Josue
9 Ang mga nangyari ay nabalitaan ng lahat ng hari na nasa gawing kanluran ng Jordan+ sa mabundok na rehiyon at sa Sepela at sa buong baybayin ng Malaking Dagat*+ at sa tapat ng Lebanon. Sila ay mga hari ng mga Hiteo, mga Amorita, mga Canaanita, mga Perizita, mga Hivita, at mga Jebusita.+ 2 Kaya bumuo sila ng alyansa para labanan si Josue at ang Israel.+
3 Narinig din ng mga nakatira sa Gibeon+ ang ginawa ni Josue sa Jerico+ at sa Ai.+ 4 Kaya kumilos sila nang may katalinuhan at naglagay ng pagkain sa lumang mga sako na ikinarga nila sa mga asno. Nagdala sila ng lumang mga sisidlan ng alak na gawa sa balat, na pumutok na at may mga tagpi; 5 nagsuot din sila ng luma at may-tagping mga sandalyas at ng sira-sirang damit. Lahat ng dala nilang tinapay ay tuyo na at madaling madurog. 6 Pumunta sila kay Josue sa kampo sa Gilgal,+ at sinabi nila sa kaniya at sa mga lalaki ng Israel: “Galing kami sa isang malayong lupain. Gusto naming makipagkasundo sa inyo.” 7 Pero sinabi ng mga lalaki ng Israel sa mga Hivita:+ “Baka sa malapit lang kayo nakatira. Kaya bakit kami makikipagkasundo sa inyo?”+ 8 Sinabi nila kay Josue: “Mga lingkod* mo kami.”
Sinabi naman ni Josue sa kanila: “Sino kayo, at saan kayo nanggaling?” 9 Sumagot sila: “Galing pa sa napakalayong lupain+ ang mga lingkod mo, at nagpunta kami rito bilang pagkilala sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos, dahil nabalitaan namin ang katanyagan niya at ang lahat ng ginawa niya sa Ehipto,+ 10 at ang lahat ng ginawa niya sa dalawang hari ng mga Amorita na nasa kabilang ibayo* ng Jordan, si Haring Sihon+ ng Hesbon at si Haring Og+ ng Basan, na nasa Astarot. 11 Kaya ganito ang sinabi sa amin ng aming matatandang lalaki at ng lahat ng nakatira sa lupain namin, ‘Magdala kayo ng pagkain para sa paglalakbay at puntahan ninyo sila. Sabihin ninyo sa kanila: “Magiging lingkod ninyo kami;+ gusto naming makipagkasundo sa inyo.”’+ 12 Itong tinapay na dala namin ay mainit pa nang umalis kami ng bahay para magpunta rito. Ngayon, tingnan ninyo, tuyo na ito at madaling madurog.+ 13 At itong mga sisidlan ng alak na gawa sa balat, bago pa nang punuin namin, pero ngayon, pumutok na.+ At ang mga damit at sandalyas namin, naluma na dahil sa haba ng paglalakbay.”
14 Kaya kinuha* ng mga lalaki ang ilan sa mga dala nila, pero hindi sila sumangguni kay Jehova.+ 15 At si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila+ at nakipagkasundo na hahayaan niya silang mabuhay, at iyan ang ipinangako sa kanila ng mga pinuno ng bayan.+
16 Pagkalipas ng tatlong araw mula nang gumawa sila ng kasunduan, nalaman nila na sa malapit lang pala nakatira ang mga iyon. 17 Kaya naglakbay ang mga Israelita at nakarating sa mga lunsod nila nang ikatlong araw; ang mga lunsod nila ay ang Gibeon,+ Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim.+ 18 Pero hindi sila sinalakay ng mga Israelita, dahil nangako sa kanila ang mga pinuno ng bayan sa ngalan ni Jehova+ na Diyos ng Israel. Kaya ang mga Israelita ay nagbulong-bulungan laban sa mga pinuno. 19 Sinabi ng lahat ng pinuno sa mga Israelita: “Nangako kami sa kanila sa ngalan ni Jehova na Diyos ng Israel, kaya hindi natin sila puwedeng saktan. 20 Ito ang gagawin natin: Hahayaan natin silang mabuhay para hindi magalit sa atin ang Diyos, dahil nangako kami sa kanila.”+ 21 At sinabi pa ng mga pinuno: “Hayaan natin silang mabuhay, pero sila ay magiging tagakuha ng kahoy at tagaigib ng tubig para sa buong Israel.” Ito ang ipinangako sa kanila ng mga pinuno.
22 Tinawag sila ngayon ni Josue, at sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo kami dinaya? Bakit ninyo sinabi, ‘Galing kami sa napakalayong lugar,’ samantalang tagarito lang pala kayo?+ 23 Mula ngayon ay isinumpa na kayo,+ at habambuhay kayong magiging alipin—tagakuha ng kahoy at tagaigib ng tubig para sa bahay ng aking Diyos.” 24 Sinabi nila kay Josue: “Malinaw na sinabi sa mga lingkod mo na si Jehova na iyong Diyos ay nag-utos sa lingkod niyang si Moises na ibigay sa inyo ang buong lupain at lipulin sa harap ninyo ang lahat ng nakatira dito.+ Natakot kami sa inyo at ayaw naming mamatay,+ kaya ginawa namin ito.+ 25 Ngayon, ikaw na ang bahala sa amin.* Gawin mo sa amin kung ano ang tingin mong mabuti at tama.” 26 At gayon ang ginawa niya sa kanila; iniligtas niya sila mula sa mga kamay ng mga Israelita, at hindi nila sila pinatay. 27 Pero nang araw na iyon, ginawa sila ni Josue na mga tagakuha ng kahoy at tagaigib ng tubig para sa mga Israelita+ at para sa altar ni Jehova sa lugar na pipiliin Niya,+ at ganiyan pa rin sila hanggang sa araw na ito.+