Josue
20 At sinabi ni Jehova kay Josue: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Pumili kayo ng mga kanlungang lunsod+ gaya ng sinabi ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises, 3 para ang nakapatay nang di-sinasadya* ay makatakbo roon. At ang mga iyon ay magiging kanlungan ninyo mula sa tagapaghiganti ng dugo.+ 4 Dapat siyang tumakas papunta sa isa sa mga lunsod na ito+ at tumayo sa pasukan ng pintuang-daan ng lunsod+ at sabihin sa matatandang lalaki ng lunsod ang nangyari. Pagkatapos, tatanggapin nila siya sa lunsod at bibigyan siya ng lugar doon at maninirahan siyang kasama nila. 5 Kung habulin siya ng tagapaghiganti ng dugo, hindi nila isusuko rito ang nakapatay, dahil hindi niya sinasadya ang pagpatay,* at wala siyang galit sa napatay niya.+ 6 Titira siya sa lunsod na iyon hanggang sa litisin siya sa harap ng kapulungan,+ at mananatili siya roon hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote+ na nanunungkulan nang panahong iyon. Saka pa lang siya makababalik sa lunsod na pinanggalingan niya at makakauwi sa bahay niya.’”+
7 Kaya binigyan nila ng sagradong katayuan* ang mga lunsod na ito: ang Kedes+ sa Galilea sa mabundok na rehiyon ng Neptali, ang Sikem+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim, at ang Kiriat-arba,+ na tinatawag ding Hebron, sa mabundok na rehiyon ng Juda. 8 Sa rehiyon ng Jordan, sa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer+ sa ilang na nasa talampas mula sa tribo ni Ruben, ang Ramot+ sa Gilead mula sa tribo ni Gad, at ang Golan+ sa Basan mula sa tribo ni Manases.+
9 Ito ang mga lunsod na maaaring takbuhan ng sinumang Israelita o dayuhang naninirahang kasama nila na nakapatay nang di-sinasadya,+ para hindi siya mapatay ng tagapaghiganti ng dugo bago pa siya litisin sa harap ng kapulungan.+