Isaias
25 O Jehova, ikaw ang aking Diyos.
Dinadakila kita, pinupuri ko ang pangalan mo,
Dahil gumawa ka ng kamangha-manghang mga bagay,+
Mga bagay na niloob mo* mula pa noong unang panahon,+
Na tapat+ at mapagkakatiwalaan.
2 Dahil ginawa mong bunton ng mga bato ang isang lunsod,
At dinurog mo ang isang napapaderang* bayan.
Wala na ang tore ng mga banyaga;
Hindi na ito itatayong muli.
3 Kaya nga luluwalhatiin ka ng isang malakas na bayan;
Matatakot sa iyo ang lunsod ng malulupit na bansa.+
4 Dahil naging tanggulan ka ng hamak,
Tanggulan ng dukha na nagdurusa,+
Kanlungan sa panahon ng bagyo,
At lilim sa init.+
Kapag ang bugso ng galit ng mga mapang-api ay gaya ng bagyong humahagupit sa pader,
5 Gaya ng init sa tigang na lupain,
Pinatatahimik mo ang sigawan ng mga estranghero.
Gaya ng init na napawi dahil sa lilim ng ulap,
Pinatigil mo ang awit ng mga mapang-api.
6 Sa bundok na ito,+ si Jehova ng mga hukbo ay gagawa para sa lahat ng bayan
Ng isang handaan ng masasarap na pagkain,+
Ng isang handaan ng mainam na alak,*
Ng masasarap na pagkain na punô ng utak sa buto,
Ng mainam at sinalang alak.
7 Sa bundok na ito ay aalisin* niya ang talukbong na bumabalot sa lahat ng bayan
At ang lambong na tumatakip sa lahat ng bansa.
8 Lalamunin* niya ang kamatayan magpakailanman,+
At papahirin ng Kataas-taasang* Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.+
Aalisin niya ang panghahamak sa kaniyang bayan mula sa buong lupa,
Dahil si Jehova mismo ang nagsabi nito.
9 Sasabihin nila sa araw na iyon:
“Siya ang ating Diyos!+
Siya si Jehova!
Umaasa tayo sa kaniya.
Magalak tayo at magsaya sa pagliligtas niya.”+
10 Dahil ipapatong ni Jehova ang kamay niya sa bundok na ito,+
At ang Moab ay yuyurakan sa kinaroroonan nito+
Gaya ng dayami na niyuyurakan sa bunton ng dumi.
11 Ihahampas niya rito ang mga kamay niya
Gaya ng paghampas sa tubig ng isang manlalangoy para makalangoy,
At ibababa niya ang kayabangan nito+
Sa pamamagitan ng mahusay na galaw ng mga kamay niya.
12 At ang matibay na lunsod, pati na ang iyong matataas na pader na pananggalang,
Ay ibubuwal niya;
Ibabagsak niya ito sa lupa, sa mismong alabok.