Genesis
27 At nangyari nang si Isaac ay matanda na at ang kaniyang mga mata ay napakalabo na upang makakita,+ tinawag niya si Esau na nakatatanda niyang anak at sinabi sa kaniya:+ “Anak ko!” na dito ay sinabi nito sa kaniya: “Narito ako!” 2 At sinabi niya: “Narito, ngayon, ako ay matanda na.+ Hindi ko alam ang araw ng aking kamatayan.+ 3 Kaya pakisuyo, sa pagkakataong ito ay kunin mo ang iyong mga kagamitan, ang iyong talanga at ang iyong busog, at lumabas ka sa parang at mangaso ka ng karne ng usa para sa akin.+ 4 Pagkatapos ay igawa mo ako ng masarap na pagkain gaya ng kinagigiliwan ko at dalhin mo iyon sa akin at, ah, pakainin mo ako, upang pagpalain ka ng aking kaluluwa bago ako mamatay.”+
5 Ngunit si Rebeka ay nakikinig habang nagsasalita si Isaac kay Esau na kaniyang anak. At si Esau ay lumabas sa parang upang manghuli ng pinangasong hayop at madala iyon.+ 6 At sinabi ni Rebeka kay Jacob na kaniyang anak:+ “Narito, karirinig ko lamang sa iyong ama na nagsasalita kay Esau na iyong kapatid, na sinasabi, 7 ‘Dalhan mo ako ng pinangasong hayop at igawa mo ako ng masarap na pagkain at, ah, pakainin mo ako, upang pagpalain kita sa harap ni Jehova bago ako mamatay.’+ 8 At ngayon, anak ko, pakinggan mo ang aking tinig ayon sa iniuutos ko sa iyo.+ 9 Pakisuyo, pumaroon ka sa kawan at ikuha mo ako roon ng dalawang anak ng kambing, yaong mabubuti, upang ang mga iyon ay gawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama gaya ng kinagigiliwan niya. 10 Pagkatapos ay dadalhin mo iyon sa iyong ama at kakainin niya iyon, upang pagpalain ka niya bago siya mamatay.”
11 At sinabi ni Jacob kay Rebeka na kaniyang ina: “Ngunit si Esau na aking kapatid ay lalaking mabalahibo at ako ay lalaking makinis.+ 12 Ano kung hipuin ako ng aking ama?+ Tiyak na sa kaniyang paningin ay magiging tulad ako ng isa na nanlilibak,+ at ako ay tiyak na magdadala sa aking sarili ng sumpa at hindi ng pagpapala.”+ 13 Dahil dito ay sinabi ng kaniyang ina sa kaniya: “Mapasaakin nawa ang sumpa na nakaukol sa iyo, anak ko.+ Lamang ay pakinggan mo ang aking tinig at yumaon ka, kunin mo ang mga iyon para sa akin.”+ 14 Kaya yumaon siya at kinuha ang mga iyon at dinala sa kaniyang ina, at ang kaniyang ina ay gumawa ng masarap na pagkain gaya ng kinagigiliwan ng kaniyang ama. 15 Pagkatapos ay kumuha si Rebeka ng mga kasuutan ni Esau na kaniyang nakatatandang anak,+ ang mga pinakakanais-nais na bagay na nasa kaniya sa bahay,+ at ibinihis ang mga iyon kay Jacob na kaniyang nakababatang anak.+ 16 At ang mga balat ng mga anak ng kambing ay ipinatong niya sa mga kamay nito at sa walang-buhok na bahagi ng leeg nito.+ 17 Pagkatapos ay ibinigay niya sa kamay ni Jacob na kaniyang anak ang masarap na pagkain at ang tinapay na ginawa niya.+
18 Kaya pumaroon siya sa kaniyang ama at nagsabi: “Ama ko!” na dito ay sinabi niya: “Narito ako! Sino ka, anak ko?” 19 At sinabi ni Jacob sa kaniyang ama: “Ako ay si Esau na iyong panganay.+ Nagawa ko na ang gaya ng sinalita mo sa akin. Bumangon ka, pakisuyo. Umupo ka at kumain ka ng aking pinangasong hayop, upang pagpalain ako ng iyong kaluluwa.”+ 20 Sa gayon ay sinabi ni Isaac sa kaniyang anak: “Paano mo iyon madaling nasumpungan, anak ko?” Sinabi naman niya: “Sapagkat pinangyari ni Jehova na iyong Diyos na matagpuan ko iyon.” 21 Pagkatapos ay sinabi ni Isaac kay Jacob: “Pakisuyo, lumapit ka upang mahipo kita, anak ko, at malaman kung talagang ikaw ang anak kong si Esau o hindi.”+ 22 Kaya lumapit si Jacob kay Isaac na kaniyang ama, at hinipo niya ito, pagkatapos ay sinabi niya: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”+ 23 At hindi niya ito nakilala, sapagkat ang mga kamay nito ay mabalahibong tulad ng mga kamay ni Esau na kapatid nito. Kaya pinagpala niya ito.+
24 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?” na dito ay sinabi niya: “Ako nga.”+ 25 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ilapit mo iyon sa akin upang makakain ako ng pinangasong hayop ng aking anak, upang pagpalain ka ng aking kaluluwa.”+ Sa gayon ay inilapit niya iyon sa kaniya at ito ay nagsimulang kumain, at dinalhan niya ito ng alak at ito ay nagsimulang uminom. 26 Pagkatapos ay sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama: “Pakisuyo, lumapit ka at halikan mo ako, anak ko.”+ 27 Kaya lumapit ito at hinalikan siya, at naaamoy niya ang amoy ng kaniyang mga kasuutan.+ At pinagpala niya ito at sinabi:
