EN-GEDI
[Bukal ng Batang Kambing].
Pangalan ng isang lunsod at ng nakapalibot na ilang sa teritoryo ng Juda. (Jos 15:62; 1Sa 24:1) Karaniwang ipinapalagay na ang lunsod na ito ay ang Tell Jurn (Tel Goren), na malapit sa makabagong pamayanan ng ʽEn Gedi, mga 37 km (23 mi) sa TTS ng Jerusalem sa baybayin ng Dagat na Patay.
Ipinahiwatig ng dalagang Shulamita ang pagkamabunga ng rehiyong ito nang tukuyin niya ang “isang kumpol ng henna . . . sa gitna ng mga ubasan ng En-gedi.” (Sol 1:14) Ngunit maliit na paglalarawan lamang iyan ng saganang pananim sa lugar na ito maging hanggang sa ngayon. Ang lokasyon ng En-gedi sa mababang bahagi ng rehiyon ng Dagat na Patay ay bagay na bagay sa semitropikal na mga pananim, mga palma at balsamo, gayundin sa sari-saring bungangkahoy. Dahil dito, ang En-gedi ay naging isang oasis na kitang-kita sa kalapit nitong tiwangwang na Ilang ng Juda.—Tingnan ang JUDA, ILANG NG.
Bukod sa makapal na pananim nito, mahirap ding marating ang rehiyon ng En-gedi kung kaya dito nagtago si David noong tinutugis siya ni Haring Saul. Kaayon nito, ang Bibliya ay may binabanggit na mga “dakong mahirap puntahan sa En-gedi.” (1Sa 23:29) Ganito rin inilalarawan ng mga dumadalaw sa lugar na ito ngayon ang mapanganib, matarik, at mabatong mga daanan nito. Ang di-kaayaayang kalagayan ng ilang bahagi ng kalupaan ng En-gedi ay ipinahihiwatig din ng pagbanggit sa “mga hantad na bato ng mga kambing-bundok.” (1Sa 24:2) Itinuturing ng ilang iskolar na ito’y isang pangalang pantangi, “Mga Bato ng Maiilap na Kambing” (AT, JB, RS), at tumutukoy sa isang lugar kung saan posibleng mag-ipun-ipon ang mga kambing, gaya ng ginagawa nila sa rehiyon ng En-gedi sa makabagong panahon. Ayon naman sa iba, ang terminong ito’y isang parirala lamang na naglalarawan sa baku-bako at hugis-balisungsong na mga bundok at mga tagaytay na tinitirahan ng mga kambing. Maraming maluluwang na yungib sa malalaking bato ng En-gedi. Maaaring nagtago si David at ang kaniyang mga tauhan sa isa sa mga ito. (1Sa 24:3) May mga nagsasabi na ang “mga batong kulungan ng tupa” kung saan huminto si Saul ay maaaring ang mga yungib na ito, na pinagtayuan ng magaspang na pader sa harap bilang proteksiyon sa masamang panahon.—1Sa 24:2-10.
Noong mga araw ni Haring Jehosapat, ang magkakasanib na mga hukbo ng Ammon, Moab, at ng bulubunduking pook ng Seir ay dumating laban sa Juda, anupat dumaan sa “Hazazon-tamar, na siyang En-gedi.” (2Cr 20:2; tingnan ang HAZAZON-TAMAR.) Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa ‘pinagaling’ na tubig-dagat, inihula na ang mga mangingisda ay tatayo roon “mula sa En-gedi at maging hanggang sa En-eglaim.”—Eze 47:8-10.