Magpakita ng Pag-ibig at Paggalang sa Pamamagitan ng Pagpigil sa Iyong Dila
“Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—EFESO 5:33.
1, 2. Anong mahalagang tanong ang dapat itanong sa sarili ng lahat ng may asawa, at bakit?
IPAGPALAGAY nang nakatanggap ka ng isang nakabalot na regalo na may nakasulat: “Handle With Care” (Ingatan). Ano ang gagawin mo? Tiyak na iingatan mong mabuti ang paghawak dito para hindi ito masira o mabasag. Kumusta naman ang kaloob na pag-aasawa?
2 Sinabi kina Orpa at Ruth ng babaing balong Israelita na si Noemi: “Bigyan nawa kayo ni Jehova ng kaloob, at makasumpong kayo ng pahingahang-dako bawat isa sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:3-9) Tungkol sa mabuting asawang babae, sinasabi ng Bibliya: “Ang mana mula sa mga ama ay bahay at yaman, ngunit ang pantas na asawang babae ay nagmumula kay Jehova.” (Kawikaan 19:14) Kung may asawa ka, kailangan mong ituring ang iyong asawa bilang isang kaloob mula sa Diyos. Paano mo pinakikitunguhan ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos?
3. Anong payo ni Pablo ang makabubuting bigyang-pansin ng mga asawang lalaki at mga asawang babae?
3 Nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo, sinabi niya: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Isaalang-alang kung paano mabibigyang-pansin ng mga asawang lalaki at mga asawang babae ang payong ito may kinalaman sa kanilang pananalita.
Mag-ingat sa “Di-masupil at Nakapipinsalang Bagay”
4. Bakit masasabing may mabuti o masamang epekto ang dila?
4 Sinasabi ng manunulat sa Bibliya na si Santiago na ang dila ay isang “di-masupil at nakapipinsalang bagay” na “punô ng nakamamatay na lason.” (Santiago 3:8) Alam ni Santiago ang mahalagang katotohanang ito: Ang di-masupil na dila ay mapaminsala. Tiyak na pamilyar siya sa kawikaan sa Bibliya na nagsasabing ang di-pinag-isipang mga salita ay gaya ng “mga saksak ng tabak.” Sa kabaligtaran, ang kawikaan ding iyon ay nagsasabi na “ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Tunay nga, may matinding epekto ang mga salita. Maaari itong makasakit, o kaya naman ay makapagpagaling. Ano ang epekto sa iyong asawa ng binibitiwan mong mga salita? Kapag itinanong mo ito sa iyong asawa, ano kaya ang isasagot niya?
5, 6. Anu-ano ang mga salik kung bakit nahihirapan ang ilan na pigilan ang kanilang dila?
5 Kung unti-unti nang nagiging bahagi ng buhay ninyong mag-asawa ang nakasasakit na mga salita, may magagawa ka upang mapabuti mo ang inyong situwasyon. Gayunman, nangangailangan ito ng pagsisikap. Bakit? Ang isang dahilan ay kailangang paglabanan ang di-kasakdalan. Ang minanang kasalanan ay may negatibong impluwensiya sa ating paraan ng pag-iisip at pakikipag-usap. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita,” ang isinulat ni Santiago, “ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.”—Santiago 3:2.
6 Bukod sa di-kasakdalan ng tao, may impluwensiya rin ang kinalakhang pamilya sa maling paggamit ng dila. Ang ilan ay lumaki sa isang tahanan na ang mga magulang ay ‘hindi bukás sa anumang kasunduan, walang pagpipigil sa sarili, mabangis.’ (2 Timoteo 3:1-3) Kadalasan, nakukuha ng mga batang lumaki sa gayong kapaligiran ang gayon ding pag-uugali paglaki nila. Siyempre pa, hindi dahilan ang di-kasakdalan o maling pagpapalaki para sa nakasasakit na pananalita. Gayunman, kapag alam natin ang mga salik na ito, matutulungan tayo nito na maunawaan kung bakit nahihirapan ang ilan na pigilan ang kanilang dila para hindi sila makapagsalita nang nakasasakit.
‘Alisin ang Paninira Nang Talikuran’
7. Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang himukin niya ang mga Kristiyano na “alisin . . . ang lahat ng uri ng paninira nang talikuran”?
