Unang Hari
7 Nagtayo si Solomon ng sarili niyang bahay.*+ Inabot siya nang 13 taon para matapos ito.+
2 At itinayo niya sa apat na hanay ng mga haliging sedro ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon+ na may habang 100 siko,* lapad na 50 siko, at taas na 30 siko; at may mga bigang sedro+ sa ibabaw ng mga haligi. 3 Ang itaas nito ay nilagyan ng kahoy na sedro na nakakabit sa mga posteng pahalang, na nakapatong naman sa mga haligi; 45 ang mga ito, 15 sa bawat hanay. 4 May tatlong hanay ng bintanang may hamba, at bawat bintana ay may katapat na isa pang bintana sa tatlong grado. 5 Ang lahat ng pasukan at mga poste ng pinto ay may parisukat* na mga hamba, pati ang harap ng magkakatapat na bintana sa tatlong grado.
6 At itinayo niya ang Bulwagan* ng mga Haligi na may habang 50 siko at lapad na 30 siko; may beranda sa harap nito na may mga haligi at bubungan.
7 Itinayo rin niya ang Bulwagan* ng Trono+—ang Bulwagan ng Paghatol+—kung saan siya hahatol; at nilagyan nila iyon ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa mga biga.
8 Ang bahay* na titirhan niya ay nasa ibang looban+ at nakahiwalay sa Bulwagan,* at magkahawig ang pagkakagawa ng mga ito. Nagtayo rin siya ng bahay na kahawig ng bulwagang ito para sa anak ng Paraon, na kinuha ni Solomon bilang asawa.+
9 Ang lahat ng ito ay gawa sa mamahaling mga bato+ na tinabas ayon sa sukat at pinakinis ang bawat panig sa pamamagitan ng lagaring pambato, mula sa pundasyon hanggang sa pinakatuktok ng mga gusali. Gawa rin sa ganitong mga bato ang malaking looban.+ 10 Malalaki at mamahalin ang mga batong ginamit sa pundasyon; ang ilang bato ay 10 siko at ang iba ay 8 siko. 11 At sa ibabaw nito ay may mamahaling mga bato na tinabas ayon sa sukat at may kahoy na sedro. 12 Sa palibot ng malaking looban ay may tatlong hanay ng tinabas na mga bato at isang hanay ng mga bigang sedro, gaya rin ng nasa maliit na looban*+ ng bahay ni Jehova at sa beranda ng bahay.+
13 Ipinasundo ni Haring Solomon si Hiram+ mula sa Tiro. 14 Anak siya ng isang biyuda mula sa tribo ni Neptali, at ang ama niya ay taga-Tiro at isang panday-tanso;+ mayroon siyang pambihirang kasanayan, kaunawaan,+ at karanasan sa paggawa ng anumang bagay na yari sa tanso.* Dumating siya at ginawa ang lahat ng ipinagawa sa kaniya ni Haring Solomon.
15 Naghulma siya ng dalawang haliging tanso;+ bawat haligi ay 18 siko ang taas at mapaiikutan ng pising panukat na 12 siko ang haba.*+ 16 At naghulma siya ng dalawang kapital na gawa sa tanso para ilagay sa ibabaw ng mga haligi. Limang siko ang taas ng bawat kapital. 17 Ang mga kapital sa ibabaw ng bawat haligi ay pinalamutian nila ng lambat na gawa sa maliliit na kadena na pinilipit na gaya ng lubid;+ pito sa bawat kapital. 18 At gumawa siya ng mga palamuting granada,* at inilagay ang dalawang hanay nito sa palibot ng lambat para takpan ang mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi; ganiyan ang ginawa niya sa dalawang kapital. 19 Ang mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi sa beranda ay may disenyong liryo* na apat na siko ang taas. 20 Ang mga kapital ay nasa ibabaw ng dalawang haligi, sa ibabaw ng pabilog na bahaging pinapalibutan ng lambat; at 200 granada ang nakahanay sa palibot ng bawat kapital.+
21 Itinayo niya ang mga haligi ng beranda ng templo.*+ Itinayo niya ang kanang* haligi at tinawag itong Jakin,* at itinayo niya ang kaliwang* haligi at tinawag itong Boaz.*+ 22 Ang ibabaw ng mga haligi ay may disenyong liryo. At natapos ang paggawa sa mga haligi.
