Bilang
5 At nagsalita pa si Jehova kay Moises, na sinasabi: 2 “Utusan mo ang mga anak ni Israel na palabasin nila mula sa kampo ang lahat ng taong ketongin+ at lahat ng inaagasan+ at lahat ng marumi dahil sa isang namatay na kaluluwa.+ 3 Lalaki man o babae ay palalabasin ninyo sila. Payayaunin ninyo sila sa labas ng kampo,+ upang hindi nila mahawahan+ ang mga kampo niyaong mga sa gitna nila ay nagtatabernakulo ako.”+ 4 At gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, na pinayaon nga sila sa labas ng kampo. Kung ano ang sinalita ni Jehova kay Moises, gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel.
5 At si Jehova ay nagpatuloy sa pagsasalita kay Moises, na sinasabi: 6 “Salitain mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung tungkol sa isang lalaki o isang babae, kung gagawin nila ang alinman sa lahat ng kasalanan ng tao sa paggawa ng kawalang-katapatan laban kay Jehova, ang kaluluwang iyon ay magiging may-sala rin.+ 7 At ipagtatapat+ nila ang kanilang kasalanan na ginawa nila, at isasauli niya ang halaga ng kaniyang pagkakasala sa kabuuan nito, na magdaragdag pa roon ng isang kalima niyaon,+ at ibibigay niya iyon sa isa na ginawan niya ng mali. 8 Ngunit kung ang huling nabanggit ay walang malapit na kamag-anak na mapagsasaulian ng halaga ng pagkakasala, ang halaga ng pagkakasala na isasauli kay Jehova ay nauukol sa saserdote, maliban sa barakong tupa na pambayad-sala na siyang ipambabayad-sala niya para sa kaniya.+
9 “‘At bawat abuloy+ ukol sa lahat ng banal na bagay+ ng mga anak ni Israel, na ihaharap nila sa saserdote, ay magiging kaniya.+ 10 At ang mga banal na bagay ng bawat isa ay mananatiling kaniya. Anuman ang ibigay ng bawat isa sa saserdote, iyon ay magiging kaniya.’”
11 At nagsalita pa si Jehova kay Moises, na sinasabi: 12 “Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Sakaling ang asawa ng isang lalaki ay lumihis anupat siya ay gumawa ng kawalang-katapatan laban sa kaniya,+ 13 at sipingan nga siya ng ibang lalaki at labasan ito ng semilya,+ at lingid iyon sa paningin ng kaniyang asawang lalaki+ at nananatiling di-natutuklasan, at siya, sa ganang kaniya, ay nagpakarungis ngunit walang saksi laban sa kaniya, at hindi naman siya nahuli; 14 at ang espiritu ng paninibugho+ ay sumakaniya, at naging mapaghinala siya sa katapatan ng kaniyang asawang babae, at sa katunayan nga ay nagpakarungis ito, o ang espiritu ng paninibugho ay sumakaniya, at naging mapaghinala siya sa katapatan ng kaniyang asawang babae, ngunit sa katunayan naman ay hindi ito nagpakarungis; 15 kung gayon ay dadalhin ng lalaki ang kaniyang asawang babae sa saserdote+ at dadalhin niyang kasama nito ang handog nito, ang ikasampu ng isang epa ng harinang sebada. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni lalagyan man ito ng olibano,+ sapagkat ito ay handog na mga butil ukol sa paninibugho, isang pang-alaalang handog na mga butil na nagpapaalaala ng kamalian.
16 “‘At ihaharap siya ng saserdote at patatayuin siya sa harap ni Jehova.+ 17 At ang saserdote ay kukuha ng banal na tubig sa isang sisidlang luwad, at ang saserdote ay kukuha ng kaunting alabok na nasa sahig ng tabernakulo, at ilalagay niya iyon sa tubig. 18 At patatayuin ng saserdote ang babae sa harap ni Jehova at ilulugay ang buhok ng ulo ng babae at ilalagay sa kaniyang mga palad ang pang-alaalang handog na mga butil, na siyang handog na mga butil ukol sa paninibugho,+ at sa kamay ng saserdote ay naroon ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa.+
19 “‘At pasusumpain siya ng saserdote, at sasabihin niya sa babae: “Kung walang lalaking sumiping sa iyo at kung habang nasa ilalim ng iyong asawang lalaki+ ay hindi ka lumihis tungo sa anumang karumihan, maging malaya ka sa epekto ng mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa. 20 Ngunit ikaw, kung ikaw ay lumihis habang nasa ilalim ng iyong asawang lalaki+ at kung nagpakarungis ka at may lalaking naglagay sa iyo ng kaniyang inilabas na semilya,+ bukod pa sa iyong asawang lalaki,—” 21 Pasusumpain ngayon ng saserdote ang babae ng isang panunumpang may kinalaman sa sumpa,+ at sasabihin ng saserdote sa babae: “Italaga ka nawa ni Jehova sa isang sumpa at sa isang panunumpa sa gitna ng iyong bayan sa pamamagitan ng pagpapangyari ni Jehova na mahulog ang iyong hita,+ at mamintog ang iyong tiyan. 22 At ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay papasok sa iyong mga bituka upang pangyarihing mamintog ang iyong tiyan at mahulog ang iyong hita.” Dito ay sasabihin ng babae: “Amen! Amen!”
23 “‘At isusulat ng saserdote ang mga sumpang ito sa aklat+ at papawiin+ ang mga iyon tungo sa mapait na tubig. 24 At ipaiinom niya sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa,+ at ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kaniya bilang isang bagay na mapait. 25 At kukunin ng saserdote ang handog na mga butil+ ukol sa paninibugho mula sa kamay ng babae at ikakaway ang handog na mga butil sa harap ni Jehova, at ilalapit niya iyon sa altar. 26 At ang saserdote ay dadakot ng handog na mga butil bilang tagapagpaalaala+ niyaon at pauusukin niya iyon sa ibabaw ng altar, at pagkatapos ay ipaiinom niya sa babae ang tubig. 27 Kapag naipainom na niya sa kaniya ang tubig, mangyayari nga na kung nagpakarungis siya anupat gumawa siya ng kawalang-katapatan sa kaniyang asawang lalaki,+ ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok nga sa kaniya bilang isang bagay na mapait, at ang kaniyang tiyan ay mamimintog, at ang kaniyang hita ay mahuhulog, at ang babae ay magiging isang sumpa sa gitna ng kaniyang bayan.+ 28 Ngunit, kung hindi nagpakarungis ang babae kundi siya ay malinis, siya ay magiging ligtas nga sa gayong kaparusahan;+ at siya ay pangyayarihing magdalang-tao sa pamamagitan ng semilya.
29 “‘Ito ang kautusan tungkol sa paninibugho,+ kung saan ang isang babae ay lumihis+ habang nasa ilalim ng kaniyang asawang lalaki,+ at siya ay nagpakarungis, 30 o sa kalagayan ng isang lalaki na sinapitan ng espiritu ng paninibugho, at pinaghihinalaan niya ang kaniyang asawang babae ng kawalang-katapatan; at patatayuin niya ang kaniyang asawang babae sa harap ni Jehova, at isasagawa sa kaniya ng saserdote ang buong kautusang ito. 31 At ang lalaki ay magiging walang-sala sa kamalian, ngunit ang asawang babaing iyon ay mananagot dahil sa kaniyang kamalian.’”