Chinese New Year—Para ba sa mga Kristiyano?
TAUN-TAON, tuwing buwan ng Enero o Pebrero, napakaraming tao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang nagpupunta sa Asia. Milyun-milyong Asiano ang umuuwi sa kanilang pamilya upang ipagdiwang ang Chinese New Year.a
Ang Chinese New Year ang pinakamahalagang kapistahan sa kalendaryo ng mga taga-Asia. “[Ito’y] parang pinagsama-samang pagdiriwang ng Bagong Taon, Fourth of July, Thanksgiving, at Pasko,” ang sabi ng isang manunulat na Amerikano. Nagsisimula ang kapistahan sa unang bagong buwan sa kalendaryong lunar ng mga Tsino, o sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 20 sa kalendaryo sa Kanluran. Tumatagal ito nang ilang araw hanggang dalawang linggo.
Ang pagdiriwang ng Bagong Taon ay pamamaalam sa nakaraang taon at pagsalubong sa bagong taon. Bilang paghahanda sa kapistahan, ang mga tao ay naglilinis at naglalagay ng dekorasyon sa kanilang mga bahay, bumibili ng mga bagong damit, naghahanda ng mga pagkaing nagdadala ng “magandang kapalaran” o “kasaganaan,” nagbabayad ng kanilang mga utang, at nilulutas ang mga di-pagkakaunawaan. Sa araw ng Bagong Taon, nagpapalitan sila ng mga regalo at nagbabatian, karaniwan nang para sa kalusugan at kasaganaan, namimigay sila ng pera na inilalagay sa ang pao o pulang sobre na itinuturing na suwerte, kumakain ng masasarap na pagkain, nagpapaputok, nanonood ng sayaw ng makukulay na dragon o leon, o basta nagsasaya lamang kasama ng pamilya at mga kaibigan.
Maraming kahulugan ang mga kaugaliang ito. Ganito ang sinasabi ng aklat na Mooncakes and Hungry Ghosts: Festivals of China: “Walang ibang nasa isip ang mga pamilya, kaibigan, at kamag-anak kundi ang suwertihin, igalang ang mga diyos at espiritu, at magkaroon ng magandang kapalaran sa darating na taon.” Yamang nagsasangkot ito ng maraming tradisyon at relihiyosong gawain, ano ang dapat maging pananaw rito ng mga Kristiyano? Dapat ba na basta na lamang silang makisama sa mga pagdiriwang na ito? Para ba ito sa mga Kristiyano?
“Huwag Mong Kalilimutan ang Pinagmulan Nito”
Isang kilalang kasabihan ng mga Tsino ang nagsasabi: “Kapag umiinom ka ng tubig, huwag mong kalilimutan ang pinagmulan nito.” Ipinahihiwatig nito ang matinding paggalang ng maraming Asiano sa kanilang mga magulang at ninuno. Dahil utang ng mga anak ang kanilang buhay sa mga magulang, natural lamang na igalang nila ang mga ito. Ang paggalang na ito ay mahalagang bahagi ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Tiyak na pinananabikan ng maraming pamilya sa Asia ang Bisperas ng Bagong Taon. Sa gabing iyon, nagsasama-sama ang mga magkakapamilya para sa isang espesyal na salu-salo. Ito ang okasyong hindi palalampasin ng sinuman. Sa ilang bahagi ng Asia, may inilalaang upuan sa hapag-kainan hindi lamang para sa mga miyembro ng pamilya na buháy pa kundi para din sa mga namatay na, dahil pinaniniwalaang naroroon ang kanilang espiritu. Habang kumakain, “talagang nagkakaroon ng komunikasyon ang mga miyembro ng pamilya at ang kanilang mga ninuno,” ang sabi ng isang ensayklopidiya. “Dahil muling tumitibay ang buklod sa pagitan ng mga buháy at patay, poproteksiyunan ng mga ninuno ang pamilya sa buong taon,” ang sabi ng isa pang reperensiya. Ano ang dapat maging pananaw ng mga Kristiyano sa kaugaliang ito?
Mahalaga rin sa mga Kristiyano ang pag-ibig at paggalang sa mga magulang. Sinusunod nila ang utos ng Diyos: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” (Kawikaan 23:22) Sinusunod din nila ang utos ng Bibliya: “‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’” (Efeso 6:2, 3) Oo, minamahal at iginagalang ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang mga magulang!
Binabanggit din sa Bibliya ang tungkol sa nakapagpapatibay na mga pagsasalu-salo ng pamilya. (Job 1:4; Lucas 15:22-24) Ngunit iniuutos ni Jehova: “Huwag makasusumpong sa inyo ng sinumang . . . sumasangguni sa multo o espiritu, o sa mga patay.” (Deuteronomio 18:10, 11, The Jerusalem Bible) Bakit bawal? Sapagkat ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa tunay na kalagayan ng mga patay: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” Yamang wala nang nalalaman ang mga patay, wala na rin silang magagawa. Hindi na nila tayo matutulungan o masasaktan. (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Inihalintulad ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang kamatayan sa mahimbing na pagtulog, at na ang mga patay ay gigising lamang kapag binuhay na silang muli.—Juan 5:28, 29; 11:11, 14.
