Gawa
25 Sa gayon si Festo, nang makapasok+ upang mamahala sa probinsiya, ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea pagkaraan ng tatlong araw;+ 2 at ang mga punong saserdote at mga pangunahing lalaki ng mga Judio ay nagbigay sa kaniya ng impormasyon+ laban kay Pablo. Kaya nagsimula silang mamanhik sa kaniya, 3 na humihingi ng pabor laban sa lalaking ito na ipatawag niya siya upang pumaroon sa Jerusalem, sapagkat naglagay sila ng mga mananambang+ upang patayin siya sa daan. 4 Gayunman, sumagot si Festo na iingatan si Pablo sa Cesarea at na siya mismo ay lilisan sa di-kalaunan patungo roon. 5 “Kaya yaong mga may kapangyarihan sa gitna ninyo,” sabi niya, “ay bumabang kasama ko at akusahan siya,+ kung may anumang bagay na mali tungkol sa lalaking ito.”
6 Kaya nang makagugol na siya ng hindi hihigit sa walo o sampung araw sa kanila, bumaba siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa luklukan ng paghatol+ at nag-utos na dalhin si Pablo. 7 Nang dumating siya, ang mga Judio na bumaba mula sa Jerusalem ay tumayo sa palibot niya, na naghaharap laban sa kaniya ng marami at malulubhang paratang+ na may kaugnayan sa mga ito ay wala naman silang maipakitang katibayan.
8 Ngunit sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: “Hindi ako nakagawa ng anumang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio ni laban sa templo+ ni laban kay Cesar.”+ 9 Si Festo, sa pagnanais na makamit ang pabor+ ng mga Judio, ay nagsabi bilang tugon kay Pablo: “Nais mo bang umahon sa Jerusalem at doon mahatulan sa harap ko may kinalaman sa mga bagay na ito?”+ 10 Ngunit sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar,+ kung saan ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang mali sa mga Judio,+ gaya ng nalalaman mo rin nang lubusan. 11 Kung, sa isang dako, ako ay talagang isang manggagawa ng kamalian+ at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan,+ hindi ako tumatangging mamatay; sa kabilang dako naman, kung walang katotohanan ang mga bagay na iyon na iniaakusa sa akin ng mga taong ito, walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!”+ 12 Nang magkagayon si Festo, pagkatapos na makipag-usap sa kapulungan ng mga tagapayo, ay tumugon: “Kay Cesar ka umapela; kay Cesar ka paroroon.”
13 At nang makalipas ang ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay dumating sa Cesarea upang dumalaw bilang pagbibigay-galang kay Festo. 14 Kaya, habang gumugugol sila roon ng maraming araw, iniharap ni Festo sa hari ang mga bagay-bagay may kinalaman kay Pablo, na sinasabi:
“May isang lalaki na iniwang bilanggo ni Felix, 15 at noong ako ay nasa Jerusalem, ang mga punong saserdote at matatandang lalaki ng mga Judio ay nagdala ng impormasyon+ tungkol sa kaniya, na humihingi ng hatol laban sa kaniya. 16 Ngunit tumugon ako sa kanila na hindi pamamaraang Romano na ibigay ang sinumang tao bilang pabor bago makaharap ng taong akusado nang mukhaan ang mga tagapag-akusa+ sa kaniya at magkaroon ng pagkakataong magsalita bilang pagtatanggol sa kaniyang sarili may kinalaman sa reklamo. 17 Kaya nga nang magkatipon sila rito, hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay umupo ako sa luklukan ng paghatol at nag-utos na dalhin ang lalaki. 18 Nang tumindig ang mga tagapag-akusa, wala silang naiharap na paratang+ tungkol sa mga balakyot na bagay na inakala ko may kinalaman sa kaniya. 19 Mayroon lamang silang ilang pakikipagtalo sa kaniya may kinalaman sa kanilang sariling pagsamba+ sa bathala at may kinalaman sa isang Jesus na patay na ngunit patuloy na iginigiit ni Pablo na buháy.+ 20 Kaya, dahil naguguluhan ako may kinalaman sa pagtatalo tungkol sa mga bagay na ito, itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon mahatulan may kinalaman sa mga bagay na ito.+ 21 Ngunit nang umapela+ si Pablo na ingatan siya para sa pasiya ng Isa na Augusto, ipinag-utos kong ingatan siya hanggang sa maipadala ko siya kay Cesar.”
22 Dito ay sinabi ni Agripa kay Festo: “Ibig ko ring pakinggan ang taong iyon.”+ “Bukas,” sabi niya, “mapakikinggan mo siya.” 23 Kaya nga, nang sumunod na araw, sina Agripa at Bernice ay dumating na may labis na pagpaparangya+ at pumasok sa silid ng pagdinig kasama ang mga kumandante ng militar at gayundin ang mga bantog na lalaki sa lunsod, at nang ibigay ni Festo ang utos, si Pablo ay ipinasok. 24 At sinabi ni Festo: “Haring Agripa at kayong lahat na mga lalaki na nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito na tungkol sa kaniya ay humiling sa akin ang buong karamihan ng mga Judio kapuwa sa Jerusalem at dito, na isinisigaw na hindi na siya dapat pang mabuhay.+ 25 Ngunit napag-unawa ko na wala siyang nagawang anuman na karapat-dapat sa kamatayan.+ Kaya nang ang taong ito mismo ay umapela+ sa Isa na Augusto, ipinasiya kong ipadala siya. 26 Ngunit tungkol sa kaniya ay wala akong anumang tiyak na maisusulat sa aking Panginoon. Kaya dinala ko siya sa harap ninyo, at lalo na sa harap mo, Haring Agripa, upang pagkatapos na maganap ang hudisyal na pagsusuri+ ay mayroon akong maisulat. 27 Sapagkat waring di-makatuwiran sa akin na ipadala ang isang bilanggo at hindi rin naman ipabatid ang mga paratang laban sa kaniya.”