1 Samuel
24 At nangyari nga, nang bumalik si Saul mula sa pagsunod sa mga Filisteo,+ iniulat nila sa kaniya, na sinasabi: “Narito! Si David ay nasa ilang ng En-gedi.”+
2 At si Saul ay kumuha ng tatlong libong piling lalaki+ mula sa buong Israel at humayo sa paghahanap kay David+ at sa kaniyang mga tauhan sa mga hantad na bato ng mga kambing-bundok.+ 3 Sa kalaunan ay nakarating siya sa mga batong kulungan ng tupa sa tabi ng daan, na kinaroroonan ng isang yungib. At pumasok si Saul upang manabi,+ samantalang si David at ang kaniyang mga tauhan ay nakaupo sa kaloob-loobang mga dako ng yungib.+ 4 At ang mga tauhan ni David ay nagsabi sa kaniya: “Narito ang araw na sinasabi sa iyo ni Jehova, ‘Narito! Ibinibigay ko sa iyong kamay ang kaaway mo,+ at gawin mo sa kaniya kung ano ang waring mabuti sa iyong paningin.’ ”+ Sa gayon ay tumindig si David at tahimik na pinutol ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 5 Ngunit nangyari nga na pagkatapos nito ay laging binabagabag si David ng kaniyang puso+ sa dahilang pinutol niya ang laylayan ng walang-manggas na damit ni Saul. 6 Kaya sinabi niya sa kaniyang mga tauhan: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na gawin ko ang bagay na ito sa aking panginoon, na pinahiran+ ni Jehova, sa pamamagitan ng pag-uunat ng aking kamay laban sa kaniya, sapagkat siya ang pinahiran ni Jehova.”+ 7 Sa gayon ay pinangalat ni David ang kaniyang mga tauhan sa pamamagitan ng mga salitang ito, at hindi niya sila pinahintulutang tumindig laban kay Saul.+ Kung tungkol kay Saul, siya ay tumindig mula sa yungib at nagpatuloy sa kaniyang lakad.
8 At pagkatapos ay tumindig si David at lumabas mula sa yungib at tumawag kay Saul, na sinasabi: “Panginoon+ kong hari!” Sa gayon ay tumingin si Saul sa likuran niya, at si David ay yumukod habang ang kaniyang mukha ay nakaharap sa lupa+ at nagpatirapa. 9 At sinabi pa ni David kay Saul: “Bakit ka nakikinig sa mga salita ng tao,+ na nagsasabi, ‘Narito! Hinahangad ni David ang iyong ikapipinsala’? 10 Narito, sa araw na ito ay nakita ng iyong mga mata kung paano ka ibinigay ngayon ni Jehova sa aking kamay sa yungib; at may nagsabing patayin+ ka, ngunit naawa ako sa iyo at sinabi ko, ‘Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon, sapagkat siya ang pinahiran+ ni Jehova.’ 11 At, ama ko,+ tingnan mo, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong damit na walang manggas sa aking kamay, sapagkat nang putulin ko ang laylayan ng iyong damit na walang manggas ay hindi kita pinatay. Talastasin mo at tingnan na walang kasamaan+ o pagsalansang sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, samantalang inaabangan mo ang aking kaluluwa upang kunin iyon.+ 12 Humatol nawa si Jehova sa akin at sa iyo;+ at ipaghihiganti ako ni Jehova+ mula sa iyo, ngunit hindi ka pagbubuhatan ng aking sariling kamay.+ 13 Gaya ng sinasabi ng kawikaan ng mga sinauna, ‘Mula sa mga balakyot ay lalabas ang kabalakyutan,’+ ngunit hindi ka pagbubuhatan ng aking sariling kamay. 14 Sino ang nilabas ng hari ng Israel? Sino ang hinahabol mo? Isang asong patay?+ Isang pulgas?+ 15 At si Jehova ang magiging hukom, at hahatol siya sa akin at sa iyo, at titingnan niya at ipakikipaglaban niya ang usapin sa batas+ para sa akin at hahatulan ako upang palayain ako mula sa iyong kamay.”
16 At nangyari nga, nang matapos salitain ni David ang mga salitang ito kay Saul, si Saul ay nagsabi: “Ito ba ang tinig mo, anak kong David?”+ At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig at tumangis.+ 17 At sinabi pa niya kay David: “Ikaw ay higit na matuwid kaysa sa akin,+ sapagkat ikaw ang gumawa sa akin ng mabuti,+ at ako ang gumawa sa iyo ng kasamaan. 18 At ikaw—sinabi mo ngayon kung anong kabutihan ang ginawa mo may kaugnayan sa akin nang isinuko ako ni Jehova sa iyong kamay+ at hindi mo ako pinatay. 19 Sa kalagayan nga ng isang tao na nakasumpong sa kaniyang kaaway, payayaunin ba niya siya sa mabuting daan?+ Kaya gagantihan ka ni Jehova ng mabuti,+ sa dahilang sa araw na ito ay ginawa mo iyon sa akin. 20 At ngayon, narito! nalalaman kong lubos na ikaw ay walang pagsalang mamamahala bilang hari,+ at na sa iyong kamay ay tiyak na mamamalagi ang kaharian ng Israel. 21 Kaya ngayon ay sumumpa ka sa akin sa harap ni Jehova+ na hindi mo lilipulin ang aking binhi na kasunod ko at na hindi mo papawiin ang aking pangalan mula sa sambahayan ng aking ama.”+ 22 Sa gayon ay sumumpa si David kay Saul, at pagkatapos nito ay umuwi si Saul sa kaniyang tahanan.+ Kung tungkol kay David at sa kaniyang mga tauhan, umahon sila sa dakong mahirap puntahan.+