Jeremias
35 Ito ang salita ni Jehova na dumating kay Jeremias noong panahon ng hari ng Juda na si Jehoiakim+ na anak ni Josias: 2 “Pumunta ka sa bahay ng mga Recabita+ at kausapin mo sila at dalhin sa bahay ni Jehova, sa isa sa mga silid-kainan;* at alukin mo sila ng alak.”
3 Kaya isinama ko si Jaazanias na anak ni Jeremias na anak ni Habazinias, ang mga kapatid niya, ang lahat ng anak niya, at ang buong sambahayan ng mga Recabita 4 sa bahay ni Jehova. Dinala ko sila sa silid-kainan ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, isang lingkod ng tunay na Diyos, na katabi ng silid-kainan ng matataas na opisyal na nasa itaas ng silid-kainan ni Maaseias na anak ni Salum na bantay sa pinto. 5 Pagkatapos ay naglagay ako ng mga kopa na punô ng alak sa harap ng mga lalaki sa sambahayan ng mga Recabita, at sinabi ko sa kanila: “Uminom kayo ng alak.”
6 Pero sinabi nila: “Hindi kami iinom ng alak, dahil iniutos sa amin ni Jehonadab*+ na anak ng ninuno naming si Recab, ‘Huwag kayong iinom ng alak, kayo at ang mga anak ninyo. 7 At huwag kayong magtatayo ng bahay, maghahasik ng binhi, o gagawa o magmamay-ari ng ubasan. Sa halip, sa tolda lang kayo titira, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing tinitirhan ninyo bilang mga dayuhan.’ 8 Kaya patuloy naming sinusunod ang lahat ng iniutos sa amin ni Jehonadab na anak ng ninuno naming si Recab; hindi kami umiinom ng alak—kami, ang mga asawa namin, at ang mga anak naming lalaki at babae. 9 Hindi rin kami nagtatayo ng mga bahay na matitirhan, at wala kaming mga ubasan o bukid o binhi. 10 Sa mga tolda lang kami tumitira at sinusunod namin ang lahat ng iniutos sa amin ng ninuno naming si Jehonadab.* 11 Pero nang sumalakay sa lupain si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya,+ sinabi namin, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem para makatakas tayo sa hukbo ng mga Caldeo at ng mga Siryano,’ kaya nakatira kami ngayon sa Jerusalem.”
12 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jeremias: 13 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: “Hindi ba lagi kayong sinasabihan na sundin ang mga salita ko?”+ ang sabi ni Jehova. 14 “Inutusan ng anak ni Recab na si Jehonadab ang mga inapo niya na huwag uminom ng alak, at hindi nga sila umiinom hanggang ngayon bilang pagsunod sa utos ng ninuno nila.+ Gayunman, sinasabihan ko kayo nang paulit-ulit,* pero hindi ninyo ako sinusunod.+ 15 At patuloy kong isinusugo sa inyo ang lahat ng lingkod kong propeta; isinusugo ko sila nang paulit-ulit*+ para sabihin, ‘Pakisuyo, talikuran ninyo ang inyong masamang landasin,+ at gawin ninyo ang tama! Huwag kayong sumunod sa ibang diyos at maglingkod sa kanila. Sa gayon ay patuloy kayong maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’+ Pero hindi kayo nakinig o sumunod sa akin. 16 Ang mga inapo ni Jehonadab na anak ni Recab ay sumusunod sa utos ng ninuno nila,+ pero ang bayang ito ay hindi nakikinig sa akin.”’”
17 “Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ang Diyos ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Pasasapitin ko sa Juda at sa lahat ng nakatira sa Jerusalem ang lahat ng kapahamakang sinabi kong mangyayari sa kanila,+ dahil sinasabihan ko sila, pero hindi sila nakikinig, at patuloy ko silang tinatawag, pero hindi sila sumasagot.’”+
18 At sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, ‘Dahil sinusunod ninyo ang utos ng ninuno ninyong si Jehonadab at patuloy ninyong tinutupad ang lahat ng utos niya, at ginagawa ninyo ito nang gayong-gayon, 19 ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Laging may inapo ni Jehonadab* na anak ni Recab na maglilingkod sa harap ko.”’”