Ezekiel
5 “At ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka para sa iyo ng isang tabak na matalas. Kukunin mo iyon para sa iyo na gaya ng labaha ng barbero, at pararaanin mo iyon sa iyong ulo at sa iyong balbas,+ at kukuha ka para sa iyo ng timbangan at paghahati-hatiin mo ang buhok. 2 Ang isang katlo ay susunugin mo sa apoy sa gitna ng lunsod kapag nalubos na ang mga araw ng pagkubkob.+ At kukunin mo ang isa pang katlo. Sasaktan mo iyon ng tabak sa buong palibot niya,+ at ang huling katlo ay pangangalatin mo sa hangin, at huhugutin ko ang isang tabak upang sundan sila nito.+
3 “At kukuha ka mula roon ng kaunti sa bilang at ibabalot mo ang mga iyon sa iyong laylayan.+ 4 At ang iba pa sa mga iyon ay kukunin mo at ihahagis mo ang mga iyon sa gitna ng apoy at susunugin mo sa apoy ang mga iyon. Mula sa isa ay may apoy na lalabas patungo sa buong sambahayan ng Israel.+
5 “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Ito ang Jerusalem. Sa gitna ng mga bansa ay inilagay ko siya, na may mga lupain sa buong palibot niya. 6 At gumawi siya nang mapaghimagsik laban sa aking mga hudisyal na pasiya na may kabalakyutang higit pa kaysa sa mga bansa,+ at laban sa aking mga batas nang higit pa kaysa sa mga lupain na nasa buong palibot niya, sapagkat ang aking mga hudisyal na pasiya ay itinakwil nila at, kung tungkol sa aking mga batas, hindi nila nilakaran ang mga iyon.’+
7 “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Sa dahilang kayo ay naging higit na maligalig+ kaysa sa mga bansa na nasa buong palibot ninyo, ang aking mga batas ay hindi ninyo nilakaran at ang aking mga hudisyal na pasiya ay hindi ninyo isinagawa;+ kundi ang ayon sa mga hudisyal na pasiya ng mga bansa na nasa buong palibot ninyo ang inyong isinagawa, hindi ba?+ 8 kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, ako ay laban sa iyo, O lunsod, ako nga,+ at maglalapat ako sa gitna mo ng mga hudisyal na pasiya sa paningin ng mga bansa.+ 9 At gagawin ko sa iyo yaong hindi ko pa ginagawa at ang katulad nito ay hindi ko na gagawin pa dahil sa lahat ng iyong mga karima-rimarim na bagay.+
10 “ ‘ “Kaya kakainin ng mga ama ang mga anak sa gitna mo,+ at kakainin ng mga anak ang kanilang mga ama, at maglalapat ako sa iyo ng mga kahatulan at pangangalatin ko ang lahat ng nalalabi sa iyo sa bawat hangin.” ’+
11 “ ‘Kaya buháy ako,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘tunay na sa dahilang ang aking santuwaryo ang dinungisan mo ng lahat ng iyong mga kasuklam-suklam na bagay+ at ng lahat ng iyong mga karima-rimarim na bagay,+ ako rin ang Isa na magpapaunti sa iyo+ at ang aking mata ay hindi maaawa+ at ako rin ay hindi mahahabag.+ 12 Ang isang katlo sa iyo—sa salot ay mamamatay sila,+ at sa taggutom ay sasapit sila sa kanilang kawakasan sa gitna mo.+ At ang isa pang katlo—sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal sila sa buong palibot mo. At ang huling katlo ay pangangalatin ko sa bawat hangin,+ at huhugutin ko ang isang tabak upang sundan sila nito.+ 13 At tiyak na matatapos ang aking galit+ at paglulubagin ko sa kanila ang aking pagngangalit+ at aaliwin ko ang aking sarili;+ at kanila ngang malalaman na ako mismong si Jehova ang nagsalita dahil sa aking paghingi ng bukod-tanging debosyon,+ kapag tinapos ko sa kanila ang aking pagngangalit.
14 “ ‘At ikaw ay gagawin kong isang wasak na dako at isang kadustaan sa gitna ng mga bansa na nasa buong palibot mo sa paningin ng lahat ng nagdaraan.+ 15 At ikaw ay magiging kadustaan+ at tudlaan ng mapanlait na mga salita,+ isang babalang halimbawa+ at pagkagimbal sa mga bansa na nasa buong palibot mo, kapag gumawa ako sa iyo ng mga paghatol sa galit at sa pagngangalit at sa nagngangalit na mga pagsaway.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.
16 “ ‘Kapag pinasapit ko sa kanila ang mapaminsalang mga palaso ng taggutom,+ na ukol sa ikapapahamak, na siyang mga palasong pasasapitin ko upang magpahamak sa inyo,+ ang taggutom nga ay patitindihin ko sa inyo at babaliin ko ang inyong mga tungkod na kinabibitinan ng hugis-singsing na mga tinapay.+ 17 At pasasapitan ko kayo ng taggutom at ng mapaminsalang mababangis na hayop,+ at uulilahin ka nila sa anak, at ang salot+ at ang dugo+ ay daraan sa iyo, at isang tabak ang pasasapitin ko sa iyo.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.’ ”