Ezekiel
33 At ang salita ni Jehova ay dumating sa akin, na nagsasabi: 2 “Anak ng tao, magsalita ka sa mga anak ng iyong bayan,+ at sabihin mo sa kanila,
“ ‘Kung tungkol sa isang lupain, sakaling magpasapit ako roon ng isang tabak+ at ang bayan ng lupain, silang lahat, ay kumuha nga ng isang lalaki at inilagay siya bilang kanilang bantay,+ 3 at nakita nga niya ang tabak na dumarating sa lupain at hinipan niya ang tambuli at binabalaan niya ang bayan,+ 4 at narinig nga ng nakarinig ang tunog ng tambuli ngunit hindi siya nagbigay-pansin sa babala,+ at dumating ang isang tabak at kinuha siya, ang kaniyang sariling dugo ay mapapasakaniyang sariling ulo.+ 5 Ang tunog ng tambuli ay narinig niya, ngunit hindi siya nagbigay-pansin sa babala. Ang kaniyang sariling dugo ay mapapasakaniyang sarili. At kung nagbigay-pansin sana siya sa babala, ang kaniyang sariling kaluluwa ay makatatakas.+
6 “ ‘Tungkol naman sa bantay, kung makita niyang dumarating ang tabak at hindi nga niya hinipan ang tambuli+ at ang bayan ay hindi tumanggap ng anumang babala at isang tabak ang dumating at kumuha mula sa kanila ng kaluluwa, dahil sa sarili nitong kamalian ay kukunin ito,+ ngunit ang dugo nito ay sisingilin ko sa kamay ng bantay mismo.’+
7 “Tungkol naman sa iyo, O anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ng Israel,+ at mula sa aking bibig ay diringgin mo ang salita at magbibigay ka sa kanila ng babala mula sa akin.+ 8 Kapag sinabi ko sa balakyot, ‘O balakyot, ikaw ay tiyak na mamamatay!’+ ngunit hindi ka nga nagsasalita upang babalaan ang balakyot sa kaniyang lakad,+ siya mismo bilang balakyot ay mamamatay sa kaniyang sariling kamalian,+ ngunit ang kaniyang dugo ay sisingilin ko sa iyong sariling kamay. 9 Ngunit kung tungkol sa iyo, sakaling babalaan mo nga ang balakyot sa kaniyang lakad upang manumbalik siya mula roon ngunit hindi nga siya tumatalikod mula sa kaniyang lakad, siya mismo ay mamamatay sa kaniyang sariling kamalian,+ ngunit tiyak na maililigtas mo ang iyong sariling kaluluwa.+
10 “Tungkol naman sa iyo, O anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, ‘Ganito ang sinabi ninyo: “Sapagkat ang aming mga pagsalansang at ang aming mga kasalanan ay sumasaamin at sa mga iyon ay nabubulok kami,+ paano nga kami patuloy na mabubuhay?” ’+ 11 Sabihin mo sa kanila, ‘ “Buháy ako,” ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, “ako ay nalulugod, hindi sa kamatayan ng balakyot,+ kundi sa panunumbalik+ ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.+ Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad,+ sapagkat bakit nga ba kayo mamamatay, O sambahayan ng Israel?” ’+
12 “At ikaw naman, O anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan, ‘Hindi ang katuwiran ng matuwid ang magliligtas sa kaniya sa araw ng kaniyang pagsalansang.+ Ngunit tungkol sa kabalakyutan ng balakyot, hindi siya ibubuwal dahil doon sa araw ng kaniyang panunumbalik mula sa kaniyang kabalakyutan.+ Ni ang sinumang may katuwiran ay patuloy na mabubuhay dahil doon sa araw ng kaniyang pagkakasala.+ 13 Kapag sinabi ko sa matuwid: “Tiyak na patuloy kang mabubuhay,” at siya ay nagtiwala sa kaniyang sariling katuwiran at gumawa ng kawalang-katarungan,+ ang lahat ng kaniyang matuwid na mga gawa ay hindi aalalahanin, ngunit dahil sa kaniyang kawalang-katarungan na ginawa niya—dahil dito ay mamamatay siya.+
14 “ ‘At kapag sinabi ko sa balakyot: “Ikaw ay tiyak na mamamatay,”+ at siya ay nanumbalik nga mula sa kaniyang kasalanan+ at nagsagawa ng katarungan at katuwiran,+ 15 at isinauli ng balakyot ang bagay na ipinanagot,+ binayaran ang mga bagay na ninakaw,+ at talagang lumakad sa mismong mga batas ng buhay sa pamamagitan ng hindi paggawa ng kawalang-katarungan,+ tiyak na patuloy siyang mabubuhay.+ Hindi siya mamamatay. 16 Walang isa man sa kaniyang mga kasalanan na ipinagkasala niya ang aalalahanin laban sa kaniya.+ Katarungan at katuwiran ang kaniyang isinagawa. Tiyak na patuloy siyang mabubuhay.’+
17 “At ang mga anak ng iyong bayan ay nagsabi, ‘Ang daan ni Jehova ay hindi nakaayos nang wasto,’+ ngunit, kung tungkol sa kanila, ang kanilang lakad ang siyang hindi nakaayos nang wasto.
