MATA, PANINGIN
Ang mata ay ang sangkap ng paningin, isang “kamera” na napakahusay at kusang nagpopokus anupat naghahatid ng mga impulso sa utak, kung saan ang bagay na nakapokus sa retina ng mata ay binibigyang-kahulugan bilang isang bagay na nakikita. Ang Hebreong ʽaʹyin at ang Griegong o·phthal·mosʹ ay kapuwa ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga diwa. Ang terminong Hebreo ay ginagamit din upang tumukoy sa isang “bukal.” (Gen 24:13; Exo 15:27) Ang pagkakaroon ng dalawang mata, gaya sa katawan ng tao, ay nagdudulot ng stereoscopic vision (kakayahang makakita ng tatlong dimensiyon). Ang pagkawala ng paningin ay isang napakalubhang kapansanan dahil ang paningin ang waring pinakamahalagang daluyan ng impormasyon tungo sa isip.
Ang mata ay isa sa pinakamagagandang bahagi ng katawan. (Sol 1:15; 4:9; 7:4) Ang kapansanan sa mata ay lubhang nakasisira ng anyo at nakapipinsala anupat ang isa ay hindi maaaring maglingkod bilang saserdote sa ilalim ng tipang Kautusan kung siya ay bulag o may karamdaman sa alinmang mata. (Lev 21:18, 20) Sa Israel, sa ilalim ng Kautusan, kapag napinsala ng isang tao ang mata ng kaniyang alipin, kailangan niyang palayain ang aliping iyon. (Exo 21:26) Upang ipahiya at durugin ang lakas ng kanilang mga kaaway, sinunod ng ilang sinaunang mga bansa ang malupit na kaugalian ng pagbulag sa mga prominenteng lalaki na kabilang sa nabihag na mga kaaway.—Huk 16:21; 1Sa 11:2; 2Ha 25:7.
Makikita sa kayarian ng mata ang kamangha-manghang pagkakadisenyo rito ng Maylikha, at ang proseso kung paano binibigyang-kahulugan ng utak ang impormasyong inihahatid ng mata ay hindi pa gaanong nauunawaan ng mga siyentipiko. Itinatampok ng lahat ng ito ang katalinuhan ng Disenyador nito. Ang Diyos na Jehova mismo ay nagpapatotoo na siya ang lumalang ng mata, anupat sinabi niya: “Ang Isa na nag-aanyo ng mata, hindi ba siya makakakita?”—Aw 94:9; Kaw 20:12.
Ang mga Mata ni Jehova. Tinutulungan ng Diyos ang mga tao na maunawaan at mapahalagahan ang mga bagay na may kinalaman sa kaniya sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga ito sa mga bagay na nakikita at alam na alam natin. Kaya sa makasagisag na paraan ay sinasabi niyang ang kaniyang “mga mata” ay nasa kaniyang bayan, na maliwanag na tumutukoy sa kaniyang pagbabantay at maibiging pangangalaga sa kanila. Sinabi ng apostol na si Pedro: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid.” (1Pe 3:12) Idiniriin ng Diyos ang pangangalagang ito at pagiging sensitibo niya sa kanilang kapakanan sa pamamagitan ng pagtukoy niya sa kaniyang mga lingkod bilang “balintataw” ng kaniyang mata, anupat ginagamit ito bilang metaporang naglalarawan sa kahalagahan nila sa kaniyang paningin at sa kaniyang mabilis na pagkilos alang-alang sa kanila kapag nais silang saktan ng kaaway.—Deu 32:10; Aw 17:8.
Nang ilarawan ni Jeremias ang obserbasyon ng Diyos sa mga ikinikilos ng lahat ng tao, sumulat siya na ang Kaniyang “mga mata ay nakadilat sa lahat ng lakad ng mga anak ng mga tao, upang ibigay sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad.” (Jer 32:19) Tungkol sa pagiging omnisyente ni Jehova at sa kaniyang layunin na magpakita ng katarungan sa lahat, sumulat ang apostol na si Pablo: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Heb 4:13; 2Cr 16:9; Aw 66:7; Kaw 15:3) Tungkol sa masusing pagsusuri ng Diyos sa mga tao, sinabi ng salmista: “Ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao.”—Aw 11:4.
