Levitico
23 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Ang mga kapistahan+ ni Jehova na dapat ninyong ianunsiyo+ ay mga banal na kombensiyon. Ito ang mga kapistahan ko:
3 “‘Puwede kayong magtrabaho nang anim na araw, pero ang ikapitong araw ay sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga,+ isang banal na kombensiyon. Hindi kayo puwedeng gumawa ng anumang trabaho. Iyon ay sabbath para kay Jehova saanman kayo tumira.+
4 “‘Ito ang mga kapistahan ni Jehova, mga banal na kombensiyon na dapat ninyong ianunsiyo sa panahong itinakda para sa mga ito: 5 Sa ika-14 na araw ng unang buwan,+ sa takipsilim,* ipagdiriwang ang Paskuwa+ para kay Jehova.
6 “‘Ang ika-15 araw ng buwang ito ay Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa para kay Jehova.+ Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa.+ 7 Sa unang araw, magdaraos kayo ng isang banal na kombensiyon.+ Wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho. 8 Sa halip, sa loob ng pitong araw ay mag-aalay kayo ng handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. Sa ikapitong araw, magkakaroon ng isang banal na kombensiyon. Wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho.’”
9 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 10 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kapag nakarating na kayo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo at umani na kayo roon, dapat kayong magdala sa saserdote ng isang tungkos mula sa mga unang bunga+ ng inyong ani.+ 11 At ang tungkos ay igagalaw niya nang pabalik-balik sa harap ni Jehova para tumanggap kayo ng pagsang-ayon. Igagalaw ito ng saserdote sa araw pagkatapos ng Sabbath. 12 Sa araw na iginalaw ang tungkos, dapat kayong mag-alay ng isang malusog na batang lalaking tupa na hindi lalampas ng isang taóng gulang bilang handog na sinusunog para kay Jehova. 13 Ang handog na mga butil na kasama nito ay dalawang-ikasampu ng isang epa* ng magandang klase ng harina na hinaluan ng langis, bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy. Ang handog na inumin na kasama nito ay sangkapat na hin* ng alak. 14 Huwag kayong kakain ng anumang tinapay, binusang butil, o bagong butil hanggang sa araw na iyon, hanggang sa madala ninyo ang handog para sa inyong Diyos. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon ninyo saanman kayo tumira.
15 “‘Bibilang kayo ng pitong sabbath* mula sa araw pagkatapos ng Sabbath, sa araw na dinala ninyo ang tungkos bilang handog na iginagalaw.*+ Ang mga iyon ay dapat na buong mga sanlinggo. 16 Bibilang kayo ng 50 araw,+ ibig sabihin, hanggang sa araw pagkatapos ng ikapitong Sabbath, at saka kayo mag-aalay ng bagong handog na mga butil para kay Jehova.+ 17 Mula sa inyong tirahan, dapat kayong magdala ng dalawang tinapay bilang handog na iginagalaw.* Ang mga iyon ay dapat na gawa sa dalawang-ikasampu ng isang epa* ng magandang klase ng harina. Dapat na may halong pampaalsa ang mga iyon,+ bilang mga unang hinog na bunga para kay Jehova.+ 18 At kasama ng mga tinapay, dapat kayong maghandog ng pitong malulusog na lalaking kordero,* bawat isa ay isang taóng gulang, at ng isang batang toro* at dalawang lalaking tupa.+ Kasama ng handog na mga butil at mga handog na inumin, ang mga iyon ay magiging handog na sinusunog para kay Jehova bilang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 19 At dapat kayong mag-alay ng isang batang kambing bilang handog para sa kasalanan+ at dalawang lalaking kordero na isang taóng gulang bilang haing pansalo-salo.+ 20 Igagalaw ng saserdote nang pabalik-balik ang mga iyon, ang dalawang lalaking kordero, kasama ang mga tinapay ng mga unang hinog na bunga, bilang handog na iginagalaw* sa harap ni Jehova. Ang mga iyon ay magiging banal sa paningin ni Jehova at mapupunta sa saserdote.+ 21 Sa araw na iyon, magkakaroon ng panawagan+ para sa isang banal na kombensiyon. Wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon ninyo, sa lahat ng lugar na titirhan ninyo.
