BASKET
Isang lalagyan na gawa sa mga materyales na gaya ng hibla ng dahon ng palma, halamang tambo, halamang hungko, lubid, maliliit na sanga, at mga sause; noong sinaunang mga panahon, kadalasang ginagamit ito ng mga tao sa mga gawaing pang-agrikultura, pantahanan, at iba pa. Lubhang magkakaiba ang hugis, laki, at kayarian ng kanilang mga basket. Ang iba ay nilala nang malalaki ang puwang at ang iba naman ay nilala nang masinsin. Ang ilang basket ay may mga hawakan at takip, samantalang ang iba naman ay walang hawakan o walang takip o kaya’y parehong walang hawakan at takip.
Hindi detalyadong inilalarawan ng Kasulatan ang iba’t ibang uri ng basket na ginamit noong sinaunang panahon sa mga lupain sa Bibliya, at iba’t ibang salitang Hebreo at Griego ang ginamit para sa mga basket. Ang salitang Hebreo na pinakamadalas gamitin upang tumukoy sa basket ay sal. Ginamit ito para sa tatlong basket ng tinapay na puti, na sunong ng pinuno ng mga magtitinapay ni Paraon sa kaniyang panaginip, isang panaginip na nagpapahiwatig ng kaniyang kamatayan ayon sa wastong pagpapakahulugan ni Jose. (Gen 40:16-19, 22) Ginamit din ang sal para sa basket na pinaglagyan ng mga tinapay na walang pampaalsa na ginamit noong italaga ang pagkasaserdote sa Israel, anupat tinawag itong “basket ng pagtatalaga.” (Exo 29:3, 23, 32; Lev 8:2, 26, 31) Ang terminong Hebreo ring ito ang ginamit para sa basket na naglalaman ng mga tinapay na walang pampaalsa na ginagamit sa seremonyal na paraan sa araw na malubos ang pagka-Nazareo ng isa. (Bil 6:13, 15, 17, 19) Gayundin, isang sal ang pinaglagyan ni Gideon ng karneng inihain niya sa anghel ni Jehova. (Huk 6:19) Bagaman hindi inilalarawan ng Kasulatan ang sal, waring masinsin ang pagkakalala ng ganitong uri ng basket at nang maglaon ay binalatang mga sanga ng sause o mga dahon ng palma ang ginamit sa paggawa nito. Maaaring ito’y medyo malaki at lapád, sa gayon ay kumbinyenteng gamitin sa pagdadala ng tinapay, gaya sa makahulang panaginip ng magtitinapay ng hari. Sa British Museum, makikita ang isang pinintahang modelong kahoy ng isang babaing Ehipsiyo na may sunong na isang malaki, lapád, at walang-takip na basket na punô ng mga panustos na pagkain na diumano’y para sa mga patay.
Noong panahon ng pagkaalipin ng mga Israelita sa Ehipto at ng kanilang “mabigat na pagkaalipin sa argamasang luwad at mga laryo” (Exo 1:14), maliwanag na gumamit sila ng mga basket sa pagbuhat ng mga materyales sa pagtatayo, ng luwad para sa mga laryo, at ng mga laryo mismo. Nang binubulay-bulay ng salmistang si Asap kung paano pinangyari ni Jehova ang paglaya ng Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, inilarawan niya ang Diyos na nagsasabi: “Ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa basket [mid·dudhʹ].” (Aw 81:4-6) Ito rin ang terminong Hebreo (dudh) para sa isang basket na ginagamit sa pagdadala ng mga igos. (Jer 24:1, 2) Tumutukoy rin ito sa isang uri ng kaldero (“kaldero na may dalawang hawakan” [1Sa 2:14]; “kalderong bilog ang ilalim” [2Cr 35:13]) at sa “hurno.”—Job 41:20.
Ang Hebreong teʹneʼ ay ang basket na pinaglalagyan noon ng inaning mga unang bunga na inihahandog sa Diyos, anupat siyang inilalagay sa harap ng altar ni Jehova. (Deu 26:2, 4) Malamang na malaki at malalim ang basket na ito na nagsisilbing lalagyan ng mga ani. Ginamit ni Moises ang terminong Hebreo na teʹneʼ para sa “basket” nang ipagbigay-alam niya sa Israel ang mga resulta ng pagsunod at ng pagsuway kay Jehova. Sinabi niya, “Pagpapalain ang iyong basket at ang iyong masahan,” kung magiging masunurin sila, ngunit, “Susumpain ang iyong basket at ang iyong masahan,” kung magiging masuwayin naman ang Israel.—Deu 28:5, 17.