7 Anuman ang dahilan, kapag gumagamit ng nakasasakit na pananalita ang mag-asawa, ipinakikita nilang hindi nila iniibig at iginagalang ang isa’t isa. Kaya may mabuting dahilan si Pedro na himukin ang mga Kristiyano na “alisin . . . ang lahat ng uri ng paninira nang talikuran.” (1 Pedro 2:1) Ang salitang Griego na isinaling “paninira nang talikuran” ay nangangahulugan ng “mapang-insultong pananalita.” Nagpapahiwatig ito ng ideya na ‘pagbulalas ng masasakit na salita sa mga tao.’ Ganiyan nga talaga ang epekto kapag hindi sinupil ang dila!
8, 9. Ano ang magiging resulta kapag gumamit ng mapang-insultong pananalita, at bakit dapat iwasan ng mga mag-asawa na gawin ito?
8 Baka para sa isa, waring maliit na bagay lamang ang mapang-insultong pananalita, subalit isipin kung ano ang nangyayari kapag gayon magsalita ang asawang lalaki o ang asawang babae. Ang pagtawag sa asawa na bobo, tamad, o makasarili ay nagpapahiwatig na ang buong pagkatao nito ay mailalarawan sa isang salita—isang mapanghamak na salita! Tiyak na kalupitan ito. Kumusta naman ang eksaheradong mga salita na nagtatampok sa mga kapintasan ng asawa? Hindi ba’t talagang kalabisan na sabihing “Palagi ka na lang huli” o “Kahit kailan, hindi mo ako pinakinggan”? Ang gayong pananalita ay malamang na mag-udyok sa isa na tumutol at mangatuwiran. At ito naman ay maaaring mauwi sa mainitang pagtatalo.—Santiago 3:5.
9 Ang pag-uusap na punô ng mapang-insultong pananalita ay nagdudulot ng tensiyon sa pag-aasawa, at ito rin ay may malulubhang epekto. Sinasabi ng Kawikaan 25:24: “Mas mabuti pang manahanan sa isang sulok ng bubong kaysa kasama ng asawang babaing mahilig makipagtalo, bagaman nasa iisang bahay.” Siyempre pa, kapit din ito sa asawang lalaki na mahilig makipagtalo. Sa kalaunan, ang mapanlait na mga salitang binibitiwan ng alinman sa mag-asawa ay sisira sa kanilang relasyon, marahil ang asawang lalaki o asawang babae ay makadarama na hindi siya minamahal, at na hindi pa nga karapat-dapat mahalin. Maliwanag na mahalagang pigilan ang dila. Pero paano ito magagawa?
‘Rendahan ang Dila’
10. Bakit mahalagang kontrolin ang dila?
10 ‘Walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo ng dila,’ ayon sa Santiago 3:8. Gayunpaman, kung paanong nirerendahan ng mangangabayo ang kabayo upang kontrolin ang kilos nito, dapat nating pagsikapang mabuti na rendahan ang ating dila. “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.” (Santiago 1:26; 3:2, 3) Ipinakikita ng mga salitang ito na mahalagang isaalang-alang kung paano mo ginagamit ang iyong dila. Hindi lamang ang relasyon ninyong mag-asawa ang naaapektuhan; apektado nito ang mismong kaugnayan mo sa Diyos na Jehova.—1 Pedro 3:7.
11. Paano maiiwasang mauwi sa mainitang pagtatalo ang isang di-pagkakasundo?
11 Isang katalinuhan na pag-isipan kung paano ka nakikipag-usap sa iyong asawa. Kapag may bumangong maigting na kalagayan, sikaping bawasan ang tensiyon. Isaalang-alang ang kalagayang bumangon sa buhay ni Isaac at ng kaniyang asawang si Rebeka, na nakaulat sa Genesis 27:46–28:4. “Laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: ‘Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het. Kung si Jacob ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het na tulad ng mga ito mula sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?’” Walang pahiwatig na sumagot si Isaac nang may kagaspangan. Sa halip, inutusan niya ang kanilang anak na si Jacob na humanap ng mapapangasawang may takot sa Diyos na tiyak na hindi magdudulot ng kapighatian kay Rebeka. Ipagpalagay na may bumangong di-pagkakasundo sa pagitan ng mag-asawa. Maiiwasang mauwi sa mainitang pagtatalo ang maliit na di-pagkakasundo kung pag-uusapan ang talagang problema sa halip na ibunton ang sisi sa asawa. Halimbawa, sa halip na sabihing, “Wala ka nang panahon sa akin!” bakit hindi sabihing, “Sana mas madalas tayong magkasama”? Ipokus ang pansin sa problema, hindi lamang sa tao. Iwasan ang tendensiyang alamin kung sino ang tama at kung sino ang mali. “Itaguyod . . . ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa,” ang sabi sa Roma 14:19.
