Deuteronomio
26 “Kapag pumasok ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana at nakuha mo na ito at nakatira ka na rito, 2 kumuha ka ng mga unang bunga mula sa lahat ng ani, na titipunin mo mula sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos; ilagay mo sa basket ang mga iyon at dalhin sa lugar na pinili ni Jehova na iyong Diyos para sa kaluwalhatian ng pangalan niya.+ 3 Pumunta ka sa saserdoteng naglilingkod sa panahong iyon, at sabihin mo sa kaniya, ‘Humaharap ako ngayon kay Jehova na iyong Diyos para sabihing nakapasok na ako sa lupaing ipinangako ni Jehova sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.’+
4 “Kukunin sa iyo ng saserdote ang basket at ilalagay iyon sa harap ng altar ni Jehova na iyong Diyos. 5 At sasabihin mo sa harap ni Jehova na iyong Diyos, ‘Ang ama ko ay isang pagala-galang* Arameano,+ at pumunta siya sa Ehipto+ at nanirahan doon bilang dayuhan kasama ang maliit niyang sambahayan.+ Pero naging isa siyang dakilang bansa, malakas at malaki.+ 6 At inapi kami at pinahirapan ng mga Ehipsiyo at walang-awang inalipin.+ 7 Kaya dumaing kami kay Jehova na Diyos ng aming mga ninuno, at dininig kami ni Jehova at binigyang-pansin ang paghihirap at pagdurusa namin at ang pagmamalupit sa amin.+ 8 At inilabas kami ni Jehova sa Ehipto sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay,+ isang unat na bisig, nakakatakot na mga gawa, at mga tanda at himala.+ 9 Pagkatapos, dinala niya kami rito at ibinigay sa amin ang lupaing ito, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ 10 Kaya narito ngayon ang mga unang bunga ng ani sa lupain na ibinigay sa akin ni Jehova.’+
“Ilagay mo iyon sa harap ni Jehova na iyong Diyos at yumukod ka kay Jehova na iyong Diyos. 11 At dahil sa lahat ng kabutihang ipinakita ni Jehova na iyong Diyos sa iyo at sa iyong sambahayan, magsasaya ka, pati na ang mga Levita at dayuhang naninirahang kasama ninyo.+
12 “Kapag naibukod na ninyo ang ikasampu+ ng inyong ani sa ikatlong taon, ang taon ng ikapu, ibibigay ninyo iyon sa mga Levita, dayuhang naninirahang kasama ninyo, batang walang ama,* at biyuda, at kakainin nila iyon sa mga lunsod* ninyo hanggang sa mabusog sila.+ 13 At sasabihin mo sa harap ni Jehova na iyong Diyos, ‘Kinuha ko na mula sa bahay ang banal na bahagi at ibinigay ko na iyon sa mga Levita, dayuhang naninirahang kasama namin, batang walang ama, at biyuda,+ gaya ng iniutos mo sa akin. Hindi ko nilabag o binale-wala ang iyong mga utos. 14 Hindi ko iyon kinain habang nagdadalamhati ako, hindi ko iyon hinawakan habang marumi ako, at hindi ko rin ginamit ang isang bahagi nito para sa patay. Sinunod ko ang tinig ni Jehova na aking Diyos at ginawa ang lahat ng utos niya. 15 Kaya tumanaw ka mula sa iyong banal na tahanan, ang langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel at ang lupaing ibinigay mo sa amin,+ gaya ng ipinangako mo sa aming mga ninuno,+ ang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.’+
16 “Sa araw na ito, inuutusan kayo ng Diyos ninyong si Jehova na sundin ang mga tuntunin at hudisyal na pasiyang ito. Dapat ninyong sundin at isagawa ang mga iyon nang inyong buong puso+ at kaluluwa. 17 Dahil sa pagtugon ninyo, sinabi ngayon ni Jehova na siya ang magiging Diyos ninyo habang lumalakad kayo sa mga daan niya at sumusunod sa kaniyang mga tuntunin,+ utos,+ at hudisyal na pasiya,+ at habang nakikinig kayo sa tinig niya. 18 At dahil sa ginawa ni Jehova, sumang-ayon kayo ngayon na maging bayan niya, ang espesyal* na pag-aari niya,+ gaya ng ipinangako niya sa inyo, at sumang-ayon kayong sundin ang lahat ng utos niya, 19 at ipinangako niyang gagawin niya kayong nakahihigit sa lahat ng iba pang bansang ginawa niya,+ at tatanggap kayo ng papuri, karangalan, at kaluwalhatian habang pinatutunayan ninyong kayo ay isang banal na bayan para sa Diyos ninyong si Jehova.”+