Deuteronomio
15 “Sa pagwawakas ng bawat pitong taon ay dapat kang magsagawa ng pagpapalaya. 2 At ito ang paraan ng pagpapalaya:+ palalayain ng bawat may pautang ang utang na ipinautang niya sa kaniyang kapuwa. Hindi niya dapat piliting magbayad ang kaniyang kapuwa o ang kaniyang kapatid,+ sapagkat ang isang pagpapalaya para kay Jehova ay ipahahayag.+ 3 Ang banyaga+ ay maaari mong piliting magbayad; ngunit anumang sa iyo na nasa iyong kapatid ay palayain ng iyong kamay. 4 Gayunman, walang sinuman ang dapat maging dukha sa gitna mo, sapagkat walang pagsalang pagpapalain+ ka ni Jehova sa lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana upang ariin,+ 5 kung makikinig ka lamang nang walang pagsala sa tinig ni Jehova na iyong Diyos na maingat na gawin ang lahat ng utos na ito na iniuutos ko sa iyo ngayon.+ 6 Sapagkat pagpapalain ka nga ni Jehova na iyong Diyos gaya ng ipinangako niya sa iyo, at tiyak na magpapahiram+ ka nang may panagot sa maraming bansa, ngunit ikaw ay hindi manghihiram; at magpupuno ka sa maraming bansa, ngunit sa iyo ay hindi sila magpupuno.+
7 “Kung ang sinuman sa iyong mga kapatid ay maging dukha sa gitna mo sa isa sa iyong mga lunsod, sa iyong lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, huwag mong patitigasin ang iyong puso o pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid.+ 8 Sapagkat dapat mong buksan nang lubusan ang iyong kamay sa kaniya+ at magpahiram ka nga sa kaniya nang may panagot gaanuman ang kailangan niya, na siyang kakapusan niya. 9 Mag-ingat ka na baka isang imbing salita ang mapasaiyong puso,+ na nagsasabi, ‘Ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapalaya, ay malapit na,’+ at ang iyong mata ay maging di-mapagbigay sa iyong dukhang kapatid,+ at wala kang ibigay sa kaniya, at tumawag siya kay Jehova laban sa iyo,+ at ito ay maging kasalanan sa ganang iyo.+ 10 Dapat ka ngang magbigay sa kaniya,+ at ang iyong puso ay hindi dapat maging maramot sa pagbibigay mo sa kaniya, sapagkat sa dahilang ito ay pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng iyong gawa at sa lahat ng iyong pinagpapagalan.+ 11 Sapagkat ang dukha ay hindi maglalaho sa gitna ng lupain.+ Iyan ang dahilan kung bakit ko iniuutos sa iyo, na sinasabi, ‘Dapat mong buksan nang lubusan ang iyong kamay sa iyong napipighati at dukhang kapatid sa iyong lupain.’+
12 “Kung maipagbili sa iyo ang iyong kapatid, isang Hebreo o isang Hebrea,+ at napaglingkuran ka na niya nang anim na taon, sa ikapitong taon ay dapat mo siyang payaunin mula sa iyo bilang isa na pinalaya.+ 13 At kung payayaunin mo siya mula sa iyo bilang isa na pinalaya, huwag mo siyang payaunin na walang dala.+ 14 Tiyakin mong pabaunan siya ng anuman mula sa iyong kawan at sa iyong giikan at sa iyong panlangis at pang-alak na pisaan. Kung paanong pinagpala ka ni Jehova na iyong Diyos ay dapat kang magbigay sa kaniya.+ 15 At alalahanin mong naging alipin ka sa lupain ng Ehipto at tinubos ka ni Jehova na iyong Diyos.+ Iyan ang dahilan kung bakit ko iniuutos sa iyo ang bagay na ito ngayon.
16 “At mangyayari nga na kung sasabihin niya sa iyo, ‘Hindi ako aalis sa piling mo!’ sapagkat iniibig ka niya at ang iyong sambahayan, yamang napabuti siya habang kasama mo,+ 17 kukuha ka nga ng isang balibol at ibubutas mo iyon sa kaniyang tainga sa may pinto, at siya ay magiging alipin mo hanggang sa panahong walang takda.+ At sa iyong aliping babae ay ganito rin ang dapat mong gawin. 18 Hindi dapat maging mabigat sa iyong paningin kapag pinayaon mo siya mula sa piling mo bilang isa na pinalaya;+ sapagkat doble ng halaga ng isang upahang trabahador+ ang ipinaglingkod niya sa iyo nang anim na taon, at pinagpala ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.+
19 “Ang bawat panganay na lalaki na ipanganganak sa iyong bakahan at sa iyong kawan ay dapat mong pabanalin kay Jehova na iyong Diyos.+ Huwag mong gagamitin sa anumang trabaho ang panganay ng iyong toro, ni gugupitan man ang panganay ng iyong kawan.+ 20 Dapat mong kainin iyon taun-taon sa harap ni Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin ni Jehova,+ ikaw at ang iyong sambahayan. 21 At kung iyon ay may kapintasan, pilay o bulag, anumang masamang kapintasan, huwag mong ihahain iyon kay Jehova na iyong Diyos.+ 22 Dapat mong kainin iyon sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ang marumi at ang malinis ay magkasama,+ gaya ng gasela at gaya ng lalaking usa.+ 23 Tanging ang dugo nito ang huwag mong kakainin.+ Dapat mong ibuhos iyon sa lupa gaya ng tubig.+