Unang Hari
8 Nang panahong iyon, tinipon ni Solomon+ ang matatandang lalaki ng Israel, ang lahat ng ulo ng mga tribo, ang mga pinuno ng mga angkan* ng Israel.+ Pumunta sila kay Haring Solomon sa Jerusalem para dalhin ang kaban ng tipan ni Jehova mula sa Lunsod ni David,+ ang Sion.+ 2 Nagtipon-tipon ang mga Israelita sa harap ni Haring Solomon noong kapistahan* ng buwan ng Etanim,* ang ikapitong buwan.+ 3 Kaya dumating ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel, at binuhat ng mga saserdote ang Kaban.+ 4 Dinala nila ang Kaban ni Jehova, ang tolda ng pagpupulong,+ at ang lahat ng banal na kagamitang nasa tolda. Ang mga saserdote at mga Levita ang nagdala sa mga iyon. 5 Si Haring Solomon, pati ang buong kapulungan ng Israel na ipinatawag niya, ay nasa harap ng Kaban. Hindi mabilang sa dami ang inihahandog na mga tupa at baka.+
6 Pagkatapos, ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ni Jehova sa paglalagyan nito,+ sa kaloob-loobang silid ng bahay, sa Kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.+
7 Ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka sa ibabaw ng kinalalagyan ng Kaban, kaya nalulukuban ng mga kerubin ang Kaban at ang mga pingga* nito.+ 8 Napakahaba ng mga pingga+ kaya ang mga dulo nito ay nakikita mula sa Banal sa harap ng kaloob-loobang silid, pero hindi ito nakikita sa labas. At naroon pa rin ang mga iyon hanggang ngayon. 9 Walang ibang nasa loob ng Kaban kundi ang dalawang tapyas na bato+ na inilagay roon ni Moises+ sa Horeb, noong makipagtipan si Jehova+ sa bayang Israel nang lumabas sila mula sa lupain ng Ehipto.+
10 Nang lumabas ang mga saserdote mula sa banal na lugar, napuno ng ulap+ ang bahay ni Jehova.+ 11 Hindi makapaglingkod ang mga saserdote dahil sa ulap, dahil napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang bahay ni Jehova.+ 12 Sinabi ni Solomon nang pagkakataong iyon: “Sinabi ni Jehova na titira siya sa maitim at makapal na ulap.+ 13 Nagtagumpay ako sa pagtatayo ng isang marangal na bahay para sa iyo, isang matatag na lugar na matitirhan mo magpakailanman.”+
14 Pagkatapos, humarap ang hari sa buong kongregasyon ng Israel at pinagpala niya sila samantalang sila ay nakatayo.+ 15 Sinabi niya: “Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel, ang nangako sa ama kong si David at tumupad sa pangako niya sa pamamagitan ng sarili niyang kamay. Sinabi niya, 16 ‘Mula nang araw na ilabas ko mula sa Ehipto ang bayan kong Israel, hindi ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng tribo ng Israel na pagtatayuan ng isang bahay kung saan mananatili ang pangalan ko,+ pero pinili ko si David para mamahala sa bayan kong Israel.’ 17 Gusto ng ama kong si David na magtayo ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel.+ 18 Pero sinabi ni Jehova sa ama kong si David, ‘Gusto mo akong ipagtayo ng bahay para sa pangalan ko, at maganda ang hangarin mo. 19 Pero hindi ikaw ang magtatayo ng bahay. Ang magiging anak mo* ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko.’+ 20 Tinupad ni Jehova ang ipinangako niya, dahil ako ang pumalit sa ama kong si David at umupo sa trono ng Israel, gaya ng pangako ni Jehova. Naitayo ko rin ang bahay para sa pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel,+ 21 at nakapaghanda ako ng lugar para sa Kaban na naglalaman ng tipan+ ni Jehova sa mga ninuno natin nang ilabas niya sila mula sa lupain ng Ehipto.”
22 At tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Jehova, sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, at iniunat niya ang mga kamay niya sa langit+ 23 at sinabi: “O Jehova na Diyos ng Israel, walang Diyos na tulad mo+ sa langit o sa lupa, na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig+ sa mga lingkod mo na lumalakad sa harap mo* nang buong puso nila.+ 24 Tinupad mo ang pangako mo sa lingkod mong si David na aking ama. Ikaw mismo ang nangako at sa araw na ito ay tinupad mo iyon sa pamamagitan ng sarili mong kamay.+ 25 At ngayon, O Jehova na Diyos ng Israel, tuparin mo ang ipinangako mo sa lingkod mong si David na aking ama nang sabihin mo: ‘Sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa harap ko sa trono ng Israel kung magiging palaisip ang mga anak mo sa pamumuhay nila sa pamamagitan ng paglakad sa daan ko, gaya ng ginawa mo.’+ 26 At ngayon, O Diyos ng Israel, matupad nawa ang ipinangako mo sa lingkod mong si David na aking ama, pakisuyo.
