Ezekiel
43 Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan.+ 2 Nakita ko roon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel na dumarating mula sa silangan,+ at ang tinig niya ay gaya ng tunog ng rumaragasang tubig;+ at nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatian niya.+ 3 Ang nakita ko ay gaya ng pangitaing nakita ko nang dumating ako* para wasakin ang lunsod, at mukhang gaya ito ng nakita ko sa tabi ng ilog ng Kebar;+ at sumubsob ako sa lupa.
4 Ang kaluwalhatian ni Jehova ay pumasok sa templo* mula sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan.+ 5 At ibinangon ako ng isang espiritu at dinala ako sa maliit na looban, at nakita kong napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang templo.+ 6 Pagkatapos, may narinig akong kumakausap sa akin mula sa templo, at tumayo ang lalaki sa tabi ko.+ 7 Sinabi niya sa akin:
“Anak ng tao, nandito ang trono ko+ at ang tinatapakan ng mga paa ko,+ ang lugar kung saan ako maninirahan sa gitna ng bayang Israel magpakailanman.+ Ang aking banal na pangalan ay hindi na madurungisan ng sambahayan ng Israel,+ sila at ang mga hari nila, sa pamamagitan ng kanilang espirituwal na prostitusyon at ng mga bangkay ng kanilang mga hari.* 8 Itinabi nila ang pasukan ng templo nila sa pasukan ng templo ko at ang poste ng pinto nila sa poste ng pinto ko, kaya isang pader lang ang pagitan namin,+ at nagsagawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Sa gayon, dinungisan nila ang aking banal na pangalan, kaya nilipol ko sila sa galit ko.+ 9 Ilayo nila ngayon sa akin ang kanilang espirituwal na prostitusyon at ang mga bangkay ng mga hari nila, at maninirahan ako sa gitna nila magpakailanman.+
10 “Ikaw, anak ng tao, ilarawan mo ang templo sa sambahayan ng Israel+ para makadama sila ng kahihiyan dahil sa mga kasalanan nila,+ at dapat nilang pag-aralan ang plano nito.* 11 Kung mahiya sila dahil sa lahat ng ginawa nila, dapat mong ipaalám sa kanila ang disenyo ng templo, at ang pagkakaayos, mga labasan, at mga pasukan nito.+ Ipakita mo sa kanila ang buong disenyo at mga batas nito, ang disenyo at mga kautusan nito, at isulat mo ang mga iyon sa harap nila para masunod nila ang buong disenyo at mga batas nito.+ 12 Ito ang kautusan sa templo. Ang tuktok ng bundok at ang buong palibot nito ay napakabanal.+ Ito ang kautusan sa templo.
13 “Ito ang mga sukat ng altar ayon sa mga siko+ (ang bawat siko ay dinagdagan ng isang sinlapad-ng-kamay).* Ang paanan nito ay may taas na isang siko at mas malapad nang isang siko kaysa sa ikalawang bahagi ng altar. Mayroon itong panggilid sa buong palibot na isang dangkal* ang taas. Ito ang paanan ng altar. 14 Ang ikalawang bahagi ng altar na nasa ibabaw ng paanan ay may taas na dalawang siko, at mas malapad ito nang isang siko kaysa sa ikatlong bahagi ng altar. Ang ikatlong bahagi ng altar ay may taas na apat na siko, at mas malapad ito nang isang siko kaysa sa bahaging nasa ibabaw nito. 15 Ang apuyan ng altar sa pinakaibabaw ay may taas na apat na siko, at may apat na sungay sa tuktok ng apuyan ng altar.+ 16 Ang apuyan ng altar ay kuwadrado, 12 siko ang haba at 12 siko ang lapad.+ 17 Ang ikatlong bahagi ay kuwadrado, 14 na siko ang haba at 14 na siko ang lapad; at ang panggilid nito sa buong palibot ay may taas na kalahating siko, at ang paanan nito sa lahat ng panig ay isang siko.
“At ang mga baytang nito ay nakaharap sa silangan.”
18 At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Ito ang mga tagubilin na susundin kapag ginawa ang altar, para makapaghandog ng mga buong handog na sinusunog at makapagwisik ng dugo sa ibabaw nito.’+
19 “‘Kumuha ka ng isang batang toro* mula sa bakahan bilang handog para sa kasalanan+ at ibigay mo sa mga saserdoteng Levita na mga supling ni Zadok,+ na lumalapit sa akin para maglingkod,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 20 ‘Kumuha ka ng dugo nito at ilagay mo iyon sa apat na sungay ng altar, sa apat na kanto ng ikatlong bahagi, at sa panggilid na nasa buong palibot, para madalisay ito mula sa kasalanan at maipagbayad-sala ito.+ 21 At kunin mo ang batang toro, ang handog para sa kasalanan, para sunugin ito sa isang lugar sa templo na itinakda para dito, na nasa labas ng santuwaryo.+ 22 Sa ikalawang araw, maghain ka ng isang malusog na lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan; at dadalisayin nila ang altar mula sa kasalanan kung paanong dinalisay nila iyon mula sa kasalanan sa pamamagitan ng batang toro.’
23 “‘Kapag nadalisay mo na ito mula sa kasalanan, maghandog ka ng isang malusog na batang toro mula sa bakahan at isang malusog na lalaking tupa mula sa kawan. 24 Ihaharap mo ang mga iyon kay Jehova, at ang mga iyon ay lalagyan ng mga saserdote ng asin+ at ihahandog kay Jehova bilang buong handog na sinusunog. 25 Sa loob ng pitong araw, maghahain ka araw-araw ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan,+ pati ng isang batang toro mula sa bakahan at isang lalaking tupa mula sa kawan; maghahandog ka ng mga hayop na walang depekto.* 26 Magbabayad-sala sila para sa altar sa loob ng pitong araw, at dapat nilang linisin iyon at pasinayaan. 27 Pagkatapos, mula sa ikawalong araw+ at patuloy, ihahain ng mga saserdote ang inyong* mga buong handog na sinusunog at haing pansalo-salo sa ibabaw ng altar; at malulugod ako sa inyo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”