Alisin ang ‘Mapait na Saloobin, Galit, at Poot’
12. Upang makontrol ang dila, ano ang dapat nating ipanalangin, at bakit?
12 Ang pagpigil sa dila ay hindi lamang basta pag-iingat sa kung ano ang sinasabi natin. Sa katunayan, ang mga sinasabi natin ay nagpapahiwatig ng kung ano talaga ang nasa puso natin. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang balakyot na tao ay naglalabas ng bagay na balakyot mula sa kaniyang balakyot na kayamanan; sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Kaya upang makontrol ang iyong dila, baka kailangan mong manalangin gaya ng ginawa ni David: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.”—Awit 51:10.
13. Paano hahantong sa mapang-abusong pananalita ang mapait na saloobin, galit, at poot?
13 Hinimok ni Pablo ang mga taga-Efeso na iwasan hindi lamang ang paggamit ng nakasasakit na mga salita kundi pati rin ang damdaming pinagmumulan nito. Sumulat siya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Pansinin na bago niya banggitin ang “hiyawan at mapang-abusong pananalita,” binanggit ni Pablo ang “mapait na saloobin at galit at poot.” Ang pagngingitngit sa galit ang nagtutulak sa isa na magbitiw ng nakasasakit na pananalita. Kaya tanungin ang iyong sarili: ‘Nagkikimkim ba ako ng sama ng loob at poot? Ako ba ay “madaling magngalit”?’ (Kawikaan 29:22) Kung totoo ito sa iyong kalagayan, manalangin ukol sa tulong ng Diyos upang mapagtagumpayan ang ganitong mga tendensiya at makapagpigil sa sarili para maiwasang sumiklab ang iyong galit. Sinasabi sa Awit 4:4: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Magsalita kayo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik kayo.” Kung sa pakiramdam mo’y mag-aalab ka sa galit at parang mawawalan ka ng pagpipigil sa sarili, sundin ang payo sa Kawikaan 17:14: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” Umalis ka muna hanggang sa maging kalmado ka na.
14. Paano makaaapekto sa pag-aasawa ang paghihinanakit?
14 Hindi madaling paglabanan ang poot at galit, lalo na kung ang pinakaugat nito ay ang tinatawag ni Pablo na “mapait na saloobin.” Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay tumutukoy sa “paghihinanakit na tumatangging makipagkasundo” at ‘pagkapoot na nagbibilang ng kamalian.’ Kung minsan, may poot na namamagitan sa mag-asawa, at maaari itong tumagal nang mahabang panahon. Maaaring mauwi ito sa pagkasuklam sa isa’t isa kapag hindi lubusang naayos ang isang reklamo. Subalit walang saysay ang pagkikimkim ng hinanakit sa nakaraang mga pagkakamali. Ang nangyari ay nangyari na. Kapag napatawad na ang isang pagkakamali, dapat kalimutan na ito. Ang pag-ibig ay “hindi . . . nagbibilang ng pinsala.”—1 Corinto 13:4, 5.
15. Ano ang makatutulong sa mga nahirating gumamit ng masasakit na salita na baguhin ang kanilang paraan ng pagsasalita?
15 Paano kung karaniwan na sa kinalakhan mong pamilya ang paggamit ng masasakit na salita at nakagawian mo na rin ang gayong pagsasalita? Maaari mo itong baguhin. Marami ka nang itinakdang limitasyon sa iba’t ibang pitak ng iyong buhay hinggil sa mga bagay na ayaw mo talagang gawin. Pagdating sa iyong pananalita, anong limitasyon ang itatakda mo? Titigil ka ba bago pa maging mapang-abuso ang pananalita mo? Nanaisin mong tularan ang limitasyong inilarawan sa Efeso 4:29: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig.” Kailangang “hubarin [mo] ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan [mo] ang [iyong] sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
“Matalik na Usapan”—Kailangan
16. Bakit nagdudulot ng problema sa pag-aasawa ang hindi pagkikibuan ng mag-asawa?
16 Kaunti ang naisasagawa—at maaari pa ngang magkaproblema—kapag hindi na lamang kikibuin ng asawang lalaki o ng asawang babae ang kaniyang kabiyak. Hindi naman ito palaging nangangahulugan ng pagpaparusa sa kabiyak, yamang maaari ding dulot ito ng pagkasiphayo o pagkabigo. Gayunman, ang hindi pagkikibuan ng mag-asawa ay magpapatindi lamang ng tensiyon at hindi nito malulutas ang kinakaharap na problema. Isang asawang babae ang nagsabi na kapag muli silang nag-usap ng kaniyang asawa, hindi nila kailanman pinag-uusapan ang problema para lutasin ito.