Ang kakayahan ni Jehova na alamin ang mga katangian at mga hilig ng isang tao o ang henetikong kayarian nito maging habang nabubuo ito sa bahay-bata, gaya sa kaso nina Jacob at Esau (Gen 25:21-23; Ro 9:10-13), ay ipinakikita ng mga salita ng salmistang si David: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon at wala pa ni isa man sa kanila.”—Aw 139:15, 16.
Makatalinghagang Paggamit. Ang mata ng tao ay isang mahalagang daluyan ng impormasyon tungo sa isip, anupat malaki ang impluwensiya nito sa mga emosyon at mga pagkilos. Tinukso ni Satanas si Eva sa pamamagitan ng pagbubuyo rito na nasain ang isang bagay na nakikita ng mga mata nito. (Gen 3:6) Tinangka niyang udyukan si Jesus na magkasala sa pamamagitan ng di-wastong paghahangad sa mga bagay na nakikita ng mga mata nito. (Luc 4:5-7) At sinasabi sa atin ng apostol na si Juan na “ang pagnanasa ng mga mata” ay isa sa mga bagay na nagmumula sa sanlibutang ito, na lilipas sa dakong huli. (1Ju 2:16, 17) Ipinahahayag din ng mga mata ang karamihan sa mga emosyon, kung kaya ginagamit ng Kasulatan ang mga pananalitang “matayog [palalo] na mga mata” (Kaw 6:17); “makikinang na mga mata” (ng masama at mapang-akit na babae—Kaw 6:25); “mga matang punô ng pangangalunya” (2Pe 2:14); “matang di-mapagbigay” (Kaw 23:6); “matang mainggitin” (Kaw 28:22); ‘balakyot na mata’ (‘masamang mata,’ AS-Tg) na kabaligtaran ng “mabait na mata.”—Mat 20:15; Kaw 22:9.
Ang galaw ng mga mata ay malinaw na nagpapahayag ng damdamin ng isang indibiduwal. Ang mga ito ay maaaring magpakita ng habag o ng kawalan niyaon (Deu 19:13); maaaring ‘ikindat’ ang mga ito sa pang-aalipusta, o upang magpakana ng kataksilan. (Aw 35:19; Kaw 6:13; 16:30) Ang isa na ayaw tumupad o ayaw gumawa ng isang bagay para sa iba ay maaaring sabihing nagpipikit o nagkukubli ng kaniyang mga mata. (Mat 13:15; Kaw 28:27) Ang mga mata ng hangal ay sinasabing “nasa dulo ng lupa,” na nagpaparoo’t parito nang walang tiyak na tinatanaw, anupat ang kaniyang kaisipan ay kung saan-saan nakararating at hindi sa dapat nitong pagtuunan. (Kaw 17:24) Pati ang kalusugan, sigla, o kaligayahan ng isang tao ay makikita sa hitsura ng kaniyang mga mata. (1Sa 14:27-29; Deu 34:7; Job 17:7; Aw 6:7; 88:9) Sinabi ni Haring Jehosapat kay Jehova: “Ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”—2Cr 20:12.
Sa ilang konteksto, ang “paningin” at “mga mata” ay tumutukoy sa pangmalas (Gen 19:14; Kaw 12:15; Mat 21:42), presensiya (Gen 23:11), kabatiran (Bil 15:24), atensiyon (Gen 44:21; Luc 4:20), o pakikiramay (Kaw 28:27) ng isang tao. Ang salitang Hebreo na ʽaʹyin (mata) ay maaari ring tumukoy sa anyo ng isang bagay, gaya ng “nakikitang bahagi” ng lupa (Exo 10:5, tlb sa Rbi8), ang “hitsura” ng manna at ng elektrum (Bil 11:7, tlb sa Rbi8; Eze 1:4), ang ‘kislap’ ng alak (Kaw 23:31), ang “kislap” ng yelo (Eze 1:22), at ang “hitsura” ng tanso (Dan 10:6).—Ihambing ang Zac 5:6, tlb sa Rbi8.