23 Pagkatapos, gumawa siya ng malaking tipunan ng tubig na yari sa hinulmang metal.+ Pabilog ang hugis nito. Ang sukat nito mula sa isang labi hanggang sa kabilang labi ay 10 siko, ang taas ay 5 siko, at mapaiikutan ito ng pising panukat na 30 siko ang haba.*+ 24 At may mga palamuting gaya ng mga bilog na upo+ sa ilalim ng labi nito paikot, 10 sa isang siko paikot sa buong tipunan ng tubig; ang mga upo ay nasa dalawang hanay at nakahulma sa tipunan ng tubig. 25 Nakapatong ang tipunan ng tubig sa 12 toro,+ 3 ang nakaharap sa hilaga, 3 ang nakaharap sa kanluran, 3 ang nakaharap sa timog, at 3 ang nakaharap sa silangan; ang mga ito ay nakatalikod sa isa’t isa. 26 Ang kapal nito ay isang sinlapad-ng-kamay;* at ang labi nito ay gaya ng labi ng kopa, gaya ng bulaklak ng liryo. Naglalaman ito ng 2,000 bat.*
27 At gumawa siya ng 10 patungang de-gulong*+ na yari sa tanso. Ang bawat patungang de-gulong ay may habang apat na siko, lapad na apat na siko, at taas na tatlong siko. 28 Ganito ang pagkakagawa sa mga patungang de-gulong: Mayroon itong panggilid na mga panel, at ang mga ito ay nakakabit sa mga balangkas. 29 At sa panggilid na mga panel na nakakabit sa mga balangkas ay may mga leon,+ toro, at mga kerubin,+ at ganito rin ang disenyo sa mga balangkas. Sa itaas at ibaba ng mga leon at ng mga toro ay may pakurbang mga disenyo na hinulma. 30 Ang bawat patungan ay may apat na tansong gulong at tansong ehe; at may apat na tukod sa mga kanto na sumusuporta sa mga iyon. Sa ilalim ng tipunan ng tubig ay may mga tukod, na may pakurbang mga disenyo na nakahulma sa bawat panig. 31 Ang bunganga nito ay nasa loob ng korona at may lalim na isang siko; ang bunganga nito ay pabilog, at ang kabuoang taas nito ay isang siko at kalahati, at sa bunganga nito ay may nakaukit na mga palamuti. Ang panggilid na mga panel nito ay parisukat, hindi bilog. 32 Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng panggilid na mga panel, at ang mga suporta ng mga gulong ay nakakabit sa patungan, at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati. 33 Ang mga gulong nito ay gaya ng gulong ng mga karwahe. Ang mga suporta nito, rim, rayos, at boha* ay gawa sa hinulmang metal. 34 May apat na tukod sa apat na kanto ng bawat patungang de-gulong; ang mga tukod nito ay hinulma na kasama ng patungang de-gulong. 35 Sa ibabaw ng patungang de-gulong ay may korona na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patungang de-gulong, ang mga balangkas nito at panggilid na mga panel ay hinulma na kasama ng patungang de-gulong. 36 Sa mga espasyo sa mga balangkas nito at sa panggilid na mga panel ay umukit siya ng mga kerubin, leon, at puno ng palma, na may nakapalibot na pakurbang mga disenyo.+ 37 Ganiyan ang pagkakagawa niya sa 10 patungang de-gulong;+ pare-pareho ang hulma ng mga ito,+ iisa ang sukat at hugis.
38 Gumawa siya ng 10 tansong tipunan ng tubig;+ makapaglalaman ng 40 bat ang bawat isa sa mga ito. Ang bawat tipunan ng tubig ay apat na siko.* Bawat isa sa 10 patungang de-gulong ay may isang tipunan ng tubig. 39 Pagkatapos, naglagay siya ng limang patungang de-gulong sa kanang panig ng bahay at lima sa kaliwang panig ng bahay, at inilagay niya ang malaking tipunan ng tubig sa kanang panig ng bahay, sa timog-silangan.+
40 Gumawa rin si Hiram+ ng mga tipunan ng tubig, mga pala,+ at mga mangkok.+
Kaya natapos ni Hiram ang lahat ng ipinagawa sa kaniya ni Haring Solomon sa bahay ni Jehova:+ 41 ang dalawang haligi+ at ang mga hugis-mangkok na kapital sa ibabaw ng dalawang haligi; ang dalawang lambat+ na pantakip sa dalawang hugis-mangkok na kapital sa ibabaw ng mga haligi; 42 ang 400 granada+ para sa dalawang lambat, dalawang hanay ng mga granada sa bawat lambat, para takpan ang dalawang hugis-mangkok na kapital na nasa dalawang haligi; 43 ang 10 patungang de-gulong+ at 10 tipunan ng tubig+ sa mga patungang de-gulong; 44 ang malaking tipunan ng tubig+ at ang 12 toro sa ilalim nito; 45 at ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, at ang lahat ng iba pang kagamitan na ginawa ni Hiram mula sa pinakintab na tanso para kay Haring Solomon para sa bahay ni Jehova. 46 Ang mga ito ay inihulma ng hari sa mga moldeng luwad sa distrito ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan.
47 Hindi na tinimbang ni Solomon ang lahat ng kagamitan dahil napakarami nito. Hindi na inalam ang bigat ng mga tanso.+ 48 Ginawa ni Solomon ang lahat ng kagamitan para sa bahay ni Jehova: ang gintong altar;+ ang gintong mesa+ na paglalagyan ng tinapay na pantanghal; 49 ang mga kandelero+ na purong ginto, lima sa kanan at lima sa kaliwa sa harap ng kaloob-loobang silid; at ang mga bulaklak,+ ilawan, at mga pang-ipit ng mitsa, na lahat ay ginto;+ 50 ang mga tipunan ng tubig, pamatay ng apoy,+ mangkok, kopa,+ at ang mga lalagyan ng baga,*+ na lahat ay purong ginto; at ang mga ukit ng paikutan para sa mga pinto ng pinakaloob na bahay,+ ang Kabanal-banalan, at para sa mga pinto ng templo,*+ na lahat ay ginto.
51 Kaya natapos ni Haring Solomon ang lahat ng kailangan niyang gawin para sa bahay ni Jehova. Pagkatapos, ipinasok ni Solomon ang mga bagay na pinabanal ng ama niyang si David,+ at inilagay niya ang pilak, ang ginto, at ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova.+