27 “Pero talaga bang maninirahan ang Diyos sa lupa?+ Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya;+ paano pa kaya sa bahay na ito na itinayo ko?+ 28 Ngayon ay pakinggan mo sana ang panalangin at kahilingan ng lingkod mo, O Jehova na aking Diyos, at makinig ka sa paghingi ng tulong at sa panalangin ng iyong lingkod sa harap mo ngayon. 29 Bantayan nawa ng mga mata mo ang bahay na ito gabi at araw, ang lugar na tinutukoy mo nang sabihin mo, ‘Ang pangalan ko ay doroon,’+ para mapakinggan ang idinadalangin ng lingkod mo nang nakaharap sa lugar na ito.+ 30 At pakinggan mo ang kahilingan ng iyong lingkod at ang kahilingan ng bayan mong Israel na idinadalangin nila nang nakaharap sa lugar na ito, at makinig ka nawa mula sa tirahan mo sa langit;+ oo, makinig ka nawa at magpatawad.+
31 “Kapag nagkasala ang isang tao sa kapuwa niya at panumpain siya ng isang panata,* at habang nasa ilalim ng panatang* iyon ay humarap siya sa altar mo sa bahay na ito,+ 32 makinig ka nawa mula sa langit at kumilos ka at humatol sa iyong mga lingkod. Hatulan mo ang masama at parusahan mo siya dahil sa masamang ginawa niya, at pawalang-sala mo* ang matuwid at gantimpalaan mo siya sa matuwid niyang mga gawa.+
33 “Kapag natalo ng kaaway ang bayan mong Israel dahil patuloy silang nagkakasala sa iyo,+ at manumbalik sila sa iyo at luwalhatiin ang pangalan mo+ at manalangin at magsumamo sa iyo sa bahay na ito,+ 34 makinig ka nawa mula sa langit at patawarin mo ang kasalanan ng bayan mong Israel at ibalik sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno.+
35 “Kapag sumara ang langit at hindi umulan+ dahil patuloy silang nagkakasala sa iyo,+ at manalangin sila nang nakaharap sa lugar na ito at luwalhatiin ang pangalan mo, at tumalikod sila mula sa kanilang kasalanan dahil dinisiplina* mo sila,+ 36 makinig ka nawa mula sa langit at patawarin ang kasalanan ng mga lingkod mo, ng bayan mong Israel, dahil ituturo mo sa kanila+ ang mabuting daan na dapat nilang lakaran; at magpaulan ka sa lupaing+ ipinamana mo sa iyong bayan.
37 “Kung magkaroon ng taggutom sa lupain,+ o ng salot, pagkatuyot ng mga pananim, amag,+ napakaraming balang, o matatakaw na balang;* o palibutan sila ng kaaway nila sa alinmang lunsod ng lupain* o magkaroon ng iba pang uri ng salot o sakit,+ 38 anumang panalangin, anumang hilingin+ ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel (dahil alam ng bawat isa sa kanila ang kirot sa sarili niyang puso)+ kapag iniunat nila ang kanilang mga kamay sa direksiyon ng bahay na ito, 39 makinig ka nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ at magpatawad ka+ at kumilos; at ibigay mo sa bawat isa ang nararapat sa lahat ng ginagawa niya,+ dahil alam mo ang nasa puso niya (ikaw lang ang talagang nakaaalam kung ano ang nasa puso ng bawat tao),+ 40 para matakot sila sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.
41 “Tungkol naman sa dayuhang hindi kabilang sa bayan mong Israel pero dumating mula pa sa malayong lupain dahil sa pangalan* mo+ 42 (dahil maririnig nila ang tungkol sa iyong dakilang pangalan+ at sa malakas mong kamay at sa makapangyarihan* mong bisig), at lumapit siya at manalangin nang nakaharap sa bahay na ito, 43 makinig ka nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ at ibigay mo ang lahat ng hinihiling sa iyo ng dayuhan, para malaman* ng lahat ng bayan sa mundo ang pangalan mo at matakot sila sa iyo+ gaya ng bayan mong Israel, at para malaman nila na ang pangalan mo ay nasa bahay na ito na itinayo ko.
44 “Sakaling makipagdigma ang bayan mo sa kaaway nila saanmang lugar,+ at manalangin sila+ kay Jehova nang nakaharap sa pinili mong lunsod+ at sa bahay na itinayo ko para sa pangalan mo,+ 45 pakinggan mo nawa sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang kahilingan at bigyan mo sila ng katarungan.
