Ezekiel
31 Nang ika-11 taon, noong unang araw ng ikatlong buwan, dumating sa akin ang salita ni Jehova: 2 “Anak ng tao, sabihin mo sa Paraon na hari ng Ehipto at sa kaniyang mga hukbo,+
‘May kapantay ka ba sa kadakilaan?
3 May isang Asiryano, isang sedro sa Lebanon,
Na may magagandang sanga gaya ng palumpong na nagbibigay ng lilim, at napakataas nito;
Nasa mga ulap ang tuktok nito.
4 Lumaki ito dahil sa tubig, at tumaas ito dahil sa malalalim na bukal.
Napapalibutan ng batis ang kinatatamnan nito;
Natutubigan ang lahat ng puno sa parang dahil sa lagusan ng mga bukal.
5 Kaya naman lumaki ito nang higit kaysa sa lahat ng ibang puno sa parang.
Dumami ang malalaking sanga nito at humaba ang maliliit na sanga
Dahil sa saganang tubig sa mga batis nito.
6 Namugad sa malalaking sanga nito ang lahat ng ibon sa langit,
Nanganak sa ilalim ng maliliit na sanga nito ang lahat ng maiilap na hayop sa parang,
At nanirahan sa lilim nito ang lahat ng malalaking bansa.
7 Naging kahanga-hanga ang kagandahan nito at ang haba ng mga sanga nito,
Dahil ang mga ugat nito ay umabot sa saganang tubig.
8 Walang ibang sedro sa hardin ng Diyos+ ang maihahambing dito.
Walang isa mang puno ng enebro ang may malalaking sanga gaya nito,
At hindi mapapantayan ng mga punong platano ang maliliit na sanga nito.
Walang ibang puno sa hardin ng Diyos ang maikukumpara sa kagandahan nito.
9 Ginawa ko itong maganda at mayabong,
At kinainggitan ito ng lahat ng ibang puno sa Eden, ang hardin ng tunay na Diyos.’
10 “Kaya ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Naging napakataas nito* at umabot ito sa mga ulap, kaya nagmataas ang puso nito; 11 dahil diyan, ibibigay ko ito sa kamay ng makapangyarihang pinuno ng mga bansa.+ Tiyak na kikilos siya laban dito, at itatakwil ko ito dahil sa kasamaan nito. 12 At puputulin ito ng mga banyaga, ang pinakamalulupit sa mga bansa, at iiwan ito sa ibabaw ng mga bundok, at malalaglag ang mga dahon nito sa lahat ng lambak, at mangangalat sa lahat ng batis sa lupa ang nabaling mga sanga nito.+ Ang lahat ng bayan sa lupa ay aalis sa lilim nito at iiwan ito. 13 Ang lahat ng ibon sa langit ay titira sa bumagsak nitong katawan, at ang lahat ng maiilap na hayop ay sa mga sanga naman nito.+ 14 Mangyayari ito para wala nang punong malapit sa tubig ang maging napakataas o umabot sa mga ulap at para walang punong sagana sa tubig ang maging ganoon kataas. Dahil ibibigay silang lahat sa kamatayan, sa kailaliman ng lupa, kasama ng mga anak ng sangkatauhan, na bumababa sa hukay.’*
15 “Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Sa araw na bumaba ito sa Libingan,* pagdadalamhatiin ko ang mga tao. Kaya tatakpan ko ang malalim na katubigan at pipigilan ang mga batis nito para maharangan ang saganang tubig. Pagdidilimin ko ang Lebanon dahil dito, at matutuyo ang lahat ng puno sa parang. 16 Sa ingay ng pagbagsak nito, mangingilabot ang mga bansa kapag ibinaba ko ito sa Libingan* kasama ng lahat ng bumababa sa hukay,* at ang lahat ng puno sa Eden,+ ang pinakapili at pinakamainam ng Lebanon at sagana sa tubig, ay maaaliw sa kailaliman ng lupa. 17 Gaya nila, bumaba siya sa Libingan,* kung nasaan ang mga pinatay sa espada;+ at makakasama rin niya ang mga tagasuporta* niya sa gitna ng mga bansang nakatira sa lilim niya.’+
18 “‘Alin sa mga puno sa Eden ang kagaya mo sa kaluwalhatian at kadakilaan?+ Pero tiyak na ibababa ka sa kailaliman ng lupa kasama ng mga puno sa Eden. Hihiga kang kasama ng mga di-tuli, ng mga pinatay sa espada. Ito ang mangyayari sa Paraon at sa lahat ng hukbo niya,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”