MARINERO
Isa na naglalayag o tumutulong sa pagpapatakbo ng isang barko; isang magdaragat. (1Ha 9:26, 27; Eze 27:8, 9; Apo 18:17-19) Mapanganib ang buhay ng sinaunang mga marinero. Halos wala silang magawa kapag ipinaghahampasan sila ng bagyo sa dagat. Sumulat ang salmista: “Dahil sa kapahamakan ay natutunaw ang kanila mismong kaluluwa. Sila ay susuray-suray at hahapay-hapay na tulad ng taong lasing, at ang kanila ngang buong karunungan ay nagkakalitu-lito. At dumaraing sila kay Jehova sa kanilang kabagabagan.”—Aw 107:26-28.
Inilalahad ng Gawa 27:15-19 ang isang malinaw na ulat tungkol sa mga hakbang na ginawa ng mga marinero noong minsang may bagyo. Ang maliit na bangka, na hinihila ng barko at maliwanag na nagsisilbing bangkang salbabida kung kinakailangan, ay isinampa sa kubyerta. Ang mga pantulong, posibleng mga lubid o mga tanikala, ay ginamit upang talian ang barko sa ilalim, samakatuwid nga, pinaraan ang mga ito sa ilalim ng kasko ng barko at hinigpitan sa kubyerta. Ibinaba ang kasangkapang panlayag. Maaaring nangangahulugan ito na inirolyo ang pangunahing layag. Itinapon ang ibang mga kagamitan upang pagaanin ang barko at lalo itong lumutang.—Ihambing ang Jon 1:5; Gaw 27:38; tingnan ang BARKO.