Exodo
19 Nang ikatlong buwan pagkalabas ng mga Israelita sa Ehipto, nang araw ding iyon, dumating sila sa ilang ng Sinai. 2 Umalis sila sa Repidim+ at nakarating sa ilang ng Sinai at nagkampo roon, sa harap ng bundok.+
3 Pagkatapos, umakyat si Moises para humarap sa tunay na Diyos, at tinawag siya ni Jehova mula sa bundok+ at sinabi: “Ito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, sa mga Israelita, 4 ‘Nakita ninyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo,+ para madala ko kayo sa mga pakpak ng mga agila at mailapit kayo sa akin.+ 5 Ngayon, kung susundin ninyo ang lahat ng sinasabi ko* at iingatan ang aking tipan, kayo ay magiging espesyal* na pag-aari ko mula sa lahat ng bayan,+ dahil ang buong lupa ay akin.+ 6 Kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa na pag-aari ko.’+ Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita.”
7 Kaya umalis si Moises at ipinatawag ang matatandang lalaki ng bayan at sinabi sa kanila ang lahat ng iniutos ni Jehova na sabihin niya.+ 8 At sumagot ang buong bayan: “Handa naming gawin ang lahat ng sinabi ni Jehova.”+ Kaagad na iniulat ni Moises kay Jehova ang sagot ng bayan. 9 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Kakausapin kita mula sa isang madilim na ulap para marinig ng bayan kapag kinakausap kita at para lagi rin silang manampalataya sa iyo.” At iniulat ni Moises kay Jehova ang sinabi ng bayan.
10 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Puntahan mo ang bayan, at pabanalin mo sila ngayon at bukas, at dapat nilang labhan ang mga damit nila. 11 At dapat silang maging handa sa ikatlong araw, dahil sa ikatlong araw ay bababa si Jehova sa ibabaw ng Bundok Sinai at makikita ito ng buong bayan. 12 Maglagay ka ng mga hangganan sa palibot nito para sa bayan at sabihin mo sa kanila, ‘Huwag kayong aakyat sa bundok, at huwag kayong tatapak sa paanan nito. Sinumang tumapak sa bundok ay tiyak na papatayin. 13 Walang hahawak sa kaniya, kundi babatuhin siya o tutuhugin.* Hayop man ito o tao, hindi ito mabubuhay.’+ Pero kapag tumunog ang tambuling sungay ng lalaking tupa,+ puwede na silang lumapit sa bundok.”
14 Pagkatapos, bumaba si Moises sa bundok para puntahan ang bayan, at pinabanal niya ang bayan, at nilabhan nila ang mga damit nila.+ 15 Sinabi niya sa bayan: “Maghanda kayo para sa ikatlong araw. Huwag kayong makikipagtalik.”*
16 Noong umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, nagkaroon ng makapal na ulap+ sa ibabaw ng bundok, at narinig ang napakalakas na tunog ng tambuli, kaya nanginig ang buong bayan na nasa kampo.+ 17 Inilabas ngayon ni Moises ang bayan mula sa kampo para humarap sa tunay na Diyos, at pumuwesto sila sa paanan ng bundok. 18 Umusok ang buong Bundok Sinai, dahil bumaba si Jehova nang nag-aapoy sa ibabaw nito;+ at ang usok na nagmumula rito ay parang usok na mula sa isang pugon, at yumayanig nang napakalakas ang bundok.+ 19 Habang palakas nang palakas ang tunog ng tambuli, nagsalita si Moises, at sumagot ang tunay na Diyos.*
20 Kaya bumaba si Jehova sa Bundok Sinai, sa tuktok ng bundok. Pagkatapos, tinawag ni Jehova si Moises sa tuktok ng bundok, at umakyat si Moises.+ 21 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Bumaba ka at babalaan mo ang bayan na huwag silang magpumilit na lumampas sa hangganan para makita si Jehova; kapag ginawa nila iyan, marami sa kanila ang mamamatay. 22 At dapat pabanalin ng mga saserdote na regular na lumalapit kay Jehova ang sarili nila, para hindi sila patayin ni* Jehova.”+ 23 Sinabi ni Moises kay Jehova: “Hindi talaga aakyat ang bayan sa Bundok Sinai, dahil nagbabala ka sa amin at sinabi mo, ‘Maglagay ka ng mga hangganan sa palibot ng bundok, at gawin mo itong banal.’”+ 24 Pero sinabi ni Jehova: “Bumaba ka, at bumalik ka rito kasama si Aaron, pero huwag mong hahayaan ang mga saserdote at ang bayan na lumampas sa hangganan para lumapit kay Jehova nang hindi niya sila patayin.”+ 25 Kaya bumaba si Moises sa bayan at sinabi ito sa kanila.