17. Ano ang dapat gawin ng mga Kristiyanong nakararanas ng kaigtingan sa pag-aasawa?
17 Kapag nagpatuloy ang tensiyon sa pagsasama ng mag-asawa, walang madaliang solusyon. Sinasabi ng Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Kailangan kang maglaan ng panahon upang kausapin ang iyong asawa at pag-usapan ninyo ang problema. Maging handang pakinggan ang iyong kabiyak nang may bukás na puso’t isipan. Kung parang imposibleng gawin ito, bakit hindi samantalahin ang paglalaan ng mga elder sa kongregasyong Kristiyano? May kaalaman sila sa Kasulatan at makaranasan sila sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Ang gayong mga lalaki ay “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.”—Isaias 32:2.
Mapagtatagumpayan Mo ang Maling Paggamit ng Dila
18. Anong pakikipagpunyagi ang tinutukoy sa Roma 7:18-23?
18 Ang pagrenda sa ating dila ay isang pakikipagpunyagi. Gayundin ang pagkontrol sa ating paggawi. Hinggil sa hamong napaharap sa kaniya, sumulat si apostol Pablo: “Alam ko na sa akin, sa akin ngang laman, ay walang anumang mabuti na tumatahan; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa niyaong mainam ay wala. Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. Ngayon, kung yaong hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, ang nagsasagawa nito ay hindi na ako, kundi ang kasalanan na tumatahan sa akin.” Dahil sa “kautusan ng kasalanan na nasa [ating] mga sangkap,” may tendensiya tayong gamitin sa maling paraan ang ating dila at iba pang bahagi ng katawan. (Roma 7:18-23) Gayunman, dapat nating mapagtagumpayan ang problema—at magagawa natin ito sa tulong ng Diyos.
19, 20. Paano makatutulong ang halimbawa ni Jesus sa mga asawang lalaki at mga asawang babae na rendahan ang kanilang dila?
19 Sa isang relasyong kakikitaan ng pag-ibig at paggalang, hindi dapat gumamit ng di-pinag-isipan at masasakit na salita. Isip-isipin ang halimbawang ipinakita ni Jesu-Kristo hinggil sa bagay na ito. Hindi kailanman nagbitiw si Jesus ng mapang-insultong pananalita sa kaniyang mga alagad. Maging noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, hindi pinagalitan ng Anak ng Diyos ang kaniyang mga apostol nang magtalu-talo ang mga ito hinggil sa kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Lucas 22:24-27) “Mga asawang lalaki,” ang payo ng Bibliya, “patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.”—Efeso 5:25.
20 Kumusta naman ang asawang babae? Siya ay “dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Sisigawan ba ng asawang babae ang kaniyang asawa na kaniyang iginagalang, anupat gagamit ng mapang-abusong pananalita? “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo,” ang isinulat ni Pablo, “ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Ang mga asawang babae ay dapat magpasakop sa kanilang ulo gaya ni Kristo na nagpapasakop sa kaniyang Ulo. (Colosas 3:18) Bagaman walang di-sakdal na tao ang lubusang makatutulad kay Jesus, ang pagsisikap na ‘sumunod nang maingat sa kaniyang mga yapak’ ay tutulong sa mga asawang lalaki at mga asawang babae na mapagtagumpayan ang maling paggamit ng dila.—1 Pedro 2:21.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Paano makapipinsala sa pag-aasawa ang di-masupil na dila?
• Bakit mahirap rendahan ang dila?
• Ano ang makatutulong sa atin na kontrolin ang ating pananalita?
• Ano ang dapat mong gawin kapag nakararanas ka ng kaigtingan sa inyong pag-aasawa?
[Larawan sa pahina 24]
Naglalaan ang mga elder ng tulong salig sa Bibliya