Talagang Nagmamalasakit ang Diyos—Paano Natin Natiyak?
MATAGAL nang palaisipan sa mga tao ang mahalagang tanong na ito: Kung mahal tayo ng Diyos, bakit napakaraming nagdurusa? Marahil sasang-ayon ka na kung mahal mo ang isang tao, ayaw mo siyang magdusa, at kung siya ay nasa gipit na kalagayan, tiyak na tutulungan mo siya. Kaya iniisip ng marami na dahil napakaraming pagdurusa sa daigdig, hindi nagmamalasakit sa atin ang Diyos. Kung gayon, mahalaga na isaalang-alang muna natin ang mga katibayan na talagang mahal tayo ng Diyos at nagmamalasakit siya sa atin.
Paglalang—Katibayan ng Pag-ibig ng Diyos
Ang Diyos na Jehova “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga ito.” (Gawa 4:24) Habang binubulay-bulay natin ang mga nilalang ni Jehova, talagang masasabi nating nagmamalasakit siya sa atin. Halimbawa, isipin ang mga bagay na nagbibigay sa iyo ng kasiyahan. Mahilig ka ba sa masarap na pagkain? Maaari sanang maglaan si Jehova ng isa lamang uri ng pagkain para tayo mabuhay. Pero inilaan niya ang iba’t ibang masasarap na pagkain. Pinaganda rin ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng sari-saring punungkahoy, bulaklak, at tanawin na kawili-wili at nagpapasaya sa ating buhay.
Tingnan din ang pagkakagawa sa atin. Para mabuhay, hindi natin kailangan ang pagiging masayahin, kakayahang magpahalaga sa musika, at kagandahang nakikita natin. Pero ang lahat ng ito ay regalo ng Diyos na nagbibigay-kulay sa ating buhay. Isipin din ang ating kaugnayan sa iba. Sino ang hindi nasisiyahang makisama sa mabubuting kaibigan o sa yakap ng ating minamahal? Tunay nga, ang kakayahang magmahal ay isang regalo mula sa Diyos ng pag-ibig! Yamang nilalang ng Diyos ang mga tao taglay ang kakayahang iyan, tiyak na isa ito sa mga katangian ng Diyos.
Tinitiyak sa Atin ng Bibliya ang Pag-ibig ng Diyos
Bukod sa paglalang, sinasabi rin sa atin ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na ang Diyos ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Halimbawa, nagbibigay ito ng mga panuntunan upang magkaroon tayo ng mabuting kalusugan, hinihimok tayo nito na maging timbang sa lahat ng bagay, at nagbababala laban sa paglalasing at katakawan.—1 Corinto 6:9, 10.
Nagbibigay rin ang Bibliya ng matalinong payo kung paano tayo makikitungo sa iba. Hinihimok tayo nito na ibigin ang isa’t isa at magpakita ng paggalang, dangal, at kabaitan sa kapuwa. (Mateo 7:12) Hinahatulan nito ang mga gawain at saloobin na nagdudulot ng pagdurusa—kasakiman, tsismis, inggit, pangangalunya, at pagpatay. Kung sisikapin ng lahat na mamuhay kasuwato ng maiinam na payo sa Kasulatan, tiyak na mababawasan ang pagdurusa sa daigdig.
Subalit ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos ay ang pagbibigay ng kaniyang Anak, si Jesus, upang tubusin ang sangkatauhan. Sinasabi ng Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya isinaayos na ni Jehova na lubusang wakasan ang kamatayan at lahat ng uri ng pagdurusa.—1 Juan 3:8.
Maliwanag, napakaraming katibayan na mahal tayo ni Jehova. Kaya makatuwirang isipin na ayaw niya tayong makitang nagdurusa. Wawakasan ng Diyos ang pagdurusa. Hindi na tayo kailangang manghula pa hinggil dito—sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano ito gagawin ng Diyos.
[Larawan sa pahina 4]
Ang kakayahang magmahal ay isang regalo mula sa Diyos ng pag-ibig