2 Cronica
4 Nang magkagayon ay ginawa niya ang altar na tanso,+ dalawampung siko ang haba nito, at dalawampung siko ang lapad nito, at sampung siko ang taas nito.+
2 At ginawa niya ang binubong dagat+ na sampung siko mula sa isang labi nito hanggang sa kabilang labi nito, pabilog sa buong palibot, at ang taas nito ay limang siko, at nangailangan ng isang pising tatlumpung siko upang mapaikutan ito sa buong palibot.+ 3 At may wangis ng mga palamuting hugis-upo+ sa ilalim nito sa buong palibot, na nakapalibot dito, sampu sa isang siko, na pinaliligiran ang dagat sa buong palibot.+ Ang mga palamuting hugis-upo ay nasa dalawang hanay, na inihulma sa hulmahan nito. 4 Ito ay nakapatong sa ibabaw ng labindalawang toro,+ tatlo ang nakaharap sa hilaga at tatlo ang nakaharap sa kanluran at tatlo ang nakaharap sa timog at tatlo ang nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa ibabaw ng mga ito, at ang lahat ng kanilang mga hulihang bahagi ay nasa dakong loob.+ 5 At ang kapal nito ay sinlapad-ng-kamay; at ang labi nito ay tulad ng kayarian ng labi ng isang kopa, isang bulaklak na liryo.+ Bilang lalagyan, tatlong libong takal na bat+ ang mailalaman nito.+
6 Karagdagan pa, gumawa siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa kanan at ang lima sa kaliwa,+ upang paghugasan ang mga ito.+ Ang mga bagay na ukol sa handog na sinusunog+ ay binabanlawan nila roon. Ngunit ang dagat ay para sa mga saserdote upang doon sila maghugas.+
7 Pagkatapos ay gumawa siya ng mga gintong kandelero,+ na ang sampung ito ay magkakapareho ang plano,+ at inilagay ang mga iyon sa templo, lima sa kanan at lima sa kaliwa.+
8 Karagdagan pa, gumawa siya ng sampung mesa, at inilagay ang mga iyon sa templo, lima sa kanan at lima sa kaliwa,+ at gumawa ng isang daang mangkok na ginto.
9 Nang magkagayon ay ginawa niya ang looban+ ng mga saserdote+ at ang malaking bakuran+ at ang mga pinto ng bakuran, at ang mga pinto ng mga iyon ay kinalupkupan niya ng tanso. 10 At ang dagat ay inilagay niya sa kanang panig, sa dakong silangan, sa gawing timog.+
11 Nang dakong huli ay ginawa ni Hiram ang mga lata+ at ang mga pala+ at ang mga mangkok.+
Kaya natapos ni Hiram na gawin ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng tunay na Diyos. 12 Ang dalawang haligi+ at ang mga bilog na kapital+ na nasa ibabaw ng dalawang haligi at ang dalawang kayariang tila lambat+ upang tumakip sa dalawang bilog na kapital na nasa ibabaw ng mga haligi 13 at ang apat na raang granada+ para sa dalawang kayariang tila lambat, dalawang hanay ng mga granada para sa bawat kayariang tila lambat upang tumakip sa dalawang bilog na kapital na nasa ibabaw ng mga haligi,+ 14 at ang sampung karwahe+ at ang sampung hugasan+ sa ibabaw ng mga karwahe; 15 ang isang dagat+ at ang labindalawang torong nasa ilalim nito,+ 16 at ang mga lata at ang mga pala+ at ang mga tinidor+ at ang lahat ng kanilang kagamitan+ ay ginawa ni Hiram-abiv+ para kay Haring Solomon para sa bahay ni Jehova, na yari sa pinakintab na tanso. 17 Sa Distrito ng Jordan inihulma ng hari ang mga iyon sa makapal na lupa sa pagitan ng Sucot+ at Zereda.+ 18 Gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng kagamitang ito na lubhang pagkarami-rami, sapagkat ang timbang ng tanso ay hindi na inalam.+
19 At ginawa ni Solomon ang lahat ng mga kagamitang+ nasa bahay ng tunay na Diyos at ang ginintuang altar+ at ang mga mesa+ na doon nakapatong ang tinapay na pantanghal, 20 at ang mga kandelero+ at ang mga lampara+ ng mga iyon na dalisay na ginto, upang paningasin ang mga iyon sa harap ng kaloob-loobang silid+ ayon sa alituntunin; 21 at ang mga bulaklak at ang mga lampara at ang mga pamatay-apoy,+ na yari sa ginto, (iyon ang pinakadalisay na ginto,) 22 at ang mga pamatay ng apoy at ang mga mangkok at ang mga kopa at ang mga lalagyan ng apoy, na yari sa dalisay na ginto,+ at ang pasukan ng bahay,+ ang mga pinakaloob na pinto nito para sa Kabanal-banalan at ang mga pinto+ ng bahay ng templo, na yari sa ginto.