Genesis
16 At hindi nagkaanak ang asawa ni Abram na si Sarai,+ pero mayroon siyang alilang Ehipsiyo na ang pangalan ay Hagar.+ 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram: “Hindi ako pinahintulutan ni Jehova na magkaanak. Pakisuyo, sumiping ka sa aking alila. Baka magkaroon ako ng mga anak sa pamamagitan niya.”+ At nakinig si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Noong 10 taon nang naninirahan si Abram sa Canaan, ibinigay ni Sarai sa asawa niyang si Abram ang kaniyang alilang Ehipsiyo na si Hagar para maging asawa nito. 4 Kaya sumiping si Abram kay Hagar, at nagdalang-tao siya. Nang malaman ni Hagar na nagdadalang-tao siya, naging hamak sa paningin niya ang amo niyang babae.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram: “Ikaw ang may kasalanan kung bakit niya ako hinahamak. Ako ang nagbigay sa iyo* ng aking alila, pero nang malaman niyang nagdadalang-tao siya, naging hamak ako sa paningin niya. Si Jehova nawa ang humatol sa akin at sa iyo.” 6 Kaya sinabi ni Abram kay Sarai: “Alila mo siya. Gawin mo sa kaniya kung ano sa tingin mo ang makakabuti.” At ipinahiya ni Sarai si Hagar kaya lumayas siya.
7 Nang maglaon, nakita siya ng anghel ni Jehova sa isang bukal ng tubig sa ilang, ang bukal na nasa daan papuntang Sur.+ 8 Sinabi nito: “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” Sumagot siya: “Tumatakas ako mula sa amo kong si Sarai.” 9 Kaya sinabi sa kaniya ng anghel ni Jehova: “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba* ka sa kaniya.” 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel ni Jehova: “Talagang pararamihin ko ang mga supling* mo hanggang sa hindi na sila kayang bilangin.”+ 11 Idinagdag pa ng anghel ni Jehova: “Nagdadalang-tao ka, at magsisilang ka ng isang lalaki. Pangalanan mo siyang Ismael,* dahil narinig ni Jehova ang paghihirap mo. 12 Magiging tulad siya ng mailap na asno.* Siya ay magiging laban sa lahat, at ang lahat ay magiging laban sa kaniya, at maninirahan siya malapit sa lahat ng kapatid niya.”*
13 Kaya tumawag siya sa pangalan ni Jehova, na nakikipag-usap sa kaniya, at sinabi niya: “Ikaw ay Diyos ng paningin,”+ dahil sinabi niya: “Talaga bang nakita ko ang isa na nakakakita sa akin?” 14 Iyan ang dahilan kung bakit ang balon ay tinawag na Beer-lahai-roi.* (Nasa pagitan ito ng Kades at Bered.) 15 Kaya nagsilang si Hagar ng isang lalaki, at pinangalanan ni Abram na Ismael ang anak niya kay Hagar.+ 16 Si Abram ay 86 na taóng gulang nang isilang ni Hagar si Ismael.