DAKONG BANAL
Isang terminong ikinakapit sa iba’t ibang paraan sa Kasulatan. (1) Sa pangkalahatan, maaari itong ikapit sa kampo ng Israel, sa Jerusalem at sa mga dakong banal sa loob niyaon; gayundin, espesipiko itong ginamit upang tumukoy sa (2) buong tolda ng kapisanan at, nang maglaon, sa templo; (3) sa Kabanal-banalan, ang kaloob-loobang silid ng tabernakulo at, nang maglaon, ng templo; at (4) sa unang loobang silid ng tabernakulo na naiiba sa Kabanal-banalang silid. Sa bawat paglitaw ng pananalitang “dakong banal,” malalaman sa konteksto kung ano ang tinutukoy nito.
1. Ang kampo ng Israel (Deu 23:14); nang maglaon, ang lupain ng Israel at partikular na ang lunsod ng Jerusalem. (Ihambing ang Mat 24:15 at Luc 21:20; pansinin ang pananalitang “banal na lunsod” sa Mat 27:53.) Naroon ang santuwaryo ng Diyos, inilagay roon ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang bayan ay ibinilang na banal. (Eze 21:2) Ang buong kampo, at nang maglaon ang buong lupain na ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayan, ay dapat panatilihing banal. Kaya naman, ang sinumang naghahandog ng hain sa isang huwad na diyos o nagsasagawa ng anumang maruming gawain ay nagpaparungis sa santuwaryo ng Diyos, na nasa gitna nila.—Lev 20:3; ihambing ang Lev 18:21, 30; 19:30; Bil 5:2, 3; Jer 32:34; Eze 5:11; 23:38.
2. Ang tolda ng kapisanan at, nang maglaon, ang templo. Ang buong kaayusan, pati na ang looban ng tabernakulo at ang mga looban ng templo, ay isang dakong banal. (Exo 38:24; 2Cr 29:5; Gaw 21:28) Ang pangunahing mga bagay na matatagpuan sa looban ay ang altar na pinaghahainan at ang tansong hugasan. Mga banal na bagay ang mga ito. Tanging mga taong malinis sa seremonyal na paraan ang makapapasok sa looban ng tabernakulo; sa katulad na paraan, walang sinumang nasa maruming kalagayan ang makapapasok sa mga looban ng templo. Halimbawa, ang isang babaing nasa maruming kalagayan ay hindi maaaring humipo ng anumang banal na bagay ni makapapasok man sa dakong banal. (Lev 12:2-4) Maliwanag na maging ang namamalaging karumihan ng isang Israelita ay itinuturing na nagpaparungis sa tabernakulo. (Lev 15:31) Yaong mga naghaharap ng mga handog ukol sa paglilinis mula sa ketong ay makapagdadala ng kanilang hain hanggang sa pintuang-daan lamang ng looban. (Lev 14:11) Walang taong marumi ang maaaring makibahagi sa haing pansalu-salo sa tabernakulo o sa templo, dahil kung hindi ay parurusahan siya ng kamatayan.—Lev 7:20, 21.
3. Ang Kabanal-banalan, ang kaloob-loobang silid. Sa Levitico 16:2, tinatawag itong “dakong banal [sa Heb., haq·qoʹdhesh, “banal”] sa loob ng kurtina.” Lumilitaw na ang silid na ito ang nasa isip ni Pablo nang banggitin niya ang pagpasok ni Jesus sa langit, anupat sinabi niya na si Jesus ay hindi pumasok sa isang “dakong banal [sa Gr., haʹgi·a, “mga banal”] na ginawa ng mga kamay.” (Heb 9:24) Sa Hebreo 10:19, may binanggit si Pablo na “dakong banal” (NW) o “ang pinakabanal” (KJ) (sa literal, ang mga banal, o ang mga dakong banal, anupat ang anyong pangmaramihan nito ay nagpapahiwatig ng kadakilaan).
Ang tanging laman ng Kabanal-banalan ng tabernakulo ay ang ginintuang kaban ng tipan, na sa ibabaw ay may dalawang ginintuang kerubin na nakaunat ang mga pakpak. (Exo 25:10-22; 26:33) Sa templong itinayo ni Solomon, mayroon ding dalawang malalaking kerubin na yari sa kahoy ng punong-langis na kinalupkupan ng ginto. (1Ha 6:23-28) Gayunman, pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang sagradong Kaban ay wala na sa Kabanal-banalan.
Sa Kabanal-banalan, ang mataas na saserdote ay napalilibutan ng mga kerubing ibinurda sa panloob na pantakip ng tabernakulo at sa kurtina nito. (Exo 26:1, 31, 33) Sa templo ni Solomon, ang mga dingding at kisame ay yari sa tablang sedro na binalutan ng ginto; may mga kerubin, mga larawan ng puno ng palma, mga palamuting hugis-upo, at mga bulaklak na inililok sa mga dingding.—1Ha 6:16-18, 29; 2Cr 3:7, 8.