Karagdagan pa, ipinakikita ng Bibliya na ang “multo” at “espiritu” ng mga patay ay masasamang espiritung nilalang na nagpapanggap bilang ang mga namatay. Bakit? Upang iligaw ang mga tao at makontrol nila sila. (2 Tesalonica 2:9, 10) Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay talagang proteksiyon. Kaya dahil sa pag-ibig kay Jehova at dahil ayaw mapahamak ng mga Kristiyano, iniiwasan nila ang anumang kaugaliang nagsasangkot ng pagsamba sa mga “espiritu” ng namatay na mga ninuno o paghingi ng kanilang proteksiyon.—Isaias 8:19, 20; 1 Corinto 10:20-22.
Sa kabilang panig, gusto ring igalang ng mga Kristiyano ang “Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efeso 3:14, 15) Sino ang tinutukoy rito na Ama? Siya ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova. (Gawa 17:26) Kaya kapag isinasaalang-alang ang mga kaugalian sa Chinese New Year, makabubuting itanong natin: Ano ang pananaw ni Jehova sa mga kaugaliang ito? Sinasang-ayunan ba niya ito?—1 Juan 5:3.
Pagpaparangal sa mga Diyus-diyosan ng Sambahayan
Kabilang sa mga pagdiriwang ng Chinese New Year ang maraming popular na kaugaliang nagpaparangal sa maraming diyus-diyosan ng sambahayan, gaya ng diyos ng pinto, diyos ng lupa o espiritung bantay, diyos ng kayamanan o kapalaran, at diyos ng kusina o kalan. Isaalang-alang ang popular na kaugaliang nagpaparangal sa diyos ng kusina.b Ayon sa paniniwalang ito, mga ilang araw bago ang Bagong Taon, umaakyat sa langit ang diyos na ito para mag-ulat tungkol sa pamilya sa Jade Emperor, ang pinakamataas sa mga diyos ng Tsino. Upang magbigay ng mabuting ulat ang diyos ng kusina, ang pamilya ay nag-aalay ng espesyal na pagkain, gaya ng mga minatamis at malagkit na kakanin. Para mapabilis ang kaniyang paglalakbay, kinukuha ng pamilya ang kaniyang larawan, at kung minsan pinapahiran ng minatamis ang kaniyang labi, at saka susunugin ito sa labas ng bahay. Sa Bisperas ng Bagong Taon, naglalagay sila ng bagong larawan ng diyos ng kusina sa ibabaw ng kalan, upang bumalik siya sa bahay sa susunod na taon.
Waring wala namang masama sa mga kaugaliang ito. Pero sinusunod ng mga Kristiyano kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos hinggil sa pagsamba. Tungkol dito, sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Maliwanag, gusto ng Diyos na siya lamang ang sambahin natin. Bakit? Isaalang-alang ito: Si Jehova ang ating makalangit na Ama. Ano kaya ang madarama ng isang ama kung ipagwawalang-bahala siya ng kaniyang mga anak at lalapit ang mga ito sa iba? Hindi ba siya labis na masasaktan?
Kinilala ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit bilang “ang tanging tunay na Diyos.” Malinaw rin na sinabi ni Jehova sa kaniyang mga mananamba na ‘huwag silang magkaroon ng iba pang mga diyos’ bukod sa kaniya. (Juan 17:3; Exodo 20:3) Gustong mapalugdan ng mga tunay na Kristiyano si Jehova. Kaya hindi sila naglilingkod sa ibang mga diyos upang hindi siya masaktan.—1 Corinto 8:4-6.
Pamahiin at Espiritismo
May kaugnayan din ang Chinese New Year sa astrolohiya. Sa kalendaryong lunar, ang bawat taon ay ipinapangalan sa isa sa 12 hayop sa sodyako ng mga Tsino—dragon, tigre, unggoy, kuneho, at iba pa. Naniniwala sila na ang hayop ay nakaiimpluwensiya sa personalidad at paggawi ng mga ipanganganak sa taóng iyon o magiging matagumpay ang taóng iyon sa pagtataguyod ng ilang gawain. Maraming iba pang kaugalian sa Chinese New Year, kasali na ang pagpaparangal sa diyos ng kayamanan o kapalaran, ang dinisenyo para magkaroon ng “suwerte.” Ano ang dapat maging pangmalas dito ng mga Kristiyano?
Ayon sa kaniyang Salita, ang Bibliya, hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mga “mananamba ng langit, ang mga tumitingin sa mga bituin, yaong mga naghahayag ng kaalaman sa panahon ng mga bagong buwan may kinalaman sa mga bagay na darating sa [kanila].” Hinahatulan din niya ang pagsamba sa “diyos ng Suwerte” at “diyos ng Tadhana.” (Isaias 47:13; 65:11, 12) Sa halip na magtiwala sa ilang mahiwaga o di-nakikitang mga impluwensiya na nauugnay sa mga dako ng espiritu o bituin, sinabi sa mga tunay na mananamba: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Oo, inaalipin ng mga pamahiin ang mga tao, ngunit pinalalaya naman sila ng mga katotohanan sa Bibliya.—Juan 8:32.
