Deuteronomio
27 At si Moises, kasama ang matatandang lalaki ng Israel, ay nag-utos sa bayan: “Sundin ninyo ang bawat utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 2 At sa araw na tawirin ninyo ang Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, pumili kayo ng malalaking bato at pahiran ninyo ng apog* ang mga iyon.+ 3 Isulat ninyo roon ang lahat ng salita sa Kautusang ito pagtawid ninyo, para makapasok kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Jehova, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan, gaya ng ipinangako sa inyo ni Jehova, ang Diyos ng inyong mga ninuno.+ 4 Pagtawid ninyo sa Jordan, ilagay ninyo sa Bundok Ebal+ ang mga batong ito at pahiran ng apog, gaya ng iniuutos ko sa inyo ngayon. 5 Magtayo rin kayo roon ng isang altar para sa Diyos ninyong si Jehova, isang altar na gawa sa bato. Huwag ninyo itong gagamitan ng kasangkapang bakal.+ 6 Dapat kayong gumamit ng mga buong bato sa pagtatayo ng altar ng Diyos ninyong si Jehova, at doon kayo mag-alay ng mga handog na sinusunog para sa Diyos ninyong si Jehova. 7 Maghahandog kayo roon ng mga haing pansalo-salo+ at doon ninyo kakainin ang mga iyon,+ at magsasaya kayo sa harap ng Diyos ninyong si Jehova.+ 8 At isulat ninyo nang malinaw sa mga bato ang lahat ng salita sa Kautusang ito.”+
9 At sinabi ni Moises at ng mga saserdoteng Levita sa buong Israel: “Tumahimik kayo at makinig, O Israel. Sa araw na ito, kayo ay naging bayan ng Diyos ninyong si Jehova.+ 10 Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos ninyong si Jehova at sundin ang mga utos+ at tuntunin niya, na ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
11 Nang araw na iyon, inutusan ni Moises ang bayan: 12 “Pagtawid ninyo sa Jordan, tatayo sa Bundok Gerizim+ ang mga tribong ito para pagpalain ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin. 13 Ito naman ang mga tatayo sa Bundok Ebal+ para bigkasin ang sumpa: Ruben, Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neptali. 14 At isisigaw ng mga Levita sa buong bayan ng Israel:+
15 “‘Sumpain ang taong gumagawa at nagtatago ng inukit na imahen+ o ng metal na estatuwa,+ na gawa ng isang bihasang manggagawa,* isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.’+ (At sasagot ang buong bayan, ‘Amen!’*)
16 “‘Sumpain ang humahamak sa kaniyang ama o ina.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
17 “‘Sumpain ang nag-uusod ng muhon* ng kapuwa niya.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
18 “‘Sumpain ang nagliligaw ng bulag sa daan.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
19 “‘Sumpain ang bumabaluktot ng hatol+ sa dayuhang naninirahang kasama ninyo, sa batang walang ama,* o sa biyuda.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
20 “‘Sumpain ang sumisiping sa asawa ng ama niya, dahil nilalapastangan niya ang* kaniyang ama.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
21 “‘Sumpain ang sumisiping sa anumang hayop.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
22 “‘Sumpain ang sumisiping sa kapatid niyang babae, na anak ng kaniyang ama o ina.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
23 “‘Sumpain ang sumisiping sa kaniyang biyenang babae.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
24 “‘Sumpain ang nananambang at pumapatay sa kapuwa niya.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
25 “‘Sumpain ang tumatanggap ng bayad para pumatay ng* inosenteng tao.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)
26 “‘Sumpain ang hindi susunod sa mga salita sa Kautusang ito.’+ (At sasabihin ng buong bayan, ‘Amen!’)