Ezekiel
31 At nangyari pa nang ikalabing-isang taon, nang ikatlong buwan, noong unang araw ng buwan, ang salita ni Jehova ay dumating sa akin, na nagsasabi: 2 “Anak ng tao, sabihin mo kay Paraon na hari ng Ehipto at sa kaniyang pulutong,+
“ ‘Sino ang kahalintulad mo sa iyong kadakilaan? 3 Narito! Isang Asiryano, isang sedro sa Lebanon,+ maganda ang sanga,+ na may makahoy na palumpungan na nagbibigay ng lilim, at mataas ang tindig,+ anupat nasa mga ulap ang kaniyang tuktok.+ 4 Tubig ang siyang nagpalaki sa kaniya;+ pinataas siya ng matubig na kalaliman. Ang mga batis nito ay umaagos sa buong palibot ng dakong kinatatamnan niya; at ang mga lagusan nito ay pinadadaloy nito sa lahat ng mga punungkahoy sa parang. 5 Kaya naman lumaki ang kaniyang tindig nang mas mataas kaysa sa lahat ng iba pang punungkahoy sa parang.+
“ ‘At ang kaniyang malalaking sanga ay patuloy na dumami, at ang kaniyang maliliit na sanga ay patuloy na humaba dahil sa maraming tubig sa mga daanang-tubig nito.+ 6 Sa kaniyang malalaking sanga ay namumugad ang lahat ng lumilipad na nilalang sa langit,+ at sa ilalim ng kaniyang maliliit na sanga ay nanganak ang lahat ng maiilap na hayop sa parang,+ at sa kaniyang lilim ay nananahanan ang lahat ng mataong mga bansa. 7 At siya ay naging maganda sa kalakihan niya,+ sa haba ng kaniyang mga dahon, sapagkat ang kaniyang mga ugat ay nasa ibabaw ng maraming tubig. 8 Hindi siya mapantayan ng ibang mga sedro sa hardin ng Diyos.+ Kung tungkol sa mga puno ng enebro, hindi sila makatulad sa kaniyang malalaking sanga. At ang mga sanga ng mga punong platano ay hindi tulad ng sa kaniya. Walang ibang punungkahoy sa hardin ng Diyos ang katulad niya sa kaniyang kariktan.+ 9 Ginawa ko siyang maganda sa dami ng kaniyang mga dahon,+ at lagi siyang kinaiinggitan+ ng lahat ng iba pang punungkahoy sa Eden na nasa hardin ng tunay na Diyos.’
10 “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Sa dahilang naging mataas ka sa iyong tindig, anupat inilagay niya ang kaniyang tuktok sa mga ulap+ at ang kaniyang puso ay nagmalaki dahil sa kaniyang taas,+ 11 ibibigay ko rin siya sa kamay ng makapangyarihang pinuno ng mga bansa.+ Walang pagsalang kikilos ito laban sa kaniya. Ayon sa kaniyang kabalakyutan ay palalayasin ko siya.+ 12 At mga taga-ibang bayan, ang mga maniniil mula sa mga bansa, ang puputol sa kaniya, at iiwan siya ng mga tao sa ibabaw ng mga bundok; at sa lahat ng mga burol ay tiyak na malalaglag ang kaniyang mga dahon, at ang kaniyang mga sanga ay mababali sa gitna ng lahat ng mga batis sa lupa.+ At mula sa kaniyang lilim ay bababa ang lahat ng mga bayan sa lupa at iiwan siya.+ 13 Sa nabuwal niyang katawan ay tatahan ang lahat ng mga lumilipad na nilalang sa langit, at sa kaniyang mga sanga ay tiyak na doroon ang lahat ng maiilap na hayop sa parang;+ 14 upang walang isa man sa mga nadidiligang punungkahoy ang maging mataas sa kanilang tindig, o maglagay ng kanilang mga tuktok sa mga ulap, at upang walang sinumang umiinom ng tubig ang tumayo laban sa kanila sa kanilang taas, sapagkat silang lahat ay tiyak na ibibigay sa kamatayan,+ sa lupain sa kailaliman,+ sa gitna ng mga anak ng sangkatauhan, doon sa mga bumababa sa hukay.’
15 “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Sa araw ng kaniyang pagbaba sa Sheol ay tiyak na pangyayarihin ko ang isang pagdadalamhati.+ Dahil sa kaniya ay tatakpan ko ang matubig na kalaliman, upang mapigilan ko ang mga batis nito at upang maharangan ang maraming tubig; at dahil sa kaniya ay pagdidilimin ko ang Lebanon, at dahil sa kaniya ay hihimatayin ang lahat ng mga punungkahoy sa parang. 16 Sa ingay ng kaniyang pagbagsak ay tiyak na pauugain ko ang mga bansa kapag inilusong ko siya sa Sheol kasama niyaong mga bumababa sa hukay,+ at sa lupain sa kailaliman ay aaliwin+ ang lahat ng mga punungkahoy sa Eden,+ ang pinakapili at ang pinakamainam ng Lebanon, lahat ng umiinom ng tubig. 17 Bumaba rin silang kasama niya sa Sheol,+ patungo roon sa mga napatay sa pamamagitan ng tabak, at yaong mga nanahanan, bilang kaniyang binhi, sa kaniyang lilim sa gitna ng mga bansa.’+
18 “ ‘Sino ang kahalintulad mong ganito sa kaluwalhatian+ at kadakilaan sa gitna ng mga punungkahoy sa Eden?+ Ngunit ikaw ay tiyak na ibababang kasama ng mga punungkahoy sa Eden patungo sa lupain sa kailaliman.+ Sa gitna ng mga di-tuli ay hihiga kang kasama niyaong mga napatay sa pamamagitan ng tabak. Ito si Paraon at ang kaniyang buong pulutong,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.”