PANAGINIP
Mga kaisipan ng isang tao o mga larawang nabubuo sa kaniyang isip samantalang siya ay natutulog. Ang Kasulatan ay may binabanggit na mga panaginip mula sa Diyos (Bil 12:6), likas na mga panaginip (Job 20:8), at bulaang mga panaginip (Jer 29:8, 9) gaya niyaong mga nauugnay sa panghuhula.—Zac 10:2.
Mga Panaginip Mula sa Diyos. Tumanggap ng mga panaginip mula sa Diyos kapuwa ang mga lingkod ni Jehova at ang mga taong hindi sumasamba sa kaniya. (1Ha 3:5; Huk 7:13, 14) Ang ilang panaginip ay nagsilbing babala na nagsanggalang sa kaniyang mga lingkod at ang iba naman ay nagbigay sa kanila ng patnubay. Sa isang panaginip ay binabalaan ng Diyos si Abimelec na hari ng Gerar na huwag hipuin si Sara, anupat dahil dito ay hindi ito nadungisan. (Gen 20) Bilang pagsunod sa “babalang mula sa Diyos sa isang panaginip,” ang mga astrologong dumalaw kay Jesus ay hindi bumalik sa mapamaslang na si Herodes. (Mat 2:11, 12) Dahil sa tagubiling tinanggap ni Jose mula sa anghel sa pamamagitan ng mga panaginip, kinuha niya si Maria upang maging kaniyang asawa at, gayundin, itinakas niya sina Jesus at Maria patungong Ehipto. Nang maglaon, sa pamamagitan din ng mga panaginip mula sa Diyos, inutusan si Jose na lisanin ang Ehipto kasama ang kaniyang pamilya at manirahan sa Nazaret upang matupad ang hulang, “Siya ay tatawaging Nazareno.”—Mat 1:18-25; 2:13-15, 19-23.
Ang ilang panaginip mula sa Diyos ay nagbigay-katiyakan sa kaniyang mga lingkod na taglay nila ang lingap ng Diyos o tumulong sa kanila na maunawaan kung paano sila inaalalayan ng Diyos. Bago makipagtipan ang Diyos kay Abram (Abraham), isang mahimbing na tulog at malaking kadiliman ang sumapit sa patriyarka, at lumilitaw na nakipag-usap si Jehova sa kaniya sa panaginip. (Gen 15:12-16) Sa Luz (Bethel), binigyan ng Diyos si Jacob ng isang panaginip kung saan nakakita siya ng isang hagdanan na mula sa lupa hanggang sa langit, anupat nagpapahiwatig ito ng pakikipagtalastasan sa langit. Nagmamanhik-manaog sa hagdanan ang mga anghel, nakatayo sa itaas niyaon ang wangis ni Jehova, at bumigkas ang Diyos ng isang pagpapala kay Jacob. (Gen 28:10-19; ihambing ang Ju 1:51.) Pagkalipas ng maraming taon, sa pamamagitan din ng isang panaginip ay ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon kay Jacob at inutusan niya ito, sa pamamagitan ng anghel, na bumalik sa kaniyang sariling lupain.—Gen 31:11-13.
Noong nasa kabataan pa ang anak ni Jacob na si Jose, nagkaroon siya ng mga panaginip na nagpahiwatig na sumasakaniya ang lingap ng Diyos, anupat makahula rin ang mga panaginip na iyon. Sa isang panaginip, siya at ang kaniyang mga kapatid ay nagtatali ng mga tungkos sa parang. Ang tungkos ni Jose ay tumayo nang tuwid, at ito’y pinalibutan at niyukuran ng mga tungkos ng kaniyang mga kapatid. Sa isa pang panaginip, niyukuran naman siya ng araw, buwan, at 11 bituin. (Gen 37:5-11) Kapuwa natupad ang mga panaginip na ito nang si Jacob at ang kaniyang sambahayan ay lumipat sa Ehipto dahil sa matinding taggutom. Upang makakuha ng pagkain, kinailangan nilang lahat na umasa kay Jose, yamang siya ang administrador noon ng pagkain sa Ehipto.—Gen 42:1-3, 5-9.
Tumanggap din ng makahulang mga panaginip mula sa Diyos ang ilang taong hindi sumasamba sa kaniya. Sa Ehipto, samantalang nakabilanggo si Jose kasama ng punong katiwala ng kopa at ng punong magtitinapay na kapuwa mga lingkod ni Paraon, ang mga lalaking iyon ay parehong nanaginip. Ayon sa pakahulugang ibinigay ni Jose sa tulong ng Diyos, sa loob ng tatlong araw ay ibabalik sa kaniyang posisyon ang punong katiwala ng alak at papatayin naman ang punong magtitinapay. Natupad ito pagkalipas ng tatlong araw noong kaarawan ni Paraon. Nang maglaon, ang mga panaginip na ito ang naging daan upang mairekomenda si Jose kay Paraon bilang isang lalaking may espiritu ng Diyos.—Gen 40.
Ang dalawang panaginip ni Paraon sa isang gabi ay kapuwa pinagsamang babala at hula. Sa unang panaginip, pitong baka na matataba ang laman ang nakita niyang nilamon ng pitong baka na hamak at payat ang laman. Sa ikalawang panaginip ni Paraon, pitong mabibintog at maiinam na uhay ng butil ang sumibol sa isang tangkay ngunit nilamon ang mga ito ng pitong uhay ng butil na kuluntoy, payat at natuyot ng hangin. Matapos sabihin ni Jose na ang pagpapakahulugan ay sa Diyos, may-katumpakan niyang ipinaliwanag na ang mga panaginip ay kapuwa tumutukoy sa pitong taóng kasaganaan na susundan ng pitong taóng taggutom. (Gen 41) Sa gayon ay naglaan ang Diyos ng patnubay upang mailigtas ang marami mula sa pagkagutom at partikular na upang maingatan ang buhay ng mga inapo ni Abraham para matupad ang kaniyang mga pangako rito.—Gen 45:5-8.
Ang Babilonyong si Haring Nabucodonosor ay nagkaroon din ng dalawang makahulang panaginip mula sa Diyos. Ang isa ay tungkol sa imaheng metal na may ulong ginto, dibdib at mga bisig na pilak, tiyan at mga hitang tanso, mga binting bakal, at mga paang bakal at luwad. Isang bato na natibag na hindi sa pamamagitan ng mga kamay ang tumama at dumurog sa mga paa nito at pagkatapos ay pinulbos niyaon ang iba pang bahagi ng imahen. Sinabi ni Daniel na si Nabucodonosor ang “ulong ginto” at ipinaliwanag niya na ang Babilonya ay hahalinhan ng sunud-sunod na mga kaharian ng tao. Sa dakong huli, ang Diyos mismo ay magtatatag ng isang Kaharian na “hindi magigiba kailanman.”—Dan 2:29-45.
Sa isa pang panaginip mula sa Diyos, nakakita si Nabucodonosor ng isang malaking punungkahoy na pinutol, at ang naiwang tuod ay tinalian ng “bigkis na bakal at tanso” upang hindi ito tumubo hanggang sa “pitong panahon” ang makalipas dito. Kaayon ng paliwanag ni Daniel, ang hambog na si Nabucodonosor (na isinasagisag ng punungkahoy na pinutol) ay nabaliw at nanatili sa gayong kalagayan hanggang sa makalipas ang pitong panahon, o taon. Pagkatapos nito, kinilala niya ang pagiging kataas-taasan ng Diyos, at nang manauli na ang kaniyang katinuan, ibinalik siya sa kaniyang pagkahari.—Dan 4; tingnan ang TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA.
Si Daniel mismo ay nagkaroon ng isang panaginip mula kay Jehova kung saan nakita niyang umaahon mula sa dagat ang apat na ubod-laking hayop, na kumakatawan sa mga pamahalaan ng tao. (Dan 7:1, 3, 17; tingnan ang HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA.) Nakita rin ni Daniel ang Sinauna sa mga Araw, na nagbigay sa “isang gaya ng anak ng tao” ng namamalaging “pamamahala at dangal at kaharian.”—Dan 7:13, 14.
Inihula ni Joel na ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos ay susundan ng mga palatandaang gaya ng panghuhula at ng pananaginip ng kinasihang mga panaginip. (Joe 2:28) Noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., tumanggap ng banal na espiritu ang mga 120 alagad ni Jesu-Kristo at nagsimula silang magsalita sa iba’t ibang wika “tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gaw 2:1-18) Nang maglaon, ang iba pang mga mananampalataya, kabilang na ang dating mang-uusig na si Saul (Pablo), ay tumanggap ng banal na espiritu at binigyan ng makahimalang mga kaloob. (Gaw 8:17-19; 9:17; 10:44-46) Noong nasa Troas si Pablo, nagkaroon siya ng isang pangitain sa gabi o isang panaginip na naglaan sa kaniya at sa kaniyang mga kasamahan ng patnubay kung saan sila dapat mangaral ng “mabuting balita.” (Gaw 16:9, 10) Walang alinlangang nagkaroon din ng mga panaginip ang iba pang mga alagad sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos bilang katuparan ng hula ni Joel.