Ipakita ang Iyong Pag-ibig sa Diyos
Hindi sapat na malaman ang pinagmulan ng mga kaugalian at paniniwala tungkol sa mga pagdiriwang ng Chinese New Year, kailangang magpasiya ang isa kung makikisama siya sa pagdiriwang nito. Kung nakatira ka sa isang lugar na isang kaugalian ang pagdiriwang ng taunang Chinese New Year o kung tradisyon ng iyong pamilya ang pagdiriwang ng Bagong Taon, tiyak na kailangan mong gumawa ng seryosong pasiya.
Totoo, kailangan natin ng lakas ng loob at determinasyon para makapanindigan. “Takot na takot ako kasi ako lang ang hindi nagdiriwang ng Bagong Taon sa lugar namin,” ang sabi ng isang Kristiyanong babae sa Asia. Ano ang nakatulong sa kaniya? “Upang makapanindigang matatag, pinasidhi ko ang aking pag-ibig sa Diyos.”—Mateo 10:32-38.
Gayundin ba kasidhi ang pag-ibig mo kay Jehova? Napakaraming dahilan upang ibigin mo siya. Hindi galing sa mahiwagang mga diyos ang iyong buhay, kundi sa Diyos na Jehova, na tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay; sa pamamagitan ng iyong liwanag ay nakakakita kami ng liwanag.” (Awit 36:9) Hindi ang diyos ng kapalaran o ang diyos ng kusina ang naglalaan sa iyo at nagbibigay ng maligayang buhay, kundi si Jehova. (Gawa 14:17; 17:28) Susuklian mo ba ang kaniyang pagmamahal? Kung gagawin mo iyan, tiyak na sagana kang pagpapalain ni Jehova.—Marcos 10:29, 30.
[Mga talababa]
a Tinatawag din itong Lunar na Bagong Taon, Kapistahan ng Tagsibol, Chun Jie (Tsina), Tet (Vietnam), Solnal (Korea), o Losar (Tibet).
b Sa buong Asia, iba-iba ang paraan ng pagsasagawa ng mga kaugaliang tinatalakay sa artikulong ito, pero iisa lamang ang pinagmulan nito. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! Enero 8, 1971, pahina 21-24.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Pagpapaliwanag sa mga Kaibigan at Kamag-anak
Sabihin pa, baka mabigla ang mga kaibigan o kamag-anak kapag ang isang miyembro ng pamilya ay hindi na makikisama sa mga pagdiriwang ng Chinese New Year. Maaari silang malungkot, masaktan, o madama pa ngang itinatakwil mo sila. Pero marami kang magagawa upang mapanatiling maganda ang iyong relasyon sa pamilya mo. Isaalang-alang ang sinabi ng mga Kristiyanong naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng Asia:
Jiang: “Bago ang Bagong Taon, dinadalaw ko na ang aking mga kamag-anak at ipinaliliwanag sa kanila na hindi na ako makakasama sa kanila sa pagdiriwang. Tinitiyak ko na hindi nila maramdamang minamaliit ko ang kanilang paniniwala at magalang kong sinasagot mula sa Bibliya ang kanilang mga tanong. Dahil dito, nagkaroon kami ng mainam na pag-uusap tungkol sa Bibliya.”
Li: “Bago ang Chinese New Year, mataktika at magalang kong sinabi sa aking mister na kailangan kong sundin ang aking budhi upang maging tunay na maligaya. Ipinangako ko sa kaniya na magiging maingat ako sa aking pagkilos kapag dumalaw kami sa pamilya niya sa panahon ng kapistahan para hindi siya mapahiya. Nagulat ako na sa halip na isama niya ako noong araw ng pagsamba ng pamilya sa kanilang mga ninuno, inihatid niya ako para makadalo sa Kristiyanong pagpupulong.”
Xie: “Tiniyak ko sa aking pamilya na mahal ko sila at na magiging mas mabuting tao ako dahil sa aking paniniwala. Pinagsikapan kong mabuti na ipakita ang mga katangiang Kristiyano gaya ng kahinahunan, konsiderasyon, at pag-ibig. Unti-unti, iginalang nila ang aking relihiyon. Nang maglaon, nag-aral ng Bibliya ang aking mister at naging tunay na Kristiyano.”
Min: “Mahinahon at magalang akong nakipag-usap sa aking mga magulang. Sa halip na sabihing suwertihin sana kayo, sinasabi ko sa kanila na lagi ko silang ipinananalangin kay Jehova, ang ating Maylalang, para pagpalain sila at bigyan sila ng kapayapaan at kaligayahan.”
Fuong: “Sinabi ko sa aking mga magulang na hindi ko kailangang maghintay ng Bagong Taon para dalawin sila. Madalas ko silang dinadalaw. Kaya maligayang-maligaya sila at hindi na nila ako pinipintasan. Naging interesado rin sa katotohanan sa Bibliya ang aking nakababatang kapatid na lalaki.”
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Panorama Stock/age Fotostock