TIGLAT-PILESER (III)
Isang makapangyarihang hari ng Asirya (na ang pangalan ay binabaybay ring Tilgat-pilneser) at ang unang hari ng Asirya na binanggit ang pangalan sa ulat ng Bibliya. Bagaman ipinapalagay ng ilang iskolar na si Tiglat-pileser III ay dugong bughaw at itinuturing naman ng iba na nang-agaw siya ng trono, ang totoo ay hindi alam ang kaniyang pinagmulan at kung paano siya naging hari. Gayunman, ang kaniyang paghahari ay kinakitaan ng isang yugto ng muling pag-oorganisa, ng patuloy na paglawak at paglakas ng Imperyo ng Asirya na nagpabantog dito. Itinuturing na siya ang unang Asiryanong monarka na nagtatag ng maramihang pagpapatapon at paglilipat ng nalupig na mga tao bilang isang permanenteng patakaran. Sa loob ng isang taon, sinasabing sindami ng 154,000 katao ang sapilitang pinalipat-lipat sa mga lupaing nalupig. Lumilitaw na ang layunin ng gayong malupit na patakaran ay sirain ang loob ng mga liping pambansa at pahinain o buwagin ang anumang nagkakaisang pagtatangka na alisin ang pamatok ng Asirya.
Ang haring ito ay unang lumitaw sa ulat ng Bibliya bilang si “Pul.” (2Ha 15:19) Sinasabi rin sa 1 Cronica 5:26 na ‘pinukaw ng Diyos ang espiritu ni Pul na hari ng Asirya maging ang espiritu ni Tilgat-pilneser na hari ng Asirya, kung kaya niya dinala sa pagkatapon’ ang mga tao ng ilang tribo ng Israel. Ikinakapit ng sinaunang sekular na mga rekord ang dalawang pangalang ito sa iisang indibiduwal, anupat ang pangalang “Pulu” ay lumilitaw sa tinatawag ngayon na “The Babylonian King List A,” samantalang nakatala naman sa “The Synchronistic Chronicle” ang “Tukultiapilesharra” (Tiglat-pileser). (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 272, 273) Mapapansin din na sa Hebreo, ang siniping teksto sa Bibliya ay gumamit ng pandiwang “dinala” sa anyong pang-isahan sa halip na pangmaramihan. Karaniwang iminumungkahi na ang “Pul” ay personal na pangalan ng monarka at na ginamit niya ang pangalang “Tiglat-pileser” (ang pangalan ng isang nauna at kilalang Asiryanong hari) nang lumuklok siya sa trono.
Lumilitaw na noong maagang bahagi ng kaniyang paghahari, si Tiglat-pileser III ay naging abala sa pagtatatag ng mas matitibay na hanggahan para sa imperyo sa T, S, at H. Ngunit di-nagtagal, nanganib ang mga lupain ng Sirya at Palestina sa K dahil sa banta ng pananakop ng Asirya.
Pangunahing binabanggit ng mga inskripsiyong Asiryano si Azriau ng Ia-ú-da-a-a (Juda) may kaugnayan sa isang kampanya ni Tiglat-pileser III sa Sirya. (Ancient Near Eastern Texts, p. 282, 283) Waring ito ay isang pagtukoy kay Haring Azarias ng Juda, na mas kilala bilang si Uzias (829-778 B.C.E.), ngunit ang bagay na ito ay pinagtatalunan, sapagkat sinasabi ng ilan na may panahong ang maliit na kaharian ng Samʼal sa Sirya ay tinawag ding Juda. Waring malayong mangyari na may gayong paganong hari na ang pangalan ay may kalakip na pangalang Jah (ang pinaikling anyo ng Jehova) at nabubuhay ring kasabay ng Judeanong hari na may gayunding pangalan; gayunman, hindi binabanggit ng Bibliya si Tiglat-pileser III may kaugnayan kay Azarias (Uzias), at ang mga rekord na Asiryano ay sira-sira na.