Noong nililitis si Jesu-Kristo sa harap ni Poncio Pilato, ang asawa ng Romanong gobernador na iyon ay nagpadala sa kaniya ng ganitong mensahe may kinalaman kay Jesus: “Huwag kang makialam sa taong matuwid na iyan, sapagkat labis akong nagdusa ngayon sa panaginip dahil sa kaniya.” (Mat 27:19) Maliwanag na mula sa Diyos ang panaginip na iyon at dapat sana’y nagsilbi itong babala kay Pilato na ang kaso ni Kristo ay napakahalaga.
Likas na mga Panaginip. Ang likas na mga panaginip ay maaaring bunga ng ilang mga kaisipan o mga emosyon, mga pakiramdam o pang-araw-araw na mga gawain (kabalisahan, pisikal na kalagayan ng isa, ang kaniyang trabaho, at iba pa). (Ec 5:3) Ang ganitong mga panaginip ay walang gaanong kahulugan. (Aw 73:20) Maaaring managinip ang isang taong gutóm na siya ay kumakain o ang isang nauuhaw na siya ay umiinom, ngunit gutóm o uháw pa rin siya paggising niya. Katulad niyan ang magiging ilusyon ng lahat ng mga bansang “nakikipagdigma laban sa Bundok Sion.”—Isa 29:7, 8.
May kinalaman sa pangmalas ng mga pagano sa mga panaginip, sinabi ng Harper’s Bible Dictionary: “Napakalaki ng tiwala ng mga Babilonyo sa mga panaginip kung kaya sa gabi bago sila gumawa ng mahahalagang desisyon, natutulog sila sa mga templo at umaasang tatanggap sila ng payo. Ang mga Griego na nais tumanggap ng tagubiling pangkalusugan ay natutulog sa mga dambana ni Aesculapius, at ang mga Romano naman ay sa mga templo ni Serapis. Ang mga Ehipsiyo ay sumulat ng detalyadong mga aklat para sa interpretasyon ng mga panaginip.” (Inedit nina M. at J. L. Miller, 1961, p. 141) Gayunman, hindi nakibahagi sa gayong mga gawain ang tapat na mga Hebreo at ang unang mga Kristiyano. Nagbabala ang Kasulatan laban sa paghahanap ng mga tanda, ito man ay sa likas na mga panaginip o sa iba’t ibang pangyayari.—Deu 18:10-12; tingnan ang PANGHUHULA.
Bulaang mga Panaginip. Hinahatulan sa Bibliya ang bulaang mga panaginip. Ayon sa Kautusan, dapat patayin ang isang bulaang mánanaginíp na nanghihikayat sa iba na magsagawa ng idolatriya. (Deu 13:1-5) Kung minsan, nagsasalita ang Diyos sa kaniyang tunay na mga propeta sa pamamagitan ng panaginip (Bil 12:6), ngunit siya ay laban sa “mga propeta ng bulaang mga panaginip,” na naglalayo sa kaniyang bayan mula sa tunay na pagsamba. (Jer 23:25-32; 27:9, 10) Ang mga manghuhula ay inilalarawan na nagsasalita ng “mga panaginip na walang saysay.”—Zac 10:2.
Ginamit ng Bibliya ang mga panaginip sa makasagisag na diwa nang ilarawan nito ang mga taong di-makadiyos na nakapuslit sa loob ng kongregasyong Kristiyano at nagpaparungis sa laman. Nagbabala si Judas sa kaniyang mga kapananampalataya hinggil sa gayong mga tao na “mahilig managinip,” anupat lumilitaw na ang mga indibiduwal na ito ay ‘nananaginip’ o nag-iilusyon na maaari nilang labagin ang Salita ng Diyos at magparungis sa laman sa loob ng kongregasyon nang hindi naparurusahan. Ngunit nagkakamali sila, sapagkat hindi nila matatakasan ang kahatulan ng Kataas-taasang Hukom na si Jehova.—Jud 8; 1Co 6:9, 10, 18-20.