18 “Kapag ang matuwid ay tumalikod mula sa kaniyang katuwiran at gumawa nga ng kawalang-katarungan, dapat din siyang mamatay dahil sa mga iyon.+ 19 At kapag ang balakyot ay tumalikod mula sa kaniyang kabalakyutan at nagsagawa nga ng katarungan at katuwiran, dahil sa mga iyon kung kaya siya mismo ay patuloy na mabubuhay.+
20 “At kayo ay nagsabi, ‘Ang daan ni Jehova ay hindi nakaayos nang wasto.’+ Hahatulan ko nga kayo, bawat isa ayon sa kaniyang mga lakad,+ O sambahayan ng Israel.”
21 Sa kalaunan ay nangyari nang ikalabindalawang taon, nang ikasampung buwan, noong ikalimang araw ng buwan ng aming pagkatapon, pumaroon sa akin ang takas mula sa Jerusalem,+ na sinasabi: “Ang lunsod ay ibinagsak!”+
22 At ang mismong kamay ni Jehova ay sumaakin nang kinagabihan bago dumating ang takas,+ at ibinuka Niya ang aking bibig bago dumating sa akin ang isang iyon nang kinaumagahan, at ang aking bibig ay nabuka at hindi na ako pipi.+
23 At ang salita ni Jehova ay nagsimulang dumating sa akin, na nagsasabi: 24 “Anak ng tao, ang mga tumatahan sa mga wasak na dakong ito+ ay nagsasabi may kinalaman sa lupa ng Israel, ‘Si Abraham ay iisa lamang at gayunma’y inari niya ang lupain.+ At tayo ay marami; sa atin ay ibinigay ang lupain bilang pag-aari.’+
25 “Kaya sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Patuloy kayong kumakain ng may dugo,+ at ang inyong mga mata ay patuloy ninyong itinitingala sa inyong mga karumal-dumal na idolo,+ at patuloy kayong nagbubuhos ng dugo.+ Kaya dapat ba ninyong ariin ang lupain?+ 26 Kayo ay umasa sa inyong tabak.+ Kayo ay gumawa ng isang karima-rimarim na bagay,+ at dinungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kani-kaniyang kasamahan.+ Kaya dapat ba ninyong ariin ang lupain?” ’+
27 “Ito ang dapat mong sabihin sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Buháy ako, tiyak na silang nasa mga wasak na dako ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak;+ at siyang nasa ibabaw ng parang, sa mabangis na hayop ay ibibigay ko nga siya bilang pagkain;+ at silang nasa matitibay na dako at mga yungib+ ay mamamatay sa salot. 28 At talagang gagawin kong isang tiwangwang na kaguhuan ang lupain,+ isang pagkatiwangwang, at ang pagmamapuri ng lakas niyaon ay paglalahuin+ at ang mga bundok ng Israel ay ititiwangwang,+ na walang sinumang daraan. 29 At kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova kapag ginawa kong isang tiwangwang na kaguhuan ang lupain,+ isang pagkatiwangwang, dahil sa lahat ng kanilang mga karima-rimarim na bagay na ginawa nila.” ’+
30 “At ikaw naman, O anak ng tao, pinag-uusapan ka ng mga anak ng iyong bayan sa tabi ng mga pader at sa mga pasukan ng mga bahay,+ at ang isa ay nakipag-usap sa isa pa, bawat isa sa kaniyang kapatid, na sinasabi, ‘Pumarito kayo, pakisuyo, at pakinggan ninyo kung ano ang salita na nanggagaling kay Jehova.’+ 31 At sila ay paroroon sa iyo, tulad ng pagparoon ng bayan, at uupo sa harap mo bilang aking bayan;+ at tiyak na maririnig nila ang iyong mga salita ngunit ang mga ito ay hindi nila gagawin,+ sapagkat sa pamamagitan ng kanilang bibig ay nagpapahayag sila ng mahahalay na pagnanasa at ang kanilang di-tapat na pakinabang ang sinusundan ng kanilang puso.+ 32 At, narito! sa kanila ay tulad ka ng isang awit ng maaalab na pag-ibig, tulad ng isa na may magandang tinig at mahusay tumugtog ng panugtog na de-kuwerdas.+ At tiyak na maririnig nila ang iyong mga salita, ngunit walang sinumang nagsasagawa ng mga iyon.+ 33 At kapag iyon ay nagkatotoo—narito! iyon ay magkakatotoo+—kanila ngang malalaman din na isang propeta mismo ang napasagitna nila.”+