PAGKAIN
Ang mga terminong Hebreo at Griego na isinasalin bilang “pagkain” ay may iba’t ibang literal na kahulugan, halimbawa ay “bagay na kinakain,” “sustansiya,” “tinapay,” at “karne, o laman.”
Matapos lalangin sina Adan at Eva, sinabi ng Diyos: “Narito, ibinigay ko sa inyo ang lahat ng pananim na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng buong lupa at bawat punungkahoy na may bunga ng punungkahoy na nagkakabinhi. Sa inyo ay magsilbi ito bilang pagkain.” Sinabi pa niya na sa lahat ng mga nilalang na hayop ay ibinigay niya “ang lahat ng luntiang pananim bilang pagkain.” Gayundin, sinabi niya kay Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan,” pagkatapos ay sinusugan niya ito ng pagbabawal hinggil sa isang punungkahoy, ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.—Gen 1:29, 30; 2:16, 17.
Mula nang panahong iyon hanggang noong sumapit ang Baha, walang anumang pahiwatig sa Bibliya na ang tao ay kumain ng karne ng mga hayop. Totoo, noon ay may binanggit na malilinis at maruruming hayop, ngunit maliwanag na ito’y may kinalaman sa mga hayop na para sa paghahain.—Gen 7:2.
Nang utusan si Noe na maglulan ng mga hayop sa arka, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Kung tungkol sa iyo, kumuha ka para sa iyo ng lahat ng uri ng pagkain na nakakain; at tipunin mo iyon sa iyo, at iyon ay magsisilbing pagkain para sa iyo at para sa kanila,” anupat muli, waring ang tinutukoy na pagkain para sa mga tao at sa mga hayop na inilulan sa arka ay yaong mula sa mga pananim. (Gen 6:21) Pagkatapos ng Baha, pinahintulutan ni Jehova na kumain ng laman o karne ang tao, anupat sinabi Niya: “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo. Gaya ng luntiang pananim, ibinibigay kong lahat iyon sa inyo. Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin.”—Gen 9:3, 4.
Mga Binutil. Sa mga lupain sa Bibliya, mga binutil ang pangunahing pagkain ng mga tao, gaya ng makikita sa bagay na kapuwa sa Hebreo at Griego, ang salitang “kumain” ay literal na nangangahulugang “kumain ng tinapay.” (Gen 43:31, 32) Sebada at trigo ang pangunahing mga binutil doon; ang iba pang binanggit na binutil ay mijo at espelta, isang uri ng trigo. (Huk 7:13; Isa 28:25; Eze 4:9; Ju 6:9, 13) Bukod sa ginagawang tinapay, ang pangkaraniwang harina ay inilulugaw rin. Ang mga butil naman ay kadalasang kinakain nang inihaw o binusa; alinman sa hinahawakan ang isang bigkis ng uhay ng butil at itinatapat sa apoy o kaya’y binubusa sa isang kawali ang mga butil. (Ru 2:14; 2Sa 17:28) Ginagawa ring tinapay ang mga ito, anupat kadalasa’y hindi ginigiling nang pino ang butil. Gayunman, mas pino ang harinang ginagamit sa ilang uri ng tinapay. (Gen 18:6; Exo 29:2) Sa isang paraan ng pagluluto ng tinapay, ang masa ay inilalatag sa maiinit na bato o sa patag na ibabaw ng pinagsigaang mga bato. Kadalasan, hinahaluan ng pampaalsa o lebadura ang tinapay, bagaman may ilang uri na iniluluto nang walang pampaalsa. (Lev 7:13; 1Ha 19:6) Ginagamit din noon ang mga pugon, anupat ang mga limpak ng masa ay inilalatag sa ibabaw ng bato na nasa loob ng mga ito. Kung minsan, ang mga tinapay na lapad ay iniluluto sa kawali, sa ihawan, o sa kawa. Kapag niluto sa mga iyon, ginagamitan ang mga ito ng mantika, malamang ay langis ng olibo.—Lev 2:4, 5, 7; 1Cr 9:31; tingnan ang artikulong PAGLULUTO NG TINAPAY, MAGTITINAPAY.
