SEBA
1. Isa sa anim na anak ni Cus.—Gen 10:7, 8; 1Cr 1:9, 10.
2. Isang lupain sa S Aprika. Sa Isaias 43:3 ang Seba ay iniuugnay sa Ehipto at Etiopia (Cus), na ibibigay bilang pantubos kapalit ng Jacob. Sa katulad na talaan, ang nasa Isaias 45:14 ay “mga Sabeano” sa halip na “Seba,” anupat nagpapakitang ang mga tao ng Seba ay tinatawag na mga Sabeano. Ipinahihiwatig ng mga talatang ito na ang Seba ay kahangga o saklaw ng Etiopia. Sinusuportahan ito ni Josephus, na nagsasabing ang “Saba” ay kumakapit sa lunsod ng Meroë sa Nilo at sa malaking bahagi (Isla ng Meroë) sa pagitan ng mga ilog ng Nilo, Asul na Nilo, at ng Atbara. (Jewish Antiquities, II, 249 [x, 2]) Ang pagbanggit sa mga Sabeanong ito bilang “matatangkad na lalaki” (Isa 45:14) ay pinatutunayan ni Herodotus (III, 20), na tumukoy sa mga Etiope bilang “ang pinakamatatangkad at pinakamagaganda sa lahat ng mga tao.”—Tingnan ang CUS Blg. 1 at 2.
Ang Meroë ay matagal nang isang mahalagang dako ng kalakalan. Kabilang sa malalayong dako na binanggit sa Awit 72 nang inilalarawan ang pamumuno at impluwensiya ng isa na itatalaga ni Jehova bilang Hari, tinukoy ang Seba at Sheba bilang mga dako na ang mga hari ay maghahandog ng kaloob.—Aw 72:10; Joe 3:8.