Noong panahon ng paghahari ni Haring Menahem ng Israel (mga 790-781 B.C.E.), sumugod si Tiglat-pileser III (Pul) sa Palestina, at hiniling ni Menahem ang pabor ng Asiryano sa pamamagitan ng pagbabayad dito ng tributo na may halagang “isang libong talento na pilak” ($6,606,000 sa kasalukuyang halaga). Palibhasa’y panandaliang napaglubag, iniatras ni Tiglat-pileser ang kaniyang mga hukbo. (2Ha 15:19, 20) Tinutukoy ng mga dokumentong Asiryano si Me-ni-hi-im-me (Menahem), kabilang na si Rezon (Rezin) ng Damasco at si Hiram ng Tiro, bilang mga sakop ni Tiglat-pileser.
Pagkatapos nito, noong panahon ni Haring Ahaz ng Juda (761-746 B.C.E.), si Haring Peka ng Israel ay bumuo ng isang kompederasyon kasama si Haring Rezin ng Damasco at sumalakay sa Juda. (2Ha 16:5, 6; Isa 7:1, 2) Bagaman binigyang-katiyakan ng propetang si Isaias na sa loob ng maikling panahon ay mapapawi ang dalawang magkasabuwat na kaharian, ipinasiya ni Haring Ahaz na magpadala ng suhol kay Tiglat-pileser upang magpatulong sa kaniya. (2Ha 16:7, 8; Isa 7:7-16; 8:9-13) Inilarawan ng isang inskripsiyong Asiryano ang tributong ibinayad ni Ia-u-ha-zi (Jehoahaz, o Ahaz) ng Juda at ng iba pang mga hari ng lugar na iyon gaya ng sumusunod: “ginto, pilak, lata, bakal, antimonyo, mga kasuutang lino na may makukulay na palamuti, mga kasuutan ng kanilang katutubong (industriya) (na yari sa) lanang matingkad na purpura . . . lahat ng uri ng mamahaling mga kagamitan maging mga produkto ng dagat o ng kontinente, ang mga (piling) produkto ng kanilang mga pook, ang kayamanan ng (kanilang) mga hari, mga kabayo, mga mula (na sinanay para sa) pamatok.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 282) Tumugon ang agresibong Asiryano sa panghihimok ni Ahaz at sinalakay nito ang Israel, binihag ang ilang lunsod sa hilaga, at dinaluhong ang mga pook ng Gilead, Galilea, at Neptali, anupat dinala ang marami sa pagkatapon. (2Ha 15:29; 1Cr 5:6, 26) Ang Damasco ay sinalakay at bumagsak sa mga hukbong Asiryano, at ang hari nito na si Rezin ay pinatay. Sa Damasco, tinanggap ni Tiglat-pileser III ang pagdalaw ni Haring Ahaz ng Juda, na pumaroon upang magpasalamat o kaya’y magpakita ng pagpapasakop sa Asirya.—2Ha 16:9-12.
Kinasihan si Isaias na ihula na gagamitin ni Jehova ang hari ng Asirya tulad ng “isang upahang labaha” upang ‘ahitan’ ang kaharian ng Juda. (Isa 7:17, 20) Kung ang “upahang labaha” man ay espesipikong tumutukoy kay Tiglat-pileser III, na sinuhulan ni Ahaz, o hindi, ipinakikita ng rekord na nagdulot siya ng malaking kabagabagan sa Judeanong hari at na ang suhol ni Ahaz ay ‘hindi nakatulong sa kaniya.’ (2Cr 28:20, 21) Maaaring ito ang unang bahagi ng ‘baha’ ng pagsalakay ng Asirya sa Juda, na sa dakong huli ay ‘aabot sa pinakaleeg ng kaharian,’ gaya ng maliwanag na nangyari noong panahon ni Hezekias.—Isa 8:5-8; 2Ha 18:13, 14.
