HAZARMAVET
[Looban (Pamayanan) ng Kamatayan].
Isang inapo ni Noe sa pamamagitan nina Sem at Joktan. (Gen 10:1, 21, 25, 26; 1Cr 1:20) Karaniwan nang pinaniniwalaan na ang mga inapo ni Hazarmavet ay namayan sa rehiyon ng Hadhramaut sa timugang Arabia. Iminumungkahi ang isang kaugnayan sa pagitan ng Hadhramaut at ng Hazarmavet dahil sa pagkakahawig ng mga katinig sa orihinal na mga pangalang Hebreo at Arabe. Hindi maliwanag ang mga heograpikong hangganan ng Hadhramaut. Ito ay humigit-kumulang na 880 km (550 mi) ang haba at 240 km (150 mi) ang lapad. May kakitiran ang baybaying kapatagan, at ang lupain naman ay paahon at matarik, anupat bumubuo ito ng isang mabatong talampas na may katamtamang taas na nasa pagitan ng 900 at 1,200 m (3,000 at 4,000 piye). Maraming agusang libis na may mga banging malalalim ang bumabagtas sa mataas na talampas na ito. Ang mga libis na ito ay napakataba. Sagana roon ang mga palma at mga datiles; nanginginain sa mga pastulan ang mga tupa, mga kamelyo, at mga asno; at kabilang sa mga pananim doon ay mijo, alfalfa, indigo, bulak, at mais. Ang pangunahin sa mga agusang libis ay ang Wadi Hadhramaut. Nagmumula ang batis na ito mga 480 km (300 mi) sa looban ng lupain mula sa K baybayin ng Peninsula ng Arabia at unti-unting kumukurba pasilangan nang mga 640 km (400 mi), at saka bumubuhos sa Dagat ng Arabia bilang ang Wadi Masila (ang pangalang itinawag sa mababang bahagi nito). Noong sinauna, ang rehiyon ng Hadhramaut ay gumanap ng mahalagang papel dahil sa pangangalakal nito ng insenso. Ngunit ang mga puno ng olibano, na dating sagana, ay kakaunti na ngayon doon.