Esther
8 Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuero kay Reyna Esther ang lahat ng pag-aari ni Haman,+ na kaaway ng mga Judio;+ at si Mardokeo ay humarap sa hari, dahil sinabi ni Esther kung magkaano-ano silang dalawa.+ 2 Pagkatapos, hinubad ng hari ang kaniyang singsing na panlagda+ na binawi niya kay Haman, at ibinigay niya ito kay Mardokeo. At si Mardokeo ang pinamahala ni Esther sa lahat ng pag-aari ni Haman.+
3 Bukod diyan, nakipag-usap ulit si Esther sa hari. Sumubsob siya sa paanan nito at umiiyak na nakiusap na hadlangan nito ang masamang balak ni Haman na Agagita laban sa mga Judio.+ 4 Iniunat ng hari kay Esther ang gintong setro,+ kaya tumayo si Esther sa harap ng hari. 5 Sinabi ni Esther: “Kung nanaisin ng hari at kung nalulugod kayo sa akin, at kung mamarapatin ninyo at kung kasiya-siya ako sa inyong paningin, maglabas kayo ng nasusulat na utos na magpapawalang-bisa sa mga dokumento ng masamang si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ ang mga dokumentong ginawa niya para puksain ang mga Judio sa lahat ng distritong sakop ng hari. 6 Dahil hindi ko kakayaning makita ang kapahamakan ng bayan ko, at hindi ko kakayaning makita ang pagpuksa sa mga kamag-anak ko.”
7 Kaya sinabi ni Haring Ahasuero kay Reyna Esther at kay Mardokeo na Judio: “Ibinigay ko na kay Esther ang lahat ng pag-aari ni Haman+ at ipinabitin siya sa tulos+ dahil sa pakana niyang salakayin ang* mga Judio. 8 Maaari kayong gumawa ng dokumento sa pangalan ko at isulat ninyo roon ang anumang nakikita ninyong makatutulong sa mga Judio, at tatakan ninyo iyon ng aking singsing na panlagda; dahil ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari ay hindi na mababawi.”+
9 Kaya agad na ipinatawag ang mga kalihim ng hari noong ika-23 araw ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan.* Isinulat nila ang lahat ng iniutos ni Mardokeo sa mga Judio, pati na sa mga satrapa,+ mga gobernador, at matataas na opisyal ng 127 nasasakupang distrito+ mula India hanggang Etiopia, sa bawat distrito ayon sa sarili nitong istilo ng pagsulat at sa bawat bayan ayon sa sarili nitong wika, at sa mga Judio ayon sa sarili nilang wika at istilo ng pagsulat.
10 Ipinasulat niya ito sa pangalan ni Haring Ahasuero at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari,+ at ipinadala niya ang mga dokumento sa mga mensaherong sakay ng matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari. 11 Sa mga dokumentong ito, pinapahintulutan ng hari ang mga Judio sa lahat ng lunsod na magtipon-tipon at ipagtanggol ang sarili nila. Pinapahintulutan silang lipulin, patayin, at puksain ang hukbo ng anumang bayan o distrito na sasalakay sa kanila, kasama na ang mga babae at mga bata, at kunin ang pag-aari ng mga ito.+ 12 Ipatutupad ito sa lahat ng distritong sakop ni Haring Ahasuero sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.*+ 13 Ang nilalaman ng dokumento ay gagawing batas sa lahat ng distrito. Ipaaalam ito sa lahat ng bayan para maging handa ang mga Judio sa araw na iyon na makipaglaban sa mga kaaway nila.+ 14 Ang kautusan ay nagmula sa palasyo ng Susan;*+ at ang mga mensahero, sakay ng mga kabayong ginagamit sa paglilingkod sa hari, ay agad na umalis at mabilis na inihatid ang mensahe gaya ng iniutos ng hari.
15 Umalis sa harap ng hari si Mardokeo na nakadamit-panghari na kulay asul at puti. May suot din siyang napakagandang koronang ginto at balabal na gawa sa magandang klase ng purpurang lana.+ At ang mga tao sa lunsod ng Susan* ay naghiyawan sa saya. 16 Para sa mga Judio, ito ay panahon ng kaginhawahan, pagsasaya, at karangalan. 17 At sa lahat ng distrito at lunsod, saanman nakarating ang utos at batas ng hari, nagsaya at nagdiwang ang mga Judio. Nagdaos sila ng mga handaan. Maraming tao ang nagsasabing Judio sila,+ dahil natatakot sila sa mga Judio.