Sa kaniyang mga inskripsiyon, sinabi ni Tiglat-pileser III tungkol sa hilagang kaharian ng Israel: “Ibinagsak nila ang kanilang haring si Peka (Pa-qa-ha) at inilagay ko si Hosea (A-ú-si-ʼ) bilang hari sa kanila. Tumanggap ako mula sa kanila ng 10 talento na ginto [$3,853,500], 1,000(?) talento na pilak [$6,606,000] bilang kanilang [tri]buto at dinala ang mga iyon sa Asirya.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 284) Sa gayon ay sinasabi ng Asiryanong hari na siya ang responsable sa panunungkulan ni Hosea bilang hari ng Israel pagkatapos niyang magpakana upang mapaslang ang hinalinhan ni Hosea, si Peka (mga 758 B.C.E.).—2Ha 15:30.
Ayon sa sinaunang mga rekord ng Asirya, naghari si Tiglat-pileser III sa loob ng 18 taon. Gayunman, waring ipinakikita ng mga pagtukoy sa Bibliya na naghari siya nang mas mahabang panahon, yamang may mga pagtukoy sa kaniya mula noong panahon ni Menahem hanggang noong panahon ni Hosea. Ngunit hindi inilalaan ng Hebreong Kasulatan ang lahat ng detalyeng kailangan upang tiyakang masabi na mali ang mga rekord ng Asirya sa kasong ito. Bunga ito ng ilang kadahilanan: Hindi matiyak kung paano aayusin sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod ang mga panahon ng paghahari ng mga hari ng Israel. Dapat ding pansinin na ang yugto bago ang panahong karaniwang itinatakda bilang pasimula ng paghahari ni Tiglat-pileser ay medyo malabo kung may kinalaman sa sinaunang mga rekord at itinuturing na isang panahon ng malaking paghina ng mga Asiryano. Kaya ang Pranses na iskolar na si Georges Roux, sa kaniyang aklat na Ancient Iraq, ay nagsasabi na “sa loob ng tatlumpu’t anim na taon . . . ang Asirya ay halos naging paralisado.” Tungkol kay Ashurnirari V, na ipinapalagay na hinalinhan ni Tiglat-pileser III, ang awtor ding ito ay nagkomento: “Halos hindi siya nangahas na lumabas sa kaniyang palasyo at malamang na napatay siya sa isang rebolusyon na sumiklab sa Kalhu at inilagay sa trono ang kaniyang nakababatang kapatid [?], si Tiglat-pileser III.” (1964, p. 251) Dahil dito, waring talagang posible na naghari si Tiglat-pileser nang mas mahabang panahon kaysa sa karaniwang ipinapalagay, kahit marahil bilang isang kasamang-tagapamahala.
Sa 2 Cronica 28:16, binanggit na si Ahaz ay nagsugo “sa mga hari ng Asirya upang matulungan nila siya.” Bagaman ang pangmaramihang “mga hari,” na nasa Hebreong tekstong Masoretiko, ay anyong pang-isahan (“hari”) sa Septuagint at sa iba pang mga sinaunang manuskrito, may makabagong mga salin na pabor sa Hebreong pangmaramihan. (JP, NW) Itinuturing ng ilang iskolar na ang pangmaramihan dito ay nagpapahiwatig lamang ng karingalan at kadakilaang ipinatutungkol sa isang monarka (si Tiglat-pileser III) bilang ang “hari ng mga hari.” Gayunman, itinatawag-pansin din ang mapaghambog na pag-aangkin ng Asiryanong monarka na nakaulat sa Isaias 10:8: “Hindi ba ang aking mga prinsipe ay mga hari rin?” Posible kung gayon na ang pagtukoy kay “Pul na hari ng Asirya” (2Ha 15:19) ay maaari ring ikapit sa diwa ng pagiging tagapamahala niya sa isang probinsiya ng Asirya bago siya naging pinuno ng buong imperyo.
Nang mamatay si Tiglat-pileser III, hinalinhan siya ni Salmaneser V. Marami pa sanang detalye ang maaaring malaman tungkol sa haring ito kung hindi lamang ipinasira ng isa pang sumunod na hari, si Esar-hadon, ang mga inskripsiyon ni Tiglat-pileser, isang pambihirang paghamak na hindi pa nangyari sa kasaysayan ng Asirya.