Genesis
7 Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Noe: “Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan,+ sa loob ng arka, sapagkat ikaw ang nakita kong matuwid sa harap ko sa gitna ng salinlahing+ ito. 2 Sa bawat malinis na hayop ay kumuha ka para sa iyo ng tigpipito, ang barako at ang kapareha+ nito; at sa bawat hayop na hindi malinis ay dalawa lamang, ang barako at ang kapareha nito; 3 gayundin sa mga lumilipad na nilalang sa langit ay tigpipito, lalaki at babae,+ upang maingatang buháy ang supling sa ibabaw ng buong lupa.+ 4 Sapagkat pitong araw na lamang at magpapaulan+ ako sa ibabaw ng lupa nang apatnapung araw at apatnapung gabi;+ at papawiin ko ang lahat ng bagay na umiiral na aking ginawa mula sa ibabaw ng lupa.”+ 5 At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya.
6 At si Noe ay anim na raang taóng gulang nang ang delubyo ng tubig ay maganap sa lupa.+ 7 Kaya pumasok si Noe sa arka, at kasama niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, bago ang tubig ng delubyo.+ 8 Sa bawat malinis na hayop at sa bawat hayop na hindi malinis at sa mga lumilipad na nilalang at sa bawat bagay na gumagala sa lupa,+ 9 sila ay pumasok nang dala-dalawa kay Noe sa loob ng arka, lalaki at babae, gaya ng iniutos ng Diyos kay Noe. 10 At nangyari, pagkaraan ng pitong araw ay dumating ang tubig ng delubyo sa ibabaw ng lupa.
11 Noong ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, noong ikalabimpitong araw ng buwan, nang araw na ito ay bumuka ang lahat ng bukal ng malawak na matubig na kalaliman at nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.+ 12 At ang ulan sa ibabaw ng lupa ay nagpatuloy nang apatnapung araw at apatnapung gabi.+ 13 Nang araw ring iyon ay pumasok sa arka si Noe, at sina Sem, Ham at Japet, na mga anak+ ni Noe, at ang asawa ni Noe at ang tatlong asawa ng kaniyang mga anak na kasama niya;+ 14 sila at bawat mailap na hayop ayon sa uri+ nito, at bawat maamong hayop ayon sa uri nito, at bawat gumagalang hayop na gumagala sa lupa ayon sa uri+ nito, at bawat lumilipad na nilalang ayon sa uri+ nito, bawat ibon, bawat may-pakpak na nilalang.+ 15 At patuloy silang pumaroon kay Noe sa loob ng arka, dala-dalawa, mula sa bawat uri ng laman na may puwersa ng buhay.+ 16 At yaong mga pumapasok, lalaki at babae mula sa bawat uri ng laman, ay pumasok, gaya ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Pagkatapos ay isinara ni Jehova ang pinto sa likuran niya.+
17 At ang delubyo ay nagpatuloy nang apatnapung araw sa ibabaw ng lupa, at ang tubig ay patuloy na lumaki at pinasimulan nitong iangat ang arka at iyon ay lumutang nang mataas sa ibabaw ng lupa. 18 At ang tubig ay umapaw at lumaking lubha sa ibabaw ng lupa, ngunit ang arka ay nanatiling nakalutang sa ibabaw ng tubig.+ 19 At ang tubig ay umapaw sa lupa nang napakatindi anupat ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay natakpan.+ 20 Inapawan ng tubig ang mga iyon hanggang sa labinlimang siko at ang mga bundok ay natakpan.+
21 Kaya ang lahat ng laman na gumagala sa ibabaw ng lupa ay pumanaw,+ mula sa mga lumilipad na nilalang at mula sa maaamong hayop at mula sa maiilap na hayop at mula sa lahat ng kulupon na nagkukulupon sa ibabaw ng lupa, at ang lahat ng tao.+ 22 Ang lahat ng may hininga ng puwersa ng buhay sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.+ 23 Sa gayon ay pinawi niya ang bawat bagay na umiiral na nasa ibabaw ng lupa, mula sa tao hanggang sa hayop, hanggang sa gumagalang hayop at hanggang sa lumilipad na nilalang sa langit, at sila ay napawi mula sa lupa;+ at tanging si Noe at yaong mga kasama niya sa arka ang nanatiling buháy.+ 24 At ang tubig ay patuloy na umapaw sa lupa nang isang daan at limampung araw.