KAPISTAHAN NG MGA TINAPAY NA WALANG PAMPAALSA
Ang kapistahang ito ay nagsisimula sa Nisan 15, ang araw pagkaraan ng Paskuwa, at nagpapatuloy nang pitong araw hanggang Nisan 21. (Tingnan ang PASKUWA.) Hinalaw ang pangalan nito sa mga tinapay na walang pampaalsa (sa Heb., mats·tsohthʹ), ang tanging tinapay na maaaring kainin sa pitong araw ng kapistahan. Ang tinapay na walang pampaalsa ay gawa sa harinang hinaluan ng tubig at minasa ngunit hindi nilagyan ng lebadura. Kailangan itong ihanda nang mabilisan upang hindi kumasim ang masang harina.
Ang unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay isang kapita-pitagang kapulungan at isa ring sabbath. Sa ikalawang araw, Nisan 16, dinadala sa saserdote ang isang tungkos ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, ang unang pananim na nahihinog sa Palestina. Bago ang kapistahang ito, hindi pinahihintulutan ang pagkain ng bagong butil, tinapay, o binusang butil mula sa bagong ani. Ang mga unang bungang iyon ay inihahandog ng saserdote kay Jehova sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pagkakaway ng isang tungkos ng mga butil, habang inihahandog ang isang malusog na barakong tupa na nasa unang taon nito bilang handog na sinusunog kasama ang isang handog na mga butil na nilagyan ng langis at ang isang handog na inumin. (Lev 23:6-14) Hindi iniutos na sunugin sa altar ang mga butil o ang harina nito, gaya ng naging kaugalian ng mga saserdote nang dakong huli. Bukod sa pangmadla o pambansang paghahandog ng mga unang bunga, may probisyon din na ang bawat pamilya at bawat indibiduwal na may pag-aari sa Israel ay makapaghahandog ng mga hain ng pasasalamat sa panahon ng masayang okasyong ito.—Exo 23:19; Deu 26:1, 2; tingnan ang UNANG BUNGA, MGA.
Kahulugan. Ang pagkain ng mga tinapay na walang pampaalsa sa panahong iyon ay kaayon ng mga tagubiling tinanggap ni Moises mula kay Jehova, gaya ng nakaulat sa Exodo 12:14-20, anupat kalakip dito ang mahigpit na utos sa talata 19: “Pitong araw na walang masusumpungang pinaasim na masa sa inyong mga bahay.” Sa Deuteronomio 16:3, ang mga tinapay na walang pampaalsa ay tinatawag na “tinapay ng kapighatian,” at ang mga iyon ay nagsilbing taunang paalaala sa mga Judio hinggil sa kanilang apurahang paglisan sa lupain ng Ehipto (kung kailan hindi na nila nagawang lagyan ng lebadura ang kanilang masang harina [Exo 12:34]). Sa gayon ay maaalaala nila ang kanilang kapighatian at pagkaalipin at gayundin ang pagliligtas sa kanila mula roon, gaya nga ng sinabi ni Jehova mismo, “upang maalaala mo ang araw ng iyong paglabas mula sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Ang pagtatamo nila ng kalayaan bilang isang bansa at ang pagkilala nila kay Jehova bilang kanilang Tagapagligtas ay angkop na pangganyak sa kanila upang ipagdiwang ang una sa tatlong pangunahing taunang kapistahan ng Israel.—Deu 16:16.
Mga Pagdiriwang Bago ang Pagkatapon. Masusumpungan sa Kasulatan ang tatlong ulat ng pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na naganap pagkatapos pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako at bago sila maging tapon sa Babilonya. Ngunit bagaman iyon lamang ang mga pagdiriwang na iniulat, hindi dapat isipin na wala nang ibang mga pagdiriwang ng kapistahan na isinagawa noon. Sa katunayan, sa unang ulat ay tinukoy ang lahat ng kapistahan at ang mga kaayusang ginawa ni Solomon upang maipagdiwang ang mga iyon.—2Cr 8:12, 13.
Ang dalawang iba pang pagdiriwang na nabanggit ay isinagawa sa natatanging mga kalagayan. Ang isa ay noong ibalik ang pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa pagkatapos na mapabayaan ito nang matagal na panahon. Naganap ito noong unang taon ng paghahari ng tapat na si Haring Hezekias. Pansinin na sa pagkakataong iyon, wala nang sapat na panahon upang maghanda para sa taunang kapistahan sa araw ng Nisan 15, sapagkat ang paglilinis at pagkukumpuni sa templo ay umabot hanggang Nisan 16. Dahil dito, sinamantala nila ang probisyon ng Kautusan na ipagdiwang ang kapistahan sa ikalawang buwan. (2Cr 29:17; 30:13, 21, 22; Bil 9:10, 11) Naging napakasaya ng okasyong iyon at lubhang napasigla ang bayan sa tunay na pagsamba anupat parang napakaikli ng pitong-araw na pagdiriwang; kaya naman ipinasiya nilang ipagpatuloy iyon nang pitong araw pa. Si Haring Hezekias at ang kaniyang mga prinsipe ay bukas-palad na nag-abuloy ng 2,000 toro at 17,000 tupa upang mapaglaanan ng pagkain ang napakaraming taong dumalo.—2Cro 30:23, 24.
