Sabado, Agosto 29
[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.—Fil. 1:10, tlb.
Pag-isipan ang sitwasyong ito: Naghahanap ka ng trabaho para suportahan ang pamilya mo. May dalawa kang pinagpipilian. Inalam mo ang lahat ng impormasyong kailangan mo, gaya ng kung anong klase ito ng trabaho, ano ang schedule ng pasok, gaano ito kalayo sa bahay mo, at iba pa. Pareho namang angkop sa isang Kristiyano ang dalawang trabahong ito. Ngayon, baka para sa iyo, mas maganda ang isa kasi mas mae-enjoy mo iyon o mas malaki ang suweldo. Pero may iba ka pang dapat pag-isipan bago magdesisyon. Halimbawa, tatama ba sa schedule ng pulong ang trabaho? Kukunin ba nito ang oras na ginagamit mo para ilaan ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng pamilya mo? Tutulong ang mga tanong na ito para mauna mo “ang mas mahahalagang bagay”—ang pagsamba mo at ang pangangalaga sa pamilya mo—hindi ang materyal na mga bagay. Kung gagawin mo iyan, makakagawa ka ng desisyong pagpapalain ni Jehova. w25.01 17-18 ¶11-13
Linggo, Agosto 30
Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan.—Awit 34:18.
Kahit gawan ka ng masama ng iba, makakatiyak ka na mahal ka ni Jehova at mahalaga ka sa kaniya. Kung pakiramdam mo, wala kang halaga, tandaan na may nakitang magagandang katangian si Jehova sa iyo at personal ka niyang inilapit sa kaniya. (Juan 6:44) At dahil mahal na mahal ka niya, lagi siyang handang tulungan ka. Mas maiintindihan natin ang nararamdaman ni Jehova kung titingnan natin ang halimbawa ni Jesus. Noong nasa lupa si Jesus, napakabait niya sa mga taong itinuturing ng iba na hindi mahalaga. (Mat. 9:9-12) Nang hawakan ng isang babaeng may malubhang sakit ang damit ni Jesus, dahil umaasa siya na gagaling siya, pinatibay siya ni Jesus at pinuri dahil sa pananampalataya niya. (Mar. 5:25-34) Eksaktong-eksaktong natularan ni Jesus ang Ama niya. (Juan 14:9) Kaya talagang makakatiyak ka na mahalaga ka kay Jehova at nakikita niya ang magagandang katangian mo, gaya ng pananampalataya at pag-ibig mo sa kaniya. w24.10 7 ¶4-5
Lunes, Agosto 31
Ipunin mo ang mga luha ko sa iyong sisidlang balat.—Awit 56:8.
May mahihirap na sitwasyon na pinagdaanan si David na talagang nagpaluha sa kaniya. Maraming galit sa kaniya. Tinraidor pa nga siya ng ilang kaibigan at kapamilya niya. (1 Sam. 19:10, 11; 2 Sam. 15:10-14, 30) Minsan, nasabi niya: “Nanghihina na ako sa kalungkutan; sa buong magdamag, basang-basa ng luha ang higaan ko; bumabaha ng luha sa kama ko.” (Awit 6:6) Pero kahit maraming problema si David, kumbinsido siyang mahal siya ni Jehova. Isinulat niya: “Maririnig ni Jehova ang pag-iyak ko.” (Awit 6:8) Kitang-kita sa teksto sa araw na ito na mahal na mahal tayo ni Jehova at talagang nagmamalasakit siya sa atin. Para kay David, iniipon ni Jehova ang mga luha niya sa isang lalagyan o isinusulat iyon sa isang aklat. Sigurado siya na nakikita at tinatandaan ni Jehova ang lahat ng sakit na naranasan niya. At kumbinsido siyang hindi lang basta alam ng mapagmahal niyang Ama sa langit ang mga pinagdadaanan niya, kundi alam din ni Jehova kung ano ang nararamdaman niya dahil sa mga iyon. w24.12 22 ¶11-12