“Narito, ang amoy ng aking anak ay tulad ng amoy ng parang na pinagpala ni Jehova. 28 At ibigay nawa sa iyo ng tunay na Diyos ang mga hamog ng langit+ at ang matatabang lupain sa lupa+ at ang kasaganaan ng butil at bagong alak.+ 29 Maglingkod nawa sa iyo ang mga bayan at yumukod nawa sa iyo ang mga liping pambansa.+ Maging panginoon ka sa iyong mga kapatid, at yumukod nawa sa iyo ang mga anak ng iyong ina.+ Sumpain ang bawat sumusumpa sa iyo, at pagpalain ang bawat nagpapala sa iyo.”+
30 At nangyari nga matapos na pagpalain ni Isaac si Jacob, oo, nangyari nga nang si Jacob ay bahagya pa lamang na nakalalabas mula sa harap ng mukha ni Isaac na kaniyang ama, si Esau na kaniyang kapatid ay nagbalik mula sa kaniyang pangangaso.+ 31 At siya rin ay gumawa ng masarap na pagkain. Pagkatapos ay dinala niya iyon sa kaniyang ama at sinabi sa kaniyang ama: “Bumangon nawa ang aking ama at kumain ng pinangasong hayop ng kaniyang anak, upang pagpalain ako ng iyong kaluluwa.”+ 32 Dahil dito ay sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama: “Sino ka?” na dito ay sinabi niya: “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay, si Esau.”+ 33 At si Isaac ay nagsimulang mangatog nang may napakatinding panginginig, kaya sinabi niya: “Sino, kung gayon, yaong nanghuli ng pinangasong hayop at nagdala niyaon sa akin, anupat kinain kong lahat bago ka pumasok at pinagpala ko siya? Siya rin ay pagpapalain!”+
34 Sa pagkarinig sa mga salita ng kaniyang ama ay nagsimulang sumigaw si Esau nang lubhang malakas at mapait at nagsabi sa kaniyang ama:+ “Pagpalain mo ako, ako rin naman, ama ko!”+ 35 Ngunit sinabi niya: “Ang iyong kapatid ay pumarito nang may panlilinlang upang makuha niya ang pagpapalang nakaukol sa iyo.”+ 36 Dahil dito ay sinabi niya: “Hindi ba iyan ang dahilan kung bakit ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Jacob, sapagkat aagawan niya ako nitong dalawang ulit?+ Ang aking pagkapanganay ay kinuha na niya,+ at narito, sa pagkakataong ito ay kinuha niya ang aking pagpapala!”+ Pagkatapos ay isinusog niya: “Hindi ka ba naglaan ng pagpapala para sa akin?” 37 Ngunit bilang sagot kay Esau ay nagpatuloy si Isaac: “Narito, inatasan ko na siya bilang panginoon mo,+ at ang lahat ng kaniyang mga kapatid ay ibinigay ko na sa kaniya bilang mga lingkod,+ at ang butil at ang bagong alak ay iginawad ko na bilang panustos sa kaniya,+ at saan pa ba ako makagagawa ng anuman para sa iyo, anak ko?”
38 Nang magkagayon ay sinabi ni Esau sa kaniyang ama: “Iisang pagpapala lamang ba ang nasa iyo, ama ko? Pagpalain mo ako, ako rin naman, ama ko!”+ Sa gayon ay inilakas ni Esau ang kaniyang tinig at tumangis.+ 39 Kaya bilang sagot ay sinabi sa kaniya ni Isaac na kaniyang ama:
“Masdan, ang iyong tahanan ay masusumpungang malayo sa matatabang lupain sa lupa, at malayo sa hamog ng langit sa itaas.+ 40 At sa pamamagitan ng iyong tabak ay mabubuhay ka,+ at ang iyong kapatid ay paglilingkuran mo.+ Ngunit mangyayari nga, kapag ikaw ay naging balisa, babaliin mo ang kaniyang pamatok mula sa iyong leeg.”+
41 Gayunman, si Esau ay nagkimkim ng matinding poot kay Jacob dahil sa pagpapala na ipinagpala rito ng kaniyang ama,+ at sinasabi ni Esau sa kaniyang puso:+ “Ang mga araw ng yugto ng pagdadalamhati para sa aking ama ay papalapit na.+ Pagkatapos niyaon ay papatayin ko si Jacob na aking kapatid.”+ 42 Nang ang mga salita ni Esau na kaniyang nakatatandang anak ay masabi kay Rebeka, kaagad siyang nagsugo at nagpatawag kay Jacob na kaniyang nakababatang anak at nagsabi sa kaniya: “Narito! Inaaliw ni Esau na iyong kapatid ang kaniyang sarili may kinalaman sa iyo—upang patayin ka.+ 43 Ngayon nga, anak ko, pakinggan mo ang aking tinig at tumindig ka,+ tumakas ka patungo kay Laban na aking kapatid sa Haran.+ 44 At manahanan kang kasama niya sa loob ng ilang araw hanggang sa humupa ang pagngangalit ng iyong kapatid,+ 45 hanggang sa mapawi ang galit sa iyo ng iyong kapatid at makalimutan niya ang ginawa mo sa kaniya.+ At magsusugo nga ako at kukunin kita mula roon. Bakit ako mauulila rin sa inyong dalawa sa isang araw?”
46 Pagkatapos ay laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het.+ Kung si Jacob ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het na tulad ng mga ito mula sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”+