Ang pagdiriwang na iyon ang naging pasimula ng isang malaking kampanya laban sa huwad na relihiyon, at sa maraming lunsod ay isinagawa ito bago bumalik sa kani-kanilang tahanan ang mga mananamba. (2Cr 31:1) Ang pagdaraos na iyon ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay nagdulot ng pagpapala ni Jehova at ng paglaya mula sa pagsamba sa demonyo, at isa itong mahusay na halimbawa na nagpapakitang may kapaki-pakinabang na epekto sa mga Israelita ang pagdiriwang ng ganitong mga kapistahan.
Ang huling iniulat na pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa bago ang pagkatapon ay naganap noong naghahari si Haring Josias; noong panahong iyon ay buong-tapang niyang sinikap na isauli sa Juda ang dalisay na pagsamba kay Jehova.—2Cr 35:1-19.
Bagaman ito lamang ang mga pagdiriwang na espesipikong binanggit, walang alinlangan na sinikap din ng tapat na mga hukom at mga saserdote ng Israel bago ang panahon ng mga hari na ipagdiwang ang mga kapistahan. Nang maglaon, kapuwa si David at si Solomon ay gumawa ng malawakang mga kaayusan upang patuloy na makapaglingkod ang mga saserdote sa wastong paraan, at malamang na tiniyak ng iba pang mga hari ng Juda na regular na naipagdiriwang ang mga kapistahan. Bukod diyan, waring ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay regular na ipinagdiwang pagkaraan ng pagkatapon.
Pagdiriwang Pagkaraan ng Pagkatapon. Nang mapalaya ang mga Judio mula sa Babilonya at makabalik na sila sa Lupang Pangako, ang templo sa Jerusalem ay muling itinayo at natapos dahil sa puspusang pagpapasigla ng mga propeta ni Jehova na sina Hagai at Zacarias. (Ezr 5:1, 2) Noong 515 B.C.E., ang muling-itinayong bahay ni Jehova ay pinasinayaan nang may malaking kagalakan kasama ang lahat ng angkop na mga hain para sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang ulat sa Ezra 6:22 ay nagsabi: “At idinaos nila ang kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa nang pitong araw taglay ang pagsasaya.”
Ipinakikita ng aklat ng Malakias na sa kabila ng mahusay na pasimula upang maisauli ang tunay na pagsamba pagkabalik ng mga tapon mula sa Babilonya, nang maglaon ay naging pabaya, mapagmapuri, at mapagmatuwid sa sarili ang mga saserdote. Ang paglilingkod sa templo ay naging walang kabuluhan, bagaman ipinagdiriwang pa rin ang mga kapistahan sa pormalistikong paraan. (Mal 1:6-8, 12-14; 2:1-3; 3:8-10) Noong panahon ni Jesus, ubod-ingat na tinutupad ng mga eskriba at mga Pariseo ang mga detalye ng Kautusan, bukod pa sa mga tradisyong idinagdag nila. Buong-sigasig nilang ipinagdiriwang ang mga kapistahan, kasama na ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ngunit hinatulan sila ni Jesus, sapagkat, dahil sa kanilang pagpapaimbabaw, nakaligtaan nila ang tunay na kahulugan ng kaayusang ito ni Jehova para sa kanilang ikapagpapala.—Mat 15:1-9; 23:23, 24; Luc 19:45, 46.
Makahulang Kahulugan. Ibinigay ni Jesu-Kristo ang makasagisag na kahulugan ng pampaalsa, o lebadura, gaya ng nakaulat sa Mateo 16:6, 11, 12, nang babalaan niya ang kaniyang mga alagad: “Maging mapagmasid kayo at mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Nang ang kaniyang mga alagad ay may-kamaliang mangatuwiran sa isa’t isa hinggil sa kung ano ang tinutukoy niya, sinabi niya nang malinaw: “‘Paano ngang hindi ninyo nauunawaan na hindi ako nagsalita sa inyo tungkol sa mga tinapay? Kundi mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.’ Nang magkagayon ay naintindihan nila na sinabi niyang mag-ingat sila . . . sa turo ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Bukod diyan, iniulat ni Lucas na espesipikong sinabi ni Jesus sa isa pang pagkakataon: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na siyang pagpapaimbabaw.”—Luc 12:1.
Tinukoy rin ng apostol na si Pablo ang lebadura sa kahawig na diwa kaugnay ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa nang ilarawan niya ang landasing dapat tahakin ng mga Kristiyano. Sa 1 Corinto 5:6-8, pinayuhan niya ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano: “Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na. Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.”
Tuwing Nisan 16, na ikalawang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ikinakaway ng mataas na saserdote ang mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, na siyang unang ani ng taon, o ang matatawag na kauna-unahan sa mga unang bunga ng lupain. (Lev 23:10, 11) Kapansin-pansin na si Jesu-Kristo ay binuhay-muli sa araw ring iyon, Nisan 16, noong taóng 33 C.E. Inihambing ng apostol si Kristo sa ibang mga indibiduwal na bubuhaying-muli nang sabihin niya: “Gayunman, si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. . . . Ngunit bawat isa ay sa kani-kaniyang katayuan: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” Si Kristo ay tinatawag ding “panganay sa maraming magkakapatid.”—1Co 15:20-23; Ro 8:29.