46 “Kung magkasala sila sa iyo (dahil walang taong hindi nagkakasala),+ at magalit ka sa kanila at pabayaan mo sila sa kamay ng kaaway, at bihagin sila ng kaaway nila at dalhin sa lupain nito, malayo man o malapit;+ 47 at matauhan sila sa lupain kung saan sila dinalang bihag,+ at manumbalik sila+ at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang kaaway,+ na sinasabi, ‘Nagkasala kami at nagkamali; masama ang ginawa namin,’+ 48 at manumbalik sila sa iyo nang kanilang buong puso+ at buong kaluluwa sa lupain ng kanilang mga kaaway na bumihag sa kanila, at manalangin sila sa iyo nang nakaharap sa kanilang lupain na ibinigay mo sa kanilang mga ninuno at sa lunsod na pinili mo at sa bahay na itinayo ko para sa pangalan mo,+ 49 pakinggan mo nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ ang panalangin at kahilingan nila, at bigyan mo sila ng katarungan 50 at patawarin mo ang bayan mong nagkasala sa iyo. Patawarin mo sila sa lahat ng kasalanang nagawa nila sa iyo. Uudyukan mo ang mga kaaway na maawa sa kanila, at kaaawaan sila ng mga ito+ 51 (dahil sila ay bayan mo at iyong mana,+ na inilabas mo mula sa Ehipto,+ mula sa hurnong tunawan ng bakal).+ 52 Magbigay-pansin ka nawa* sa kahilingan ng iyong lingkod+ at sa kahilingan ng bayan mong Israel kailanman sila tumawag* sa iyo.+ 53 Dahil ibinukod mo sila bilang iyong mana mula sa lahat ng bayan sa lupa,+ gaya ng sinabi mo sa lingkod mong si Moises noong inilalabas mo ang mga ninuno namin mula sa Ehipto, O Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
54 Matapos bigkasin ni Solomon kay Jehova ang buong panalangin at kahilingang ito nang nakaluhod at nakaunat ang mga kamay sa langit, tumayo siya sa harap ng altar ni Jehova.+ 55 Tumayo siya at pinagpala ang buong kongregasyon ng Israel, na sinasabi sa malakas na tinig: 56 “Purihin nawa si Jehova, na siyang nagbigay ng pahingahan sa bayan niyang Israel, gaya ng ipinangako niya.+ Walang isa man sa mabubuting bagay na ipinangako niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises ang nabigo.+ 57 Sumaatin nawa si Jehova na ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno.+ Huwag niya nawa tayong iwan o pabayaan.+ 58 Antigin niya nawa ang puso natin+ para lumakad tayo sa lahat ng daan niya at sundin ang kaniyang mga utos, tuntunin, at batas,* na iniutos niyang sundin ng ating mga ninuno. 59 At ang mga pakiusap kong ito kay Jehova ay alalahanin nawa ni Jehova na ating Diyos araw at gabi, para bigyan niya ng katarungan ang kaniyang lingkod at ang bayan niyang Israel ayon sa kailangan sa araw-araw, 60 para malaman ng lahat ng tao sa mundo na si Jehova ang tunay na Diyos.+ Wala nang iba!+ 61 Kaya ibigay ninyo kay Jehova na ating Diyos ang inyong buong puso+—sundin ninyo ang mga tuntunin niya at tuparin ang mga utos niya gaya ng ginagawa ninyo ngayon.”
62 At ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay nag-alay ng napakaraming handog sa harap ni Jehova.+ 63 Inihandog ni Solomon kay Jehova ang mga haing pansalo-salo:+ Naghandog siya ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa gayon, pinasinayaan* ng hari at ng lahat ng Israelita ang bahay ni Jehova.+ 64 Nang araw na iyon, kinailangang pabanalin ng hari ang gitna ng loobang nasa harap ng bahay ni Jehova para doon ihandog ang mga haing sinusunog, handog na mga butil, at ang taba ng mga haing pansalo-salo, dahil hindi kasya sa tansong altar+ na nasa harap ni Jehova ang mga haing sinusunog, handog na mga butil, at ang taba+ ng mga haing pansalo-salo. 65 Nang panahong iyon, ang kapistahan+ ay idinaos ni Solomon kasama ang buong Israel, isang malaking kongregasyon mula sa Lebo-hamat* hanggang sa Wadi* ng Ehipto,+ sa harap ni Jehova na ating Diyos nang 7 araw at nang karagdagan pang 7 araw, 14 na araw lahat-lahat. 66 Nang sumunod na araw,* pinauwi na niya ang mga tao, at pinagpala nila ang hari at umuwi silang nagsasaya at maligaya ang puso dahil sa lahat ng kabutihang+ ipinakita ni Jehova sa lingkod niyang si David at sa kaniyang bayang Israel.