Mga Gulay. Kabilang sa mga pagkain noon ang beans at mga lentehas, na inilalaga gaya ng nilagang lentehas na niluto ni Jacob at kapalit niyaon ay ipinagbili ni Esau ang kaniyang pagkapanganay. (Gen 25:34) Kung minsan, may sangkap na karne o langis ang nilaga. Maaari ring gumawa ng harina mula sa beans o sa pinaghalu-halong binutil, beans, at lentehas. (Eze 4:9) Isang nakarerepreskong pagkain naman noon ang isang uri ng pipino na mas malasa kaysa sa pipino sa Kanluran. Kapag kakaunti o marumi ang suplay ng tubig, maaaring kainin ang mga ito bilang panghalili sa tubig. Ang mga pipino ay kinakain nang hilaw, may asin o wala, at kung minsan ay nilalagyan ang mga ito ng palaman sa loob at pagkatapos ay niluluto. May-pananabik na ninasa ng mga Israelita ang mga pipino, ang mga pakwan, ang mga puero, ang mga sibuyas, at ang bawang na kinakain nila noon sa Ehipto. (Bil 11:4, 5) Itinatanim din sa Palestina ang mga pagkaing ito.
Binanggit ni Job ang “malvavisco,” na ang katas ay inilarawan niya bilang matabang. (Job 6:6) Sinabi rin niya na yaong mga naghihikahos ay kumakain ng halamang asin at mga ugat ng mga punong retama.—Job 30:4.
Ang Mishnah (Pesahim 2:6) ay may binabanggit na endive at chicory na kinakain bilang mapapait na gulay kapag Paskuwa.—Exo 12:8.
Mga Prutas at mga Nuwes. Noon, isang natatanging pagkain sa Palestina ang olibo. Ang punong olibo ay maaaring umabot nang sampung taon o mahigit pa bago ito magsimulang mamunga nang sagana, ngunit dahil napakahaba ng buhay nito, napag-aanihan ito ng napakaraming bunga. Maaaring ang paraan ng pagkain noon sa mga bunga ng punong olibo ay gaya rin sa ngayon, samakatuwid nga, ibinababad muna sa tubig na may asin at saka kinakain. Pinagkunan din ng langis ang mga olibo para sa mga lutuing gaya ng nilaga at nilangisang tinapay. Ang Bibliya ay may binabanggit na “mga putaheng malangis.”—Isa 25:6.
Ang isa pang mahalagang pagkain ay ang mga igos. (Deu 8:8) Kadalasan, kapag may nakita nang mga unang igos sa puno, agad na pinipitas at kinakain ang mga ito. (Isa 28:4) Pinatutuyo naman sa araw at pinipipi sa mga molde ang mga huling igos anupat ginagawang mga kakaning igos. (1Sa 25:18; 1Cr 12:40) Kapag ginamit bilang panapal, nakapagpapagaling ang mga ito. (Isa 38:21) Bukod sa karaniwang puno ng igos, ang punungkahoy na kilala bilang sikomoro (igos-mulberi) ay namumunga rin ng nakakaing igos. (1Cr 27:28; Am 7:14) Ang iba pang mga prutas ay ang datiles, ang granada, at ang mansanas.—Sol 5:11; Joe 1:12; Hag 2:19; tingnan ang MANSANAS.
Sa mga nuwes na kinakain sa Palestina, binabanggit ng Bibliya ang mga almendras at mga nuwes ng pistasyo.—Gen 43:11; Jer 1:11.
Isa sa pinakasaganang mga pagkain sa Palestina ay ang mga ubas. Nang tiktikan ng mga Israelita ang lupain ng Canaan, nag-uwi sila ng isang napakalaking kumpol ng ubas na binuhat ng dalawang lalaki sa pamamagitan ng isang pamingga. (Bil 13:23) Noon, ang mga ubas ay kinakain nang sariwa o kaya’y pinatutuyo (Bil 6:3) at pinipipi upang maging mga kakanin. (1Sa 25:18; 1Cr 12:40) Gaya sa ngayon, walang alinlangan na ang mga murang dahon nito ay kinakain din noon bilang luntiang gulay; ang mas magulang na mga dahon naman ay ipinakakain sa mga tupa at mga kambing.
