MINA
Yunit ng timbang at ng halaga ng salapi. (1Ha 10:17; Ezr 2:69; Ne 7:71) Ayon sa tekstong Hebreo ng Ezekiel 45:12, ang isang mina (maneh) ay katumbas ng 60 siklo. Subalit ang salin ng Griegong Septuagint sa kasulatang ito ay nagtatakda ng halagang 50 siklo para sa isang mina. (Tingnan ang RS, Mo.) Yamang ang malalaking bilang ng siklo na tinutukoy sa Bibliya ay nahahati sa tig-50, maaaring ipinahihiwatig nito na noong mas naunang panahon, ang isang mina ay binubuo ng 50 siklo.—Gen 23:15; Exo 30:24; 38:29; Bil 31:52; 1Sa 17:5.
May patotoo sa arkeolohiya na ang isang mina ay 50 siklo. Ang isang walang-sulat na panimbang na humigit-kumulang 4,565 g (12.2 lb t) na natagpuan sa Tell Beit Mirsim, kung hahatiin sa walong mina na tig-50 siklo, ay magiging isang siklo na 11.4 gramo. Ang halagang ito ay pangunahin nang katumbas ng aberids ng mga 45 may-sulat na panimbang ng siklo na nasumpungan sa Palestina. Kaya sa publikasyong ito, ang mina sa Hebreong Kasulatan ay tinatayang 50 siklo o 1⁄60 talento, samakatuwid nga, 570 g (18.35 onsa t). Alinsunod dito, ang pilak na mina sa makabagong mga halaga ay katumbas ng $110.10 at ang gintong mina naman ay $6,422.50.
May posibilidad din na, gaya sa siko, dalawang halaga ang itinakda para sa mina, ang isa ay marahil para sa maharlikang mina (ihambing ang 2Sa 14:26) at ang isa pa ay para sa pangkaraniwang mina.—Ihambing ang Eze 40:5.
Ang mina (mna) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Luc 19:13-25) ay tinutuos na 100 drakma, yamang ito ang halagang ibinatay mula sa sinaunang mga manunulat na Griego. Halos kasinghalaga ng drakma ang denario. Kaya malaki-laking halaga rin ang mina. Ang halaga nito sa kasalukuyang panahon ay $65.40; noong unang siglo C.E., katumbas ito ng mga ikaapat na bahagi ng kita sa isang taon ng isang manggagawa sa agrikultura.
Start documents: