Nehemias
6 Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia,+ Gesem na Arabe,+ at ng iba pang kaaway namin na naitayo ko na ang pader+ at wala na itong mga puwang (bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-daan nang mga panahong iyon),+ 2 agad na ipinadala sa akin nina Sanbalat at Gesem ang mensaheng ito: “Magkita tayo sa mga nayon ng Kapatagan ng Ono+ ayon sa mapagkakasunduang oras.” Pero may masamang balak sila sa akin. 3 Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin sa kanila: “Hindi ako makakapunta dahil sa laki ng gawain. Matitigil ito kung iiwan ko para lang makipagkita sa inyo.” 4 Apat na beses nilang ipinarating sa akin ang mensaheng iyon, pero hindi nagbago ang sagot ko.
5 Sa ikalimang beses, nagsugo si Sanbalat ng tagapaglingkod niya dala ang mensaheng iyon na may kasamang bukás na liham. 6 Nakasulat doon: “Nabalitaan na ng mga bansa, at sinasabi rin ni Gesem,+ na ikaw at ang mga Judio ay may planong maghimagsik.+ Iyan ang dahilan kaya itinatayo mo ang pader; at ayon sa mga balita, ikaw ang magiging hari nila. 7 May inatasan ka ring mga propeta para ipamalita sa buong Jerusalem ang tungkol sa iyo, ‘May isang hari sa Juda!’ Makakarating ito sa hari. Kaya magkita tayo at pag-usapan natin ito.”
8 Pero ito ang sagot na ipinadala ko sa kaniya: “Walang totoo sa lahat ng sinabi mo. Bunga lang iyan ng imahinasyon mo.”* 9 Gusto kasi nilang lahat na takutin kami. Sinasabi nila: “Manghihina sila* at hindi nila matatapos ang gawain.”+ Pero dalangin ko, palakasin mo ako.*+
10 At pumunta ako sa bahay ni Semaias na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel habang nagkukulong siya roon. Sinabi ni Semaias: “Magkita tayo sa bahay ng tunay na Diyos, sa loob ng templo, ayon sa mapagkakasunduang oras, at isara natin ang mga pinto ng templo dahil darating sila para patayin ka. Darating sila sa gabi para patayin ka.” 11 Pero sinabi ko: “Dapat bang tumakas ang lalaking gaya ko? Makakapasok ba sa templo ang gaya ko at mananatiling buháy?+ Hindi ako papasok!” 12 Pagkatapos, nalaman kong hindi siya isinugo ng Diyos. Binayaran lang siya nina Tobia at Sanbalat+ para sabihin ang hulang ito laban sa akin. 13 Binayaran siya para takutin ako at makagawa ako ng kasalanan, nang sa gayon ay masira nila ang reputasyon ko at madusta ako.
14 O Diyos ko, huwag mong kalimutan ang mga ginagawa nina Tobia+ at Sanbalat, pati na rin ang ginagawa ni Noadias na propetisa at ng iba pang propeta na laging nananakot sa akin.
15 Kaya natapos ang pader sa loob ng 52 araw, noong ika-25 ng Elul.*
16 Nang mabalitaan iyon ng lahat ng kaaway namin at nang makita iyon ng lahat ng nakapalibot na bansa, talagang napahiya sila,*+ at nalaman nila na natapos namin ang gawaing ito dahil sa tulong ng aming Diyos. 17 Noong mga panahong iyon, ang mga prominenteng tao+ ng Juda ay nagpapadala ng maraming liham kay Tobia, at sinasagot naman ni Tobia ang mga ito. 18 Marami sa Juda ang sumumpa ng katapatan sa kaniya dahil manugang siya ni Secanias na anak ni Arah+ at napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam+ na anak ni Berekias. 19 Lagi rin silang nagkukuwento sa akin ng mabubuting bagay tungkol sa kaniya at ipinaaalam nila sa kaniya kung ano ang sinasabi ko. Pagkatapos, nagpapadala si Tobia ng mga liham para takutin ako.+