Ang mga bunga ng punong algarroba ay kadalasang ipinakakain sa mga hayop, bagaman maaaring kinakain din ng mga tao ang mga ito kapag panahon ng kagipitan. Sa ilustrasyon ni Jesus, nagpahayag ang gutóm na alibughang anak ng pagnanasang kumain ng mga iyon.—Luc 15:16; tingnan ang ALGARROBA, BUNGA NG.
Mga Pampalasa at Pulot-Pukyutan. Ang mga pampalasang madalas ipanimpla noon ay ang yerbabuena, eneldo, komino, ruda, at dahon ng mustasa. (Mat 23:23; 13:31; Luc 11:42) Asin ang naging pangunahing sangkap na pampalasa at isa rin itong preserbatibo. Kaya naman ang “isang tipan ng asin” ay isang tiyak na tipan, anupat hindi dapat labagin. (Bil 18:19; 2Cr 13:5) Bukod diyan, binabanggit ng Mishnah (Shabbat 6:5) ang paminta. Ang bunga ng alcaparra naman ay ginamit bilang pampagana.—Ec 12:5.
Ang pulot-pukyutan ay itinuring na isang piling pagkain na nakapagpapaningning ng mga mata dahil sa idinudulot nitong kasiglahan. (1Sa 14:27-29; Aw 19:10; Kaw 16:24) Ang manna naman ay lasang tinapay na lapad na may pulot-pukyutan. (Exo 16:31) Kumain si Juan na Tagapagbautismo ng pulot-pukyutan at ng mga kulisap na balang.—Mat 3:4.
Laman, o Karne, Bilang Pagkain. Pagkatapos ng Baha, sinabi ng Diyos kay Noe na, bukod sa mga pananim, maaari na niyang gamitin bilang pagkain ang bawat gumagalang hayop na buháy. (Gen 9:3, 4) Gayunman, sa ilalim ng Kautusan, ang mga Israelita ay nilimitahang kumain lamang ng mga hayop na itinakda bilang malilinis. Nakatala ang mga ito sa Levitico, kabanata 11, at Deuteronomio, kabanata 14. Sa pangkalahatan, hindi gaanong kumakain ng karne ang karaniwang mga tao. Ngunit paminsan-minsan, isang kambing o isang kordero ang pinapatay bilang haing pansalu-salo o bilang pagtanggap sa isang panauhin. (Lev 3:6, 7, 12; 2Sa 12:4; Luc 15:29, 30) Mga alagang baka naman ang ipinapapatay ng mga mariwasa. (Gen 18:7; Kaw 15:17; Luc 15:23) Ang ilang uri ng pinangangasong hayop, gaya ng lalaking usa, gasela, maliit na usa, mailap na kambing, antilope, torong gubat, at gamusa, ay kinakain, at ang karne ng mga ito ay iniihaw o inilalaga. (Gen 25:28; Deu 12:15; 14:4, 5) Mahigpit na ipinagbawal ang pagkain ng dugo, gayundin ang pagkain ng taba.—Lev 7:25-27.
Kinakain din noon ang mga ibon. Sa ilang, makahimalang pinaglaanan ng pugo ang mga Israelita. (Bil 11:31-33) Kabilang sa malilinis na ibon ang mga kalapati, mga batu-bato, mga perdis, at mga maya. (1Sa 26:20; Mat 10:29) Bukod diyan, nagsilbi ring pagkain ang mga itlog.—Isa 10:14; Luc 11:11, 12.
Kabilang ang balang sa mga nakakaing kulisap, anupat ito at ang pulot-pukyutan ang naging pagkain ni Juan na Tagapagbautismo. (Mat 3:4) Sa ngayon, kumakain ng balang ang ilang Arabe. Karaniwan na, pagkatapos itong alisan ng ulo, mga paa, at mga pakpak, babalutan ito ng giniling na binutil at ipiprito sa langis o sa mantikilya.
