Levitico
21 At sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Kausapin mo ang mga saserdote, na mga anak ni Aaron, at sabihin mo sa kanila, ‘Walang sinuman ang magpaparungis ng kaniyang sarili sa gitna ng kaniyang bayan dahil sa isang namatay na kaluluwa.+ 2 Ngunit sa kadugo niya na malapit sa kaniya, sa kaniyang ina at sa kaniyang ama at sa kaniyang anak na lalaki at sa kaniyang anak na babae at sa kaniyang kapatid na lalaki 3 at sa kaniyang kapatid na babae, isang dalaga na malapit sa kaniya, na hindi pa pag-aari ng isang lalaki, dahil sa kaniya ay makapagpaparungis siya ng kaniyang sarili. 4 Hindi siya makapagpaparungis ng kaniyang sarili [dahil sa isang babaing nauukol] sa isang may-ari sa gitna ng kaniyang bayan upang hayaang malapastangan ang kaniyang sarili. 5 Huwag silang magpapakalbo ng kanilang mga ulo,+ at ang dulo ng kanilang balbas ay huwag nilang aahitan,+ at ang kanilang laman ay huwag nilang hihiwaan.+ 6 Magpakabanal sila sa kanilang Diyos,+ at huwag nilang lapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos,+ sapagkat sila yaong naghahandog ng mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos;+ at magpakabanal sila.+ 7 Huwag silang kukuha ng patutot+ o babaing nilapastangan; at huwag silang kukuha ng babaing diniborsiyo+ ng asawa nito,+ sapagkat siya ay banal sa kaniyang Diyos. 8 Kaya pababanalin mo siya,+ sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng iyong Diyos. Siya ay magiging banal sa iyo,+ sapagkat akong si Jehova, na nagpapabanal sa inyo, ay banal.+
9 “‘At kung hayaan ng anak na babae ng isang saserdote na malapastangan siya sa pamamagitan ng pagpapatutot, ang kaniyang ama ang nilalapastangan niya. Susunugin siya sa apoy.+
10 “‘At kung tungkol sa mataas na saserdote mula sa kaniyang mga kapatid na ang ulo ay binuhusan ng pamahid na langis+ at ang kamay ay pinuspos ng kapangyarihan upang ibihis ang mga kasuutan,+ huwag niyang pababayaang hindi nakaayos ang kaniyang ulo,+ at huwag niyang pupunitin ang kaniyang mga kasuutan.+ 11 At huwag siyang lalapit sa sinumang patay na kaluluwa.+ Huwag siyang magpaparungis ng kaniyang sarili dahil sa kaniyang ama at sa kaniyang ina. 12 Huwag din siyang lalabas mula sa santuwaryo at huwag niyang lalapastanganin ang santuwaryo ng kaniyang Diyos,+ sapagkat ang tanda ng pag-aalay, ang pamahid na langis ng kaniyang Diyos,+ ay nasa kaniya. Ako ay si Jehova.
13 “‘At sa ganang kaniya, siya ay kukuha ng isang babae na nasa pagkadalaga nito.+ 14 Kung tungkol sa babaing balo o babaing diniborsiyo at isa na nilapastangan, isang patutot, hindi siya kukuha ng sinuman sa mga ito, kundi kukuha siya ng isang dalaga mula sa kaniyang bayan bilang asawa. 15 At huwag niyang lapastanganin ang kaniyang binhi sa gitna ng kaniyang bayan,+ sapagkat ako ay si Jehova na nagpapabanal sa kaniya.’”+
16 At si Jehova ay patuloy na nagsalita kay Moises, na sinasabi: 17 “Salitain mo kay Aaron, na sinasabi, ‘Walang sinumang lalaki mula sa iyong binhi sa lahat ng kanilang mga salinlahi na may kapintasan+ ang makalalapit upang ihandog ang tinapay ng kaniyang Diyos.+ 18 Kung ang sinumang lalaki ay may kapintasan, hindi siya makalalapit: isang lalaking bulag o pilay o may hiwa ang ilong o may isang sangkap na labis ang haba,+ 19 o isang lalaking may bali ang paa o may bali ang kamay, 20 o kuba o payat o may karamdaman sa kaniyang mga mata o langibin o may buni o may mga bayag na durog.+ 21 Ang sinumang lalaki mula sa binhi ni Aaron na saserdote na may kapintasan ay hindi makalalapit upang ihandog ang mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.+ May kapintasan sa kaniya. Hindi siya makalalapit upang ihandog ang tinapay ng kaniyang Diyos.+ 22 Makakakain siya ng tinapay ng kaniyang Diyos mula sa mga kabanal-banalang bagay+ at mula sa mga banal na bagay.+ 23 Gayunman, hindi siya makapapasok nang malapit sa kurtina,+ at hindi siya makalalapit sa altar,+ sapagkat may kapintasan sa kaniya;+ at huwag niyang lapastanganin ang aking santuwaryo,+ sapagkat ako ay si Jehova na nagpapabanal sa kanila.’”+
24 Gayon nga ang sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel.