FEATURE
Ang Pag-alis Mula sa Ehipto
TINAGUBILINAN ni Jehova si Moises na humarap kay Paraon at sabihin sa pangalan ni Jehova: “Payaunin mo ang aking bayan.” (Exo 5:1) Tumanggi si Paraon. Ayaw niyang mawalan ng isang bansa ng mga alipin. Higit pa riyan, hindi kilala, o kinilala, ni Paraon si Jehova bilang ang tunay na Diyos. (Exo 5:2) Mga diyos ng Ehipto ang sinasamba ni Paraon at itinuturing pa nga niya ang kaniyang sarili bilang isang diyos! Sa gayon ay naitampok ang usapin: Sino ang tunay na Diyos? Sa pamamagitan ng sampung salot ay naglapat si Jehova ng kahatulan “sa lahat ng diyos ng Ehipto,” anupat nagbunga ng pagpapalaya sa Israel at nagbigay ng katibayan na si Jehova ang buháy at tunay na Diyos.—Exo 12:12.
Bilang isang pangkat, ang Israel ay lumisan mula sa Rameses sa Ehipto noong Nisan 15, 1513 B.C.E. Habang yumayaon ang pulutong patungong silangan, walang alinlangang ang iba ay sumama sa kanila mula sa Gosen. Pagkatapos na makarating sila sa Etham, inutusan sila ni Jehova na “bumalik . . . at magkampo sa harap ng Pihahirot . . . sa tabi ng dagat.” Para sa mga Ehipsiyo, mukhang naliligaw ang bayan. (Exo 13:20; 14:1-3) Sa wari ay nakulong sila sa pagitan ng Dagat na Pula at ng mga bundok. Yamang ang mga karong pandigma ng Ehipto ay nasa likuran nila, tila wala silang malalabasan! Sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay iniligtas ni Jehova ang Israel at pinuksa si Paraon at ang hukbo nito. (Exo 14:13-31) Sa gayon, ipinakita ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan at pinangyaring ang ginawa niya para sa Israel ay pag-usapan “sa buong lupa.”—Exo 9:16; Jos 2:10; 9:9.
Kasalukuyang topograpiya ng ilalim ng Dagat na Pula kung saan maliwanag na tumawid ang Israel. Ilang paghuhukay ang isinagawa upang palalimin ang tsanel, ngunit unti-unti ang paglalim ng pinakasahig ng dagat mula sa magkabilang baybayin. Mula sa isang baybayin hanggang sa kabila, ang distansiya rito ay mga 10 km (6 na mi)