Makahuhuli ng mga isda sa Mediteraneo at gayundin sa Dagat ng Galilea. Mga mangingisda ang ilan sa mga apostol ni Jesu-Kristo, at noong isang pagkakataon, matapos siyang buhaying-muli, nagluto si Jesus ng ilang isda sa ibabaw ng nagbabagang uling para sa kaniyang mga alagad. (Ju 21:9) Pinatutuyo rin noon ang mga isda, anupat nagsilbing kumbinyenteng pagkain ng mga manlalakbay. Malamang na pinatuyong isda ang ginawa ni Jesus sa dalawang makahimalang pagpapakain niya ng karamihan. (Mat 15:34; Mar 6:38) Ang isa sa mga pintuang-daan ng Jerusalem ay pinanganlang Pintuang-daan ng mga Isda, malamang na nagpapahiwatig na may pamilihan ng isda sa lugar na iyon o malapit doon. (Ne 3:3) Noong mga araw ni Nehemias, ang mga taga-Tiro ay nangalakal ng mga isda sa Jerusalem.—Ne 13:16.
Mga Produktong Gawa sa Gatas at mga Inumin. Mahahalaga ring pagkain noon ang gatas at ang mga produktong gawa sa gatas, anupat maaaring gatas ng baka, kambing, o tupa ang ginagamit. (1Sa 17:18) Karaniwan nang sa mga balat na sisidlan inilalagay ang gatas. (Huk 4:19) Madali itong umasim. Ang salitang Hebreo na chem·ʼahʹ, isinasalin bilang “mantikilya,” ay maaari ring mangahulugang “kurtadong gatas.” Isa ring kilalang pagkain noon ang keso. Sa katunayan, ang Libis ng Tyropoeon (mga Manggagawa ng Keso) ay bumabagtas sa K panig ng sinaunang lunsod ng Jerusalem.—Huk 5:25; 2Sa 17:29; Job 10:10; tingnan ang KESO.
Ang isa sa mga pangunahing produkto mula sa ubas ay alak. Kung minsan, ang alak ay hinahaluan ng espesya o kaya’y tinitimpla. (Kaw 9:2, 5; Sol 8:2; Isa 5:22) Nagaganap ang pamimitas ng ubas sa panahon ng taglagas. Kapag mainit ang klima, di-nagtatagal ay kumakasim ang katas nito. Pagkatapos ng pag-aani ng ubas, may ilang buwan pa bago ang panahon ng Paskuwa. Kapag araw ng Paskuwa, nakaugalian na ng mga grupo ng pamilya na uminom ng ilang kopa ng alak, na sa panahong iyon ay makasim na. Samakatuwid, nang ipagdiwang ni Jesus ang Paskuwa ng 33 C.E., ang ininom niya ay tunay na pulang alak, na siya rin niyang inialok sa kaniyang mga alagad nang pasimulan niya ang Hapunan ng Panginoon. (Mar 14:23-25) Pinakasim na alak din ang ginawa ni Jesus sa isang piging ng kasalan. (Ju 2:9, 10) Ginagamit noon ang alak bilang gamot. (1Ti 5:23) Ang sukà na galing sa alak na mula sa ubas, puro man o kaya’y hinaluan ng mga espesya o ng mga katas ng prutas, ay ginagamit din noon. (Bil 6:3; Ru 2:14) Ang isa pang inumin ay ang serbesang trigo; maaari ring gumawa ng nakarerepreskong inumin mula sa katas ng granada.—Sol 8:2; Isa 1:22; Os 4:18.
Manna. Manna ang naging pangunahing pagkain ng mga Israelita sa ilang. Ayon sa paglalarawan sa Bilang 11:7, 8, tulad ito ng buto ng kulantro at kahawig ng sahing ng bedelio. Ginigiling ito sa mga gilingang pangkamay o dinidikdik sa almires, pagkatapos ay pinakukuluan o ginagawang mga tinapay na bilog anupat kalasa ito ng nilangisang tinapay na matamis. Tinutukoy ito bilang “ang mismong tinapay ng mga makapangyarihan.”—Aw 78:24, 25; tingnan ang MANNA.
Pagsasalo sa Pagkain. Noong panahon ng Bibliya, ang pagsasalo sa pagkain ay nagpapahiwatig ng bigkis ng pagsasamahan. (Gen 31:54; 2Sa 9:7, 10, 11, 13; tingnan ang KAINAN.) Ang pagtangging makisalo sa isang tao sa pagkain ay nagpapahiwatig naman ng galit o ng iba pang negatibong damdamin o saloobin. (1Sa 20:34; Gaw 11:2, 3; Gal 2:11, 12) Kadalasan, ginagamit ang pagkain bilang kaloob, upang makamit ang kabutihang-loob ng isang tao o matiyak na matatamo iyon, yamang kapag tinanggap ng isang tao ang kaloob, itinuturing na obligado siyang magpanatili ng mapayapang kaugnayan.—Gen 33:8-16; 1Sa 9:6-8; 25:18, 19; 1Ha 14:1-3.
Ang Pangmalas ng mga Kristiyano. Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng restriksiyon ng Kautusan may kinalaman sa malilinis at maruruming pagkain. Kahilingan lamang sa kanila na umiwas sa dugo at sa mga bagay na binigti, samakatuwid nga, sa mga bagay na hindi napatulo nang wasto ang dugo. (Gaw 15:19, 20, 28, 29) Ngunit maliban sa utos na ito mula sa Bibliya, hindi nila dapat gawing isyu ang pagkain o ang pag-iwas sa partikular na mga pagkain o kaya’y sikaping kontrolin ang budhi ng ibang tao ayon sa sarili nilang budhi may kaugnayan sa pagkain. Gayunman, binababalaan sila laban sa pagkain ng mga bagay na inihandog sa mga idolo at laban sa pagiging sanhi ng ikatitisod ng ibang tao dahil sa paggigiit ng kanilang kalayaang Kristiyano may kinalaman sa pagkain. (1Co 8; 10:23-33) Hindi dapat unahin ng mga Kristiyano ang pagkain o ang paraan ng paggamit nito anupat magiging pangalawahin ang Kaharian at ang espirituwal na mga kapakanan niyaon.—Ro 14:17; Heb 13:9.
Espirituwal na Pagkain. Nalugod si Jesus na gawin ang kalooban ng kaniyang Ama at tinukoy niya ito bilang pagkain niya. (Ju 4:32, 34) Patiuna niyang sinabi noon na aatasan niya “ang tapat at maingat na alipin” upang magbigay ng (espirituwal na) pagkain sa tamang panahon sa kaniyang mga alagad. (Mat 24:44-47; tingnan ang TAPAT AT MAINGAT NA ALIPIN.) Kung paanong sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao” (Deu 8:3), hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na hanapin, hindi ang materyal na pagkain, kundi ang pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan. (Ju 6:26, 27; ihambing ang Hab 3:17, 18.) Sinabi niya na huwag silang mabalisa tungkol sa pagkain at inumin, sapagkat “ang kaluluwa ay higit na mahalaga kaysa sa pagkain.”—Mat 6:25; Luc 12:22, 23.
Tinukoy ng apostol na si Pablo ang mga panimulang bagay ng doktrinang Kristiyano bilang “gatas” at ang mas malalim na kaalaman bilang “matigas na pagkain.” (Heb 5:12-14; 6:1, 2; 1Co 3:1-3) Sinabi naman ni Pedro na ang espirituwal na paglaki ay tinutustusan sa pamamagitan ng “di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1Pe 2:2) Tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang tinapay ng buhay,” na nakahihigit sa manna na inilaan sa ilang, at itinawag-pansin niya na mayroon siyang suplay nito anupat ang kakain nito ay hindi na kailanman magugutom. (Ju 6:32-35) Palibhasa’y hindi palaisip sa espirituwal, ang ilan sa kaniyang mga tagasunod ay nangilabot sa sinabi niya nang ihalintulad niya ang kaniyang laman at dugo sa pagkain at inumin (na mula roon ay maaari silang “kumain” sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang haing pantubos) ukol sa buhay na walang hanggan.—Ju 6:54-60.
Nangangako si Jehova ng isang panahon kung kailan maglalaan siya ng kasaganaan kapuwa sa espirituwal at materyal na pagkain para sa kaniyang tapat na bayan sa buong lupa, anupat hindi magiging banta sa kanila ang anumang taggutom.—Aw 72:16; 85:12; Isa 25:6; tingnan ang PAGLULUTO, MGA KAGAMITAN SA PAGLULUTO; TAGGUTOM; at ang iba’t ibang uri ng pagkain sa ilalim ng kani-kanilang pamagat.