Pagkakita sa Diyos; kay Jesus. Kayang tingnan ng mga espiritung nilalang, ng mga anghel, ang kaningningan ni Jehova (Mat 18:10; Luc 1:19), na hindi naman matatagalan ng mga mata ng tao, sapagkat si Jehova mismo ang nagsabi kay Moises: “Walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” (Exo 33:20) Sinabi ni Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Ju 1:18) Samakatuwid, nang sabihin ni Jesus sa kaniyang alagad na si Felipe: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama” (Ju 14:9), at nang sabihin ng apostol na si Juan: “Siya na gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos” (3Ju 11), maliwanag na ang tinutukoy nila ay pagkakita sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pisikal na mga mata ng tao, kundi sa pamamagitan ng ‘mga mata ng puso’ na tinukoy ng apostol na si Pablo. (Efe 1:18) Yaong mga nakakakita sa pamamagitan ng mga mata ng puso ay yaong mga tunay na nakakakilala sa Diyos, anupat pinahahalagahan ang kaniyang mga katangian, at iyan ang dahilan kung bakit masasabi ni Juan: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”—1Ju 4:8.
Gayundin naman, yamang sinabi ni Jesus na ‘hindi na siya makikita pa ng sanlibutan’ (Ju 14:19), ang pananalita sa Apocalipsis 1:7 na: “Makikita siya [si Jesu-Kristo] ng bawat mata,” ay tiyak na tumutukoy, hindi sa literal na mata, kundi, sa halip, sa epekto sa isip ng mga taong nagmamasid sa mga katibayan na makikita nila sa pamamagitan ng kanilang literal na mga mata kapag humahayo na siya upang puksain ang kaniyang mga kaaway. Gayunman, malinaw na sinasabi sa Bibliya na ang Diyos ay literal na makikita niyaong mga tinatawag ng Diyos tungo sa buhay sa langit kasama ni Kristo, anupat kailangang buhayin silang muli taglay ang isang makalangit na espirituwal na katawan.—1Pe 1:4; 1Co 15:50-54; ihambing ang 1Pe 3:18.
Espirituwal na Paningin. Ang espirituwal na mata gayundin ang pisikal na mata ay kaloob mula sa Diyos. (Kaw 20:12) Nangangako siya na pagagalingin niya ang espirituwal na mga mata gayundin ang pisikal na mga mata at na aalisin niya ang lahat ng sanhi ng pagluha. (Isa 35:5; Apo 21:4) Hindi maaaring maunawaan ng isa ang mga layunin ng Diyos kung wala siyang kaloob na espirituwal na paningin. Sa kabilang dako, ikinukubli ni Jehova ang kaniyang katotohanan mula sa mga mata niyaong mga sutil o mapaghimagsik, anupat hinahayaang ‘magdilim ang kanilang mga mata.’ (Ro 11:8-10; Luc 19:42) “Sila ay may [literal na] mga mata, ngunit hindi sila makakita [sa espirituwal na paraan].”—Jer 5:21; Isa 59:10.
Itinawag-pansin din ni Jesus na ang espirituwal na paningin ng isa ay dapat na panatilihing malinaw at nakapokus. Sinabi niya: “Ang lampara ng katawan ay ang mata. Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple [taimtim; nasa iisang direksiyon; nakapokus; bukas-palad], ang buong katawan mo ay magiging maliwanag; ngunit kung ang iyong mata ay balakyot, ang buong katawan mo ay magiging madilim. Kung sa katunayan ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, kay tindi nga ng kadilimang iyon!” (Mat 6:22, 23, tlb sa Rbi8) Ipinayo pa ni Jesus na ang isang tao ay hindi dapat magprisintang alisin ang isang maliit na “dayami” mula sa mata ng kaniyang kapatid upang matulungan itong maglapat ng mas kaayaayang mga hatol, gayong ang sarili niyang kakayahan na maglapat ng tamang hatol ay nahahadlangan ng isang “tahilan.”—Mat 7:3-5.
Nakita ng apostol na si Juan ang trono ng Diyos at sa palibot nito ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harap at sa likuran. (Apo 4:6, 8) Ang mga nilalang na nasasangkapan nang gayon ay makapagbabantay nang patuluyan, anupat nakikita nila ang lahat ng bagay. Lubusan nilang mababatid kung ano ang nagaganap dito sa lupa at makapagbibigay-pansin sila sa Diyos sa lahat ng bagay at matutupad nila ang lahat ng kaniyang mga tagubilin hinggil sa mga nais niyang ipagawa. (Ihambing ang Aw 123:2; gayundin ang Eze 1:18; 10:12.) Pinapayuhan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na huwag hayaang ‘mahiwalay mula sa kanilang mga mata’ ang kaniyang mga pananalita.—Kaw 4:20, 21; Luc 10:23; tingnan ang PAGKABULAG.