Jeremias
18 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Jehova: 2 “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok,+ at sasabihin ko sa iyo roon ang mga salita ko.”
3 Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok. May ginagawa siya sa paikutan ng luwad. 4 Pero nasira ang sisidlang luwad habang ginagawa ito ng magpapalayok. Kaya ang luwad ay ginawa niyang ibang sisidlan, ayon sa naiisip niyang nararapat gawin.
5 Pagkatapos, dumating sa akin ang salita ni Jehova: 6 “‘Hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito, O sambahayan ng Israel?’ ang sabi ni Jehova. ‘Gaya ng luwad sa kamay ng magpapalayok, ganoon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.+ 7 Kapag sinabi kong bubunutin ko, ibababa, at lilipulin ang isang bansa o kaharian,+ 8 at tinalikuran ng bansang iyon ang kasamaan nito na hinatulan ko, magbabago ako ng isip tungkol sa* kapahamakang ipinasiya kong pasapitin doon.+ 9 Pero kapag sinabi kong itatayo ko at patatatagin ang isang bansa o kaharian, 10 at ginawa nito ang masama sa paningin ko at hindi ito nakinig sa tinig ko, magbabago ako ng isip tungkol sa* mabuting bagay na ipinasiya kong gawin para dito.’
11 “Pakisuyo, sabihin mo ngayon sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “May inihahanda* akong kapahamakan at may iniisip akong gawin laban sa inyo. Pakisuyo, talikuran ninyo ang masama ninyong landasin, at baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at gawain.”’”+
12 Pero sinabi nila: “Hindi! Susundin namin kung ano ang naiisip namin, at gagawin namin ang gusto ng mapagmatigas at masama naming puso.”+
13 Kaya ito ang sinabi ni Jehova:
“Pakisuyo, magtanong kayo sa mga bansa.
Sino na ang nakarinig ng ganito?
Ang dalaga ng Israel ay gumawa ng kakila-kilabot na bagay.+
14 Nawawalan ba ng niyebe ang mabatong dalisdis ng Lebanon?
O matutuyo ba ang malamig na tubig na dumadaloy mula sa malayo?
15 Pero kinalimutan ako ng bayan ko.+
Dahil naghahandog sila* sa isang bagay na walang kabuluhan,+
At tinitisod nila ang iba mula sa landas na nilalakaran ng mga ito, ang mga sinaunang daan,+
Para lumakad sa mga daang makitid at hindi patag,*
16 Para gawing nakapangingilabot ang lupain nila+
At isang bagay na sisipulan magpakailanman.+
Ang bawat dumadaan doon ay mapapatitig at mangingilabot at mapapailing.+
17 Gaya ng hanging silangan, pangangalatin ko sila sa harap ng kaaway.
Likod, at hindi mukha, ang ipapakita ko sa kanila sa araw ng kapahamakan nila.”+
18 At sinabi nila: “Halikayo, magpakana tayo laban kay Jeremias,+ dahil hindi mawawala ang kautusan* mula sa mga saserdote natin, o ang payo mula sa marurunong, o ang salita mula sa mga propeta. Halikayo, magsalita tayo ng masama sa kaniya at huwag nating pakinggan ang sinasabi niya.”
19 Bigyang-pansin mo ako, O Jehova,
At pakinggan mo ang sinasabi ng mga kalaban ko.
20 Dapat bang gantihan ng masama ang mabuti?
Humukay sila ng libingan para sa akin.+
Alalahanin mo na humarap ako sa iyo para magsalita ng mabuti tungkol sa kanila,
Para mawala ang galit mo sa kanila.
21 Kaya hayaan mong mamatay sa gutom ang mga anak nila,
At ibigay mo sila sa kapangyarihan ng espada.+
Mawalan nawa ng mga anak ang mga asawa nila at mabiyuda.+
Mamatay nawa sa matinding salot ang kalalakihan nila,
At mapatay nawa ng espada sa labanan ang kanilang mga kabataang lalaki.+
22 May marinig nawang sigaw mula sa mga bahay nila,
Kapag bigla mong dinala sa kanila ang mga mandarambong.
Dahil gumawa sila ng hukay para mahuli ako
At nag-umang ng mga bitag para sa mga paa ko.+
Huwag mong takpan ang pagkakamali nila,
At huwag mong pawiin ang kasalanan nila sa harap mo.