Mga Gawa ng mga Apostol
3 Sina Pedro at Juan ay papunta noon sa templo para sa oras ng panalangin, ang ikasiyam na oras. 2 At isang lalaking ipinanganak na lumpo ang binubuhat papunta sa pinto ng templo na tinatawag na Maganda. Araw-araw siyang dinadala roon para mamalimos* sa mga pumapasok sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasók sa templo, namalimos siya sa kanila. 4 Pero tiningnan siya nina Pedro at Juan, at sinabi ni Pedro: “Tumingin ka sa amin.” 5 Kaya tumitig siya sa kanila at umasang may ibibigay sila. 6 Pero sinabi ni Pedro: “Wala akong pilak at ginto, pero ibibigay ko sa iyo kung ano ang mayroon ako. Sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!”+ 7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay niya at itinayo siya.+ Agad na tumatag ang mga paa at bukung-bukong niya;+ 8 agad siyang tumayo+ at pumasok sa templo kasama nila habang lumalakad, lumulukso, at pumupuri sa Diyos. 9 Nakita ng lahat na naglalakad siya at pumupuri sa Diyos. 10 At nakilala nilang siya ang lalaki na dating nakaupo at namamalimos sa Magandang Pintuang-Daan ng templo,+ at manghang-mangha sila at tuwang-tuwa sa nangyari sa kaniya.
11 Habang nakahawak pa kina Pedro at Juan ang lalaki, lahat ng tao ay nagtakbuhan papunta sa kanila sa tinatawag na Kolonada* ni Solomon,+ at gulat na gulat ang mga ito. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya: “Mga Israelita, bakit kayo namamangha rito, at bakit kayo nakatitig sa amin na para bang napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o makadiyos na debosyon? 13 Niluwalhati ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob+ ang Lingkod+ niyang si Jesus,+ na ipinaaresto ninyo+ at itinakwil sa harap ni Pilato, kahit pa nagdesisyon itong palayain siya. 14 Oo, itinakwil ninyo ang isang iyon na banal at matuwid, at mas pinili pa ninyong mapalaya ang isang mamamatay-tao+ 15 samantalang pinatay ninyo ang Punong Kinatawan para sa buhay.+ Pero binuhay siyang muli ng Diyos,* at nasaksihan namin iyon.+ 16 At sa pamamagitan ng pangalan niya at dahil sa pananampalataya namin dito, napalakas ang taong ito na nakikita ninyo at nakikilala. Ang pananampalatayang taglay namin dahil sa kaniya ang lubusang nagpagaling sa taong ito sa harap ninyong lahat. 17 Mga kapatid, alam kong ginawa ninyo iyon dahil sa kawalang-alam,+ gaya ng mga tagapamahala ninyo.+ 18 Pero sa ganitong paraan, tinupad ng Diyos ang mga bagay na patiuna niyang inihayag sa pamamagitan ng lahat ng propeta, na ang kaniyang Kristo ay magdurusa.+
19 “Kaya magsisi kayo+ at manumbalik+ para mapatawad ang inyong mga kasalanan,+ para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova+ 20 at isugo niya ang Kristo na inatasan para sa inyo, si Jesus. 21 Dapat manatili ang isang ito sa langit hanggang sa panahong ibalik sa dati ang lahat ng bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na mga propeta noon. 22 Sa katunayan, sinabi ni Moises: ‘Ang Diyos ninyong si Jehova ay pipili mula sa mga kapatid ninyo ng isang propeta na gaya ko.+ Makinig kayo sa lahat ng sasabihin niya sa inyo.+ 23 Ang sinumang hindi nakikinig sa Propetang iyon ay pupuksain.’+ 24 At pasimula kay propeta Samuel, ang lahat ng propeta ay hayagan ding nagsalita tungkol sa panahong ito.+ 25 Kayo ang mga anak ng mga propeta at ang mga makikinabang sa pakikipagtipan ng Diyos sa inyong mga ninuno.+ Sinabi niya kay Abraham: ‘At sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng pamilya sa lupa ay pagpapalain.’+ 26 Pagkatapos atasan ng Diyos ang kaniyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo ng Diyos+ para tulungan kayong talikuran ang inyong masasamang gawa. Isa itong pagpapala sa inyo.”