Ang salitang Hebreo na keluvʹ ay maaaring tumukoy sa isang basket na yari sa mga halamang hungko o mga dahon. Ginamit ang terminong ito para sa “basket” sa Amos 8:1, 2, kung saan iniulat ng propeta na “isang basket ng bungang pantag-araw” ang ipinakita sa kaniya ni Jehova. Ginamit din ito sa Jeremias 5:27 upang tumukoy sa “isang hawla” ng mga ibon.
Ang isa pang salitang Hebreo na tumutukoy sa isang uri ng basket ay ang kar, na isinalin sa Genesis 31:34 bilang “pambabaing pansiyang basket.”
Pagkatapos na makahimalang paramihin ni Jesu-Kristo ang mga tinapay at mga isda upang mapakain ang mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata, 12 basket na punô ng pira-pirasong pagkain ang lumabis. (Mat 14:20; Mar 6:43; Luc 9:17; Ju 6:13) Nang tukuyin ang uri ng basket na pinaglagyan ng mga natira, ginamit ng lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo ang salitang Griego na koʹphi·nos. Maaaring isa itong uri ng sulihiyang basket na di-gaanong malaki at binibitbit sa kamay anupat maaaring paglagyan ng mga panustos para sa paglalakbay, o, posibleng mayroon itong panali na ginagamit upang maisakbat sa likod ng isang tao ang basket. Maaaring matantiya ang karaniwang kapasidad nito kung isasaalang-alang na ang isang panukat ng Boeotia na tinutukoy rin ng terminong Griegong ito ay humigit-kumulang 7.5 L (2 gal).
Matapos ilahad nina Mateo at Marcos na nagpakain si Jesus ng mga 4,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata, mula sa pitong tinapay at ilang maliliit na isda, iniulat nila na pitong basket ng lumabis na pira-piraso ang natipon. Ngunit iba namang salitang Griego, sphy·risʹ (o, spy·risʹ), ang ginamit nila; tumutukoy ito sa isang malaking basket ng panustos o malaking buslo. (Mat 15:37; Mar 8:8) Ang mas maliit na koʹphi·nos ay sapat na kung maglalakbay ang isang tao sa teritoryo ng mga Judio sa loob ng maikling panahon, ngunit isang mas malaking basket naman ang kakailanganin kung maglalakbay siya nang mas matagal sa banyagang mga lugar. Kung minsan, napakalaki ng ganitong uri ng basket anupat kasya ang isang tao sa loob nito. Ipinakita ng mga manunulat ng Ebanghelyo na magkaiba ang koʹphi·nos at ang sphy·risʹ (sa NW, “basket” ang ginamit para sa unang salitang Griego at “basket ng panustos” naman para sa ikalawa) nang iulat nila ang pananalita ni Jesu-Kristo nang dakong huli hinggil sa mga ginawa niyang makahimalang pagpaparami ng pagkain.—Mat 16:9, 10; Mar 8:19, 20.
Ang sphy·risʹ ang uri ng basket na ginamit upang maibaba si Pablo mula sa isang butas sa pader ng Damasco. (Gaw 9:25) Noong isinasalaysay niya sa mga Kristiyanong taga-Corinto ang tungkol sa pagtakas na ito, ginamit ng apostol ang salitang Griego na sar·gaʹne, na tumutukoy sa isang tiri-tirintas o “sulihiyang basket” na yari sa lubid o pinagpulu-pulupot na maliliit na sanga. Ang dalawang terminong Griegong ito ay maaaring gamitin upang tumukoy sa iisang uri ng basket.—2Co 11:32, 33.
Matapos tukuyin ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad bilang “ang liwanag ng sanlibutan,” sinabi niya sa kanila: “Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng basket na panukat, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara, at ito ay nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay.” Ang gayong “basket na panukat” (sa Gr., moʹdi·os) ay isang panukat ng tuyong bagay na makapaglalaman ng mga 9 na L (8 tuyong qt), ngunit ginamit ito ni Kristo sa makasagisag na paraan bilang isang pantakip. Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag itago ang kanilang espirituwal na liwanag sa ilalim ng isang makasagisag na “basket na panukat.” Sa halip, pinayuhan niya sila: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.”—Mat 5:1, 2, 14-16; tingnan din ang Mar 4:21; Luc 11:33.