaw ng buong lupa.” (Gen 10:25; 11:9) Binabanggit sa isang teksto ni Sharkalisharri, hari ng Agade (Acad) noong panahon ng mga patriyarka, ang tungkol sa pagkukumpuni niya sa isang templong tore sa Babilonya, na nagpapahiwatig na mayroon nang gayong istraktura bago pa siya maghari.