4. Ang una at mas malaking silid, ang Dakong Banal, o ang Banal, na naiiba sa kaloob-loobang silid, ang Kabanal-banalan. (Exo 26:33) Ang silid na ito ay dalawang katlo ng kabuuang haba ng istraktura. (1Ha 6:16, 17; 2Cr 3:3, 8) Sa loob ng Dakong Banal ng tabernakulo, matatagpuan ang ginintuang kandelero sa T na panig ng silid (Exo 25:31-40; 40:24, 25), gayundin ang ginintuang altar ng insenso na nasa K dulo sa harap ng kurtinang patungo sa Kabanal-banalan (Exo 30:1-6; 40:26, 27), at ang mesa ng tinapay na pantanghal sa H panig (Exo 25:23-30; 40:22, 23; Heb 9:2, 3). Kasama ng mga ito ang mga ginintuang kagamitan, pati na ang mga mangkok, mga pamatay-apoy, at iba pa. Nasa Dakong Banal naman ng templo ang ginintuang altar, ang sampung mesa ng tinapay na pantanghal, at ang sampung kandelero. Limang kandelero at limang mesa ang inilagay sa kanan at gayundin sa kaliwa.—1Ha 7:48-50; 2Cr 4:7, 8, 19, 20.
Kapag nasa loob ng Dakong Banal ng tabernakulo, makikita ng saserdote ang makukulay na kerubing ibinurda sa panloob na pantakip ng tabernakulo, sa pagitan ng mga hamba ng dingding, at sa kisame. (Exo 26:1, 15) Nakasabit naman sa apat na ginintuang haligi ang kurtinang patungo sa Kabanal-banalan, mayroon din itong burdang mga kerubin. (Exo 26:31-33) Ang pantabing sa pasukan ng tabernakulo ay yari rin sa makulay na materyales. (Exo 26:36) Sa templo, ang mga dingding ng silid na ito ay may inukit na mga kerubin, mga larawan ng puno ng palma, mga palamuting hugis-upo, at mga bungkos ng bulaklak, anupat lahat ay nababalutan ng ginto.—1Ha 6:17, 18, 22, 29.
Makasagisag na Kahulugan. Ang kaayusang itinatag ng Diyos upang maipagbayad-sala ang tao sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo ay tinatawag na ang “mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay.” Isinulat ng apostol na si Pablo na si Kristo ay pumasok “nang minsanan sa dakong banal” ng dakilang espirituwal na templong ito “at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.” (Heb 9:11, 12) Nang si Kristo ay magtungo sa langit at humarap kay Jehova, pumasok siya sa dakong isinasagisag ng kaloob-loobang silid ng tabernakulo, samakatuwid nga, ang Kabanal-banalan. (Heb 9:24, 25) Kung gayon ang tabernakulo at ang mga paglilingkod doon ay nagsilbing “isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.”—Heb 8:5.
Mga Kristiyanong katulong na saserdote. Yamang ang dakong tinatahanan ng Diyos ay isang santuwaryo, anupat isang dakong banal, ang kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad din sa isang dakong banal, ang templo ng Diyos. (1Co 3:17; Efe 2:21, 22) Habang ang mga pinahirang tagasunod ni Jesu-Kristo ay nasa lupa, sinasabing sila ay “itinatayo bilang isang espirituwal na bahay sa layuning maging isang banal na pagkasaserdote” at bumubuo ng “isang maharlikang pagkasaserdote.” (1Pe 2:5, 9) Kung paanong ang mga katulong na saserdote ay naglingkod sa looban at gayundin sa Dakong Banal, ang mga Kristiyanong saserdoteng ito ng Diyos ay naglilingkod sa harap ng kaniyang makasagisag na altar at gayundin sa makasagisag na Dakong Banal. Ang mga saserdote ng Israel ay dapat na maging malinis, kaya kapag naghahanda sila upang maglingkod sa Dakong Banal, hinuhugasan nila ang kanilang sarili ng tubig mula sa tansong hugasan na nasa looban. (Exo 40:30-32) Sa katulad na paraan, yaong mga Kristiyano na ipinahayag na matuwid ay sinasabing ‘hinugasang malinis.’ (1Co 6:11) Ang mga saserdoteng Israelita noon ay napalilibutan ng mga pigura ng mga kerubin na nasa mga kurtina ng tabernakulo habang nagsasagawa sila ng kanilang mga tungkulin doon. Ipinaaalaala nito ang sinabi ng apostol sa mga indibiduwal na ipinahayag na matuwid, na, habang naririto pa sa lupa, “pinaupo tayong magkakasama [ng Diyos] sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo Jesus.” (Efe 2:4-6) Habang naglilingkod ang mga Kristiyanong ito na kabilang sa “maharlikang pagkasaserdote,” sila’y naghahandog ng mga hain ng papuri (Heb 13:15) at mga panalangin sa Diyos (iniuugnay sa insenso; Apo 8:4), kumakain ng espirituwal na pagkaing inilalaan ng Diyos (kung paanong pinaglaanan niya ng tinapay na pantanghal ang mga saserdote; Mar 2:26), at nagtatamasa ng liwanag mula sa Salita ng Diyos na katotohanan (gaya ng liwanag na nagmumula sa kandelero; Aw 119:105). Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na, sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo, mayroon silang pag-asa na pumasok sa tunay na “Kabanal-banalan,” sa langit mismo.—Heb 6:19, 20; 9:24; 1Pe 1:3, 4; tingnan ang BANAL NA ABULOY; KABANAL-BANALAN.