TANONG NG MGA KABATAAN
Gaano Ako Katatag?
Gaano ka katatag? Naranasan mo na bang . . .
mamatayan ng mahal sa buhay?
magkaroon ng nagtatagal na sakit?
maging biktima ng likas na sakuna?
Sinasabi ng mga mananaliksik na hindi lang ang malalaking problema ang nangangailangan ng katatagan. Kahit ang stress dahil sa maliliit na problema ay puwedeng makaapekto sa kalusugan mo. Kaya naman mahalaga na maging matatag, maliliit man o malalaki ang problema.
Ano ang ibig sabihin ng pagiging matatag?
Ang pagiging matatag ay ang kakayahang maharap ang mga pagbabago at problema sa buhay. Kahit ang mga taong matatag ay may mga problema rin. Pero nahaharap nila ito at kahit nasasaktan, nagiging mas matatag sila dahil dito.
Bakit mo kailangang maging matatag?
Dahil hindi maiiwasan ang mga problema. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi laging ang matulin ang nananalo sa takbuhan, . . . at hindi laging ang may kaalaman ang nagtatagumpay, dahil lahat sila ay naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Ang aral? Kahit ang mabubuting tao ay nagdurusa—kadalasan na hindi dahil sa may nagawa silang pagkakamali.
Dahil mapoprotektahan ka ng katatagan. Isang counselor sa high school ang nagsabi: “Mas dumarami ngayon ang mga estudyante na pumupunta sa opisina ko dahil sa mababang grado sa exam o masamang komento sa kanila sa social media.” Mukhang maliliit na problema lang ito, ang sabi niya, pero ang kawalan ng kakayahang maharap ito ay puwedeng “magdulot ng iba’t ibang problema sa isip at emosyon.”a
Dahil matutulungan ka ng katatagan ngayon at kapag naging adulto ka na. Tungkol sa mga kabiguan sa buhay, isinulat ni Dr. Richard Lerner: “Masasabing matagumpay at mahusay na adulto ang isa kung nakakabangon siya sa mga kabiguan, nakakagawa ng mga bagong tunguhin, o nakakahanap ng ibang paraan para maabot ulit ang kaniyang tunguhin.”b
Paano ka magiging matatag?
Magkaroon ng tamang pananaw sa problema. Alamin kung ano ang malaki o maliit na mga problema. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mangmang ay nagpapakita agad ng pagkainis, pero hindi pinapansin ng marunong ang insulto.” (Kawikaan 12:16) Hindi lahat ng problema ay kailangang makaapekto sa iyo nang malaki.
“Sa school, sobrang mag-react ang mga bata kahit sa simpleng mga bagay. Pagkatapos, kakampihan sila ng mga kaibigan nila sa social media—na lalo pang magpapagalit sa kanila, kung kaya mas nahihirapan silang harapin ang mga problema.”—Joanne.
Matuto sa iba. Sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong ang bakal ay napatatalas ng bakal, napatatalas din ng isang tao ang kaibigan niya.” (Kawikaan 27:17) Matututo tayo ng mahahalagang aral sa mga taong nakaranas na ng mabibigat na problema.
“Kapag nakipag-usap ka sa iba, malalaman mong nakaranas pala sila ng maraming mabibigat na problema, pero okey na sila ngayon. Makipag-usap sa kanila at alamin kung ano ang ginawa nila at hindi nila ginawa para maharap ang kanilang sitwasyon.”—Julia.
Maging matiisin. Sinasabi ng Bibliya: “Kahit mabuwal ang matuwid nang pitong ulit, babangon pa rin siya.” (Kawikaan 24:16) Kailangan ng panahon para matanggap ang mahirap na sitwasyon, kaya huwag masiraan ng loob kapag may mga araw na hindi maganda. Ang mahalaga ay ‘bumangon ka.’
“Kapag bumabangon ka mula sa problema, kailangang maghilom ang iyong puso at makalimutan ang kirot. Isa itong proseso, at kailangan ng panahon. Natutuhan ko na sa paglipas ng panahon, unti-unti akong nakakabangon at gumaganda na ang pakiramdam ko.”—Andrea.
Maging mapagpasalamat. Sinasabi ng Bibliya: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.” (Colosas 3:15) Kahit gaano kabigat ang problema mo, palaging may mga bagay na puwede mong ipagpasalamat. Mag-isip ng tatlong bagay kung bakit masarap mabuhay.
“Kapag napapaharap ka sa problema, mahirap iwasang sabihin, ‘Bakit ako pa?’ Kung matatag ka, hindi palaging problema ang iisipin mo. Mas gusto mong maging positibo at maging mapagpasalamat sa mga bagay na mayroon ka o kung ano ang kayang mong gawin.”—Samantha.
Maging kontento. Sinabi ni apostol Pablo: “Natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.” (Filipos 4:11) Hindi kontrolado ni Pablo ang mga problemang napapaharap sa kaniya. Ang kaya niyang kontrolin ay ang reaksiyon niya. Determinado si Pablo na manatiling kontento.
“Natutuhan ko na ang unang reaksiyon ko sa isang problema ay hindi laging ang pinakamabuting gawin. Tunguhin ko na maging positibo sa anumang sitwasyon. Mas makakabuti ito sa akin at sa mga nasa paligid ko.”—Matthew.
Manalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo kay Jehova ang pasanin mo, at aalalayan ka niya. Hindi niya kailanman hahayaang mabuwal ang matuwid.” (Awit 55:22) Ang panalangin ay hindi lang basta nagpapagaan ng loob. Isa itong tunay na pakikipag-usap sa Maylalang, na talagang “nagmamalasakit” sa iyo.—1 Pedro 5:7.
“Hindi ko kailangang harapin ang problema nang nag-iisa. Kapag sinasabi ko ang lahat ng problema ko sa panalangin at nagpapasalamat sa lahat ng ibinigay ng Diyos sa akin, nawawala ang mga negatibong emosyon at nakakapagpokus ako sa mga bagay na tinatanggap ko mula kay Jehova. Talagang mahalaga ang panalangin!”—Carlos.
a Mula sa aklat na Disconnected, ni Thomas Kersting.
b Mula sa aklat na The Good Teen—Rescuing Adolescence From the Myths of the Storm and Stress Years.