Deuteronomio
16 “Ipangingilin ang buwan ng Abib,+ at ipagdiriwang mo ang paskuwa para kay Jehova na iyong Diyos,+ sapagkat sa buwan ng Abib ay inilabas ka ni Jehova na iyong Diyos mula sa Ehipto sa gabi.+ 2 At ihahain mo ang paskuwa kay Jehova na iyong Diyos,+ mula sa kawan at mula sa bakahan,+ sa dakong pipiliin ni Jehova upang doon patahanin ang kaniyang pangalan.+ 3 Huwag mong kakaining kasama niyaon ang anumang may lebadura sa loob ng pitong araw.+ Dapat mong kaining kasama niyaon ang mga tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kapighatian, sapagkat dali-dali kang lumabas mula sa lupain ng Ehipto,+ upang maalaala mo ang araw ng iyong paglabas mula sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.+ 4 At walang pinaasim na masa ang dapat makita sa iyo sa iyong buong teritoryo nang pitong araw,+ at ang anumang bahagi ng karne, na iyong ihahain sa kinagabihan sa unang araw, ay hindi pananatilihin sa buong magdamag hanggang sa kinaumagahan.+ 5 Hindi ka pahihintulutang ihain ang paskuwa sa alinman sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos. 6 Kundi sa dakong pipiliin ni Jehova na iyong Diyos upang doon patahanin ang kaniyang pangalan,+ dapat mong ihain ang paskuwa sa kinagabihan paglubog ng araw,+ sa takdang panahon ng iyong paglabas mula sa Ehipto. 7 At isagawa mo ang pagluluto at ang pagkain+ sa dakong pipiliin+ ni Jehova na iyong Diyos, at sa umaga ay babalik ka at uuwi ka sa iyong sariling mga tolda. 8 Anim na araw kang kakain ng mga tinapay na walang pampaalsa; at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapita-pitagang kapulungan kay Jehova na iyong Diyos.+ Huwag kang gagawa ng anumang gawain.
9 “Pitong sanlinggo ang bibilangin mo para sa iyong sarili. Mula sa unang paggamit ng karit sa nakatayong halamang butil ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo.+ 10 Pagkatapos ay ipagdiriwang mo ang kapistahan ng mga sanlinggo kay Jehova na iyong Diyos,+ ayon sa kusang-loob na handog ng iyong kamay na ibibigay mo, gaya ng pagpapala sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+ 11 At magsasaya ka sa harap ni Jehova na iyong Diyos,+ ikaw at ang iyong anak na lalaki at ang iyong anak na babae at ang iyong aliping lalaki at ang iyong aliping babae at ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan at ang naninirahang dayuhan+ at ang batang lalaking walang ama+ at ang babaing balo,+ na nasa gitna mo, sa dakong pipiliin ni Jehova na iyong Diyos upang doon patahanin ang kaniyang pangalan.+ 12 At alalahanin mong naging alipin ka sa Ehipto,+ at tutuparin mo at isasagawa mo ang mga tuntuning ito.+
13 “Ang kapistahan ng mga kubol+ ay dapat mong ipagdiwang para sa iyong sarili nang pitong araw kapag nagsasagawa ka ng pagtitipon mula sa iyong giikan at sa iyong panlangis at pang-alak na pisaan. 14 At magsasaya ka sa panahon ng iyong kapistahan,+ ikaw at ang iyong anak na lalaki at ang iyong anak na babae at ang iyong aliping lalaki at ang iyong aliping babae at ang Levita at ang naninirahang dayuhan at ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan. 15 Pitong araw mong ipagdiriwang ang kapistahan+ para kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin ni Jehova, sapagkat pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos+ sa lahat ng iyong bunga at sa bawat gawa ng iyong kamay, at ikaw ay lubusang magagalak.+
16 “Tatlong ulit sa isang taon na ang bawat lalaki sa iyo ay dapat humarap kay Jehova na iyong Diyos sa dakong pipiliin niya:+ sa kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa+ at sa kapistahan ng mga sanlinggo+ at sa kapistahan ng mga kubol,+ at walang sinuman ang haharap kay Jehova nang walang dala.+ 17 Ang kaloob sa kamay ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.+
18 “Dapat kang magtalaga ng mga hukom+ at mga opisyal+ para sa iyong sarili sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos ayon sa iyong mga tribo, at hahatulan nila ang bayan ng matuwid na paghatol. 19 Huwag mong babaluktutin ang kahatulan.+ Huwag kang magtatangi+ o tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong+ at pumipilipit sa mga salita ng mga matuwid. 20 Katarungan—katarungan ang dapat mong itaguyod,+ upang manatili kang buháy at ariin mo nga ang lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.+
21 “Huwag kang magtatanim para sa iyong sarili ng anumang uri ng punungkahoy bilang sagradong poste malapit sa altar ni Jehova na iyong Diyos na gagawin mo para sa iyong sarili.+
22 “Ni magtatayo ka man para sa iyong sarili ng isang sagradong haligi,+ na isang bagay na kinapopootan nga ni Jehova na iyong Diyos.+