22 “‘Kapag umaani kayo sa inyong lupain, huwag mong gagapasin ang lahat ng nasa gilid ng iyong bukid at huwag mong pupulutin ang natira sa iyong ani.+ Iiwan mo ang mga iyon para sa mahihirap*+ at dayuhang naninirahang kasama ninyo.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”
23 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 24 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Sa unang araw ng ikapitong buwan, dapat ninyong ipagdiwang ang isang espesyal na araw ng pamamahinga, isang okasyon na ipapaalaala ng isang tunog ng trumpeta,+ isang banal na kombensiyon. 25 Wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho, at mag-aalay kayo ng isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.’”
26 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 27 “Pero ang ika-10 araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagbabayad-Sala.+ Dapat kayong magdaos ng isang banal na kombensiyon at dapat ninyong pasakitan ang inyong sarili*+ at dapat kayong mag-alay ng handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. 28 Huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa araw na ito, dahil ito ay araw ng pagbabayad-sala para mabayaran ang inyong mga kasalanan+ sa harap ng Diyos ninyong si Jehova. 29 Kung hindi pasakitan ng isang tao* ang kaniyang sarili* sa araw na iyon, papatayin siya.+ 30 At sinuman* mula sa bayan na gumawa ng anumang trabaho sa araw na iyon ay pupuksain ko. 31 Hindi kayo puwedeng gumawa ng anumang trabaho. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon ninyo saanman kayo tumira. 32 Ito ay isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga para sa inyo, at pasasakitan ninyo ang inyong sarili+ sa gabi ng ikasiyam na araw ng buwan. Mula sa gabi hanggang sa susunod na gabi ay susundin ninyo ang batas ko sa sabbath.”
33 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 34 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, ipagdiriwang ninyo para kay Jehova ang Kapistahan ng mga Kubol* nang pitong araw.+ 35 Magkakaroon ng isang banal na kombensiyon sa unang araw, at wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho. 36 Pitong araw kayong mag-aalay ng handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw, dapat kayong magdaos ng isang banal na kombensiyon+ at mag-alay ng isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. Ito ay isang banal na pagtitipon. Wala kayong gagawing anumang mabigat na trabaho.
37 “‘Ito ang mga kapistahan+ ni Jehova na dapat ninyong ianunsiyo bilang mga banal na kombensiyon+ para sa pag-aalay ng isang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy: ang handog na sinusunog+ kasama ang handog na mga butil+ at mga handog na inumin+ ayon sa hinihiling para sa bawat araw. 38 Ang mga ito ay karagdagan sa mga inihahandog sa mga sabbath para kay Jehova+ at sa inyong mga kaloob,+ panatang handog,+ at kusang-loob na handog+ na dapat ninyong ibigay kay Jehova. 39 Pero sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, kapag natipon na ninyo ang bunga ng lupain, dapat ninyong ipagdiwang ang kapistahan ni Jehova nang pitong araw.+ Ang unang araw ay espesyal na araw ng pamamahinga at ang ikawalong araw ay espesyal na araw ng pamamahinga.+ 40 Sa unang araw, kukunin ninyo ang bunga ng magagandang puno, ang mga dahon ng mga puno ng palma,+ at ang mga sanga ng mayayabong na puno at ng mga punong alamo sa lambak,* at magsasaya kayo+ sa harap ng Diyos ninyong si Jehova nang pitong araw.+ 41 Ipagdiriwang ninyo ito bilang kapistahan para kay Jehova sa loob ng pitong araw sa bawat taon.+ Dapat ninyo itong ipagdiwang sa ikapitong buwan. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda sa lahat ng henerasyon ninyo. 42 Dapat kayong tumira sa mga kubol sa loob ng pitong araw.+ Ang lahat ng katutubo sa Israel ay dapat tumira sa mga kubol, 43 para malaman ng susunod na mga henerasyon+ ninyo na sa mga kubol ko pinatira ang mga Israelita noong ilabas ko sila sa Ehipto.+ Ako ang Diyos ninyong si Jehova.’”
44 Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita ang tungkol sa mga kapistahan ni Jehova.