Exodo
13 At nagsalita pa si Jehova kay Moises, na sinasabi: 2 “Pabanalin mo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki na nagbubukas ng bawat bahay-bata sa gitna ng mga anak ni Israel, sa mga tao at sa mga hayop. Iyon ay akin.”+
3 At sinabi ni Moises sa bayan: “Alalahanin ang araw na ito ng paglabas ninyo mula sa Ehipto,+ mula sa bahay ng mga alipin, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ni Jehova mula rito.+ Kaya walang anumang may lebadura ang kakainin.+ 4 Sa araw na ito ay lalabas kayo sa buwan ng Abib.+ 5 At mangyayari nga na kapag dinala ka na ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita at ng mga Hiteo at ng mga Amorita at ng mga Hivita at ng mga Jebusita,+ na isinumpa niya sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo,+ isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,+ kung magkagayon ay gagawin mo ang paglilingkod na ito sa buwang ito. 6 Pitong araw kang kakain ng mga tinapay na walang pampaalsa,+ at sa ikapitong araw ay kapistahan para kay Jehova.+ 7 Mga tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw;+ at walang anumang may lebadura ang makikita sa iyo,+ at walang pinaasim na masa ang makikita sa iyo sa lahat ng iyong hangganan.+ 8 At sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, na sinasabi, ‘Ito ay dahil doon sa ginawa ni Jehova sa akin nang lumabas ako mula sa Ehipto.’+ 9 At ito ay magsisilbing tanda para sa iyo sa iyong kamay at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata,+ upang ang kautusan ni Jehova ay sumaiyong bibig;+ sapagkat sa pamamagitan ng malakas na kamay ay inilabas ka ni Jehova mula sa Ehipto.+ 10 At tutuparin mo ang batas na ito sa takdang panahon nito taun-taon.+
11 “At mangyayari nga na kapag dinala ka ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita,+ gaya ng isinumpa niya sa iyo at sa iyong mga ninuno,+ at kapag ibinigay na niya ito sa iyo, 12 kung magkagayon ay itatalaga mo kay Jehova ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata,+ at bawat panganay, na batang anak ng hayop,+ na magiging iyo. Ang mga lalaki ay kay Jehova.+ 13 At bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang tupa, at kung hindi mo iyon tutubusin, babaliin mo nga ang leeg niyaon.+ At bawat panganay ng tao sa iyong mga anak na lalaki ay tutubusin mo.+
14 “At mangyayari nga na sakaling sa kalaunan ay magtanong sa iyo ang iyong anak,+ na sinasabi, ‘Ano ang kahulugan nito?’ kung magkagayon ay sasabihin mo sa kaniya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kami ni Jehova mula sa Ehipto,+ mula sa bahay ng mga alipin.+ 15 At nangyaring si Paraon ay nagmatigas tungkol sa pagpapaalis sa amin,+ at pinatay ni Jehova ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto,+ mula sa panganay ng tao hanggang sa panganay ng hayop.+ Iyan ang dahilan kung bakit ko inihahain kay Jehova ang lahat ng lalaki na nagbubukas ng bahay-bata,+ at lahat ng panganay sa aking mga anak ay tinutubos ko.’+ 16 At ito ay magsisilbing tanda sa iyong kamay at pangharap na pamigkis sa pagitan ng iyong mga mata,+ sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ni Jehova mula sa Ehipto.”+
17 At nangyari nga na noong payaunin ni Paraon ang bayan ay hindi sila inakay ng Diyos sa daan ng lupain ng mga Filisteo dahil lamang sa malapit iyon, sapagkat sinabi ng Diyos: “Baka magbago ng isip ang bayan kapag nakakita sila ng digmaan at bumalik nga sa Ehipto.”+ 18 Kaya pinaligid ng Diyos ang bayan sa daan ng ilang ng Dagat na Pula.+ Ngunit ang mga anak ni Israel ay nasa hanay ng pakikipagbaka nang umahon mula sa lupain ng Ehipto.+ 19 At dinala ni Moises ang mga buto ni Jose, sapagkat may-kataimtimang pinasumpa niya ang mga anak ni Israel, na sinasabi: “Walang pagsalang ibabaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa inyo,+ at iaahon ninyo ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”+ 20 At lumisan sila mula sa Sucot at nagkampo sa Etham sa gilid ng ilang.+
21 At si Jehova ay humahayo sa unahan nila sa araw sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan,+ at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang magbigay sa kanila ng liwanag sa pagyaon sa araw at sa gabi.+ 22 Ang haliging ulap ay hindi umaalis mula sa harap ng bayan sa araw ni